
Hindi Makapaniwala ang Ina nang Makita Niya ang Anak na Dalagita at Kaniyang Kinakasama sa Loob ng Palikuran; Hindi Nga Ba Iyon Sinasadya?
“Adeline, si Johnny nga pala. Jowa ko. Johnny… si Adeline, anak ko.”
Tumaas ang kilay ni Adeline at sinuyod mula ulo hanggang paa ang kasamang lalaki ng kaniyang inang si Mabel, 50 taong gulang. Mukhang hindi sila nagkakalayo ng edad ng panibagong boylet ng kaniyang ina. Wala naman siyang pakialam.
“Oh, saan mo na naman napulot iyan? Palamunin mo na naman,” walang preno ang bibig ni Adeline. 19 na taong gulang pa lamang siya subalit kung titingnan ang kaniyang hitsura, tila ba nasa 30 taong gulang na siya. Pinatanda siya ng kahirapan sa buhay. Pinatanda siya ng maagang pagwawalwal sa buhay.
Hindi naman siya masisisi. Ganoong buhay ang nakamulatan niya. Nakatira sila sa squatter’s area. Ang nanay niya, isa ngang factory worker, kung kani-kaninong lalaki naman nakikipag-inuman sa kanilang lugar. Minsan nang naeskandalo ang kanilang buhay dahil sa pagpatol umano ng kaniyang ina sa mga kapitbahay nilang mga lalaki na may mga asawa at anak na.
Galit si Adeline sa nanay niya. Galit siya sa mundo. Nagrebelde siya’t gusto niyang takasan ang buhay na ito. Subalit alam niya sa kaniyang sarili na kahit ganito ang nanay niya, hindi niya maiwan-iwan. Hindi nga lamang siya sigurado kung pagmamahal ba iyon.
“Hoy siraulo ka ah! Umayos-ayos ka nga ng mga salita mo’t baka bangasan ko ‘yan. Dito na titira ang bago mong Papa na si Johnny kaya pakibagayan mo siya nang maayos,” bulyaw ng ina sa anak.
At simula noon ay doon na nga tumira si Johnny sa kanilang bahay. Mabait naman ito. At kapag tinitingnan at sinusulyapan ito ni Adeline, may hitsura naman.
Minsan, pumasok ang nanay niya sa trabaho at naabutan niya sa sala si Johnny.
“Ilang taon ka na ba?” diretsahang tanong ni Adeline sa bagong kinakasama ng kaniyang ina.
“23 pa lang ako. Kaya sana huwag mo na akong tawaging Papa. Hindi naman nagkakalayo ang mga edad natin,” tugon ni Johnny.
“Talagang hindi ‘no. Walang makakatalo sa tunay kong Papa. Saan ka naman nakilala ng nanay kong malandi?”
“Uy huwag mo naman pagsalitaan nang ganyan ang nanay mo,” saway sa kaniya ni Johnny. “Mabait siya at maalalahanin.”
Sarkastiko namang natawa si Adeline.
“Konting panahon mo pa lang nakikilala ang nanay ko para masabi mo ‘yan. Pabaya siya at walang kuwentang ina!”
Inis na inis si Adeline kay Johnny dahil sa mga pangingialam nito sa bahay. Subalit mas maasikaso nga ito kaysa sa kaniyang ina. Ito na ang naglilinis at nagluluto ng kanilang pagkain.
Nabuo sa isipan ni Adeline na kaya siguro nagustuhan ito ng kaniyang ina ay dahil sa ugali nito. Isang desisyon ang ginawa niya. Aakitin niya ang lalaki at mapapasa-kanya ito! Talagang desidido siyang gawin ang lahat para lamang makabawi sa ina.
Kaya naman sa tuwing lumalabas siya ng kuwarto, tinitiyak niyang maiksi lamang ang kaniyang mga isinusuot na shorts, at ang pang-itaas niya ay blouse. Gusto niyang matukso sa kaniya si Johnny. Bagay na mukha namang tumatalab dahil nakikita niyang nanlalaki ang mga mata nito sa tuwing nakikita siya.
Hanggang isang araw, isinakatuparan na ni Adeline ang kaniyang balak. Pinasok niya ito habang naliligo ang lalaki sa banyo. Hindi na nakapalag pa si Johnny nang halikan siya ni Adeline.
“H-Hindi ito tama… magagalit ang nanay mo…”
“Kung malalaman niya…”
At hindi na nga nagpapigil pa si Johnny.
Subalit hindi inaasahan ng dalawa na maaga palang uuwi si Mabel. Sumama kasi ang pakiramdam nito sa trabaho, dahil sa hang over. Nakipag-inuman ito kagabi. Agad itong nagtungo sa palikuran upang sumuka, subalit naudlot ang pagpapalabas sana niya ng mga kinain mula sa sikmura, nang mabungaran ang milagrong ginagawa ng anak at ng kinakasama.
Tila mga dagang nahuli ang dalawa.
“Mga hayop kayo! Mga baboy! Anong ginagawa ninyo! Anong ginagawa ninyo?!” nanghihilakbot na bulalas ni Mabel. Hindi siya makapaniwala sa kaniyang nakikita.
“M-Mabel, magpapaliwanag ako… inakit lang ako ni…”
“May relasyon kami. Hindi ko na kasalanan kung maghanap siya nang mas bata at mas sariwa,” dire-diretsong giit ni Adeline.
“Hindi ‘yan totoo, Mabel! Sinungaling ka! Pumasok ka lang dito sa loob ng banyo…”
“Lumayas ka! Layas! Lumayas ka na sa pamamahay ko ngayon pa lang Johnny, wala akong pakialam kung sino ang nauna at kung ano ang totoo, dahil nakita ko ang nakita ko!” galit na galit na sabi ni Mabel. Nagdudumali namang nagbihis si Johnny, kinuha ang kaniyang bag, at umalis na sa bahay ni Mabel.
Nakapamaywang naman si Adeline. Isang nakatutulig na sampal ang pinakawalan ni Mabel sa mukha ng anak.
“Ang kapal ng mukha mo! Hindi ako makapaniwala na sarili ko pang anak ang magiging ahas ng buhay ko!” naiiyak sa galit si Mabel.
“Bakit, kailan mo pa ako itinuring na anak, ha? May anak ka pa pala? Dahil simula nang mawala si Papa, parang itinuring mo na akong basahan, kinalimutan mong anak mo ako. Pinabayaan mo ako! Sana ikaw na lang ang nawala at hindi si Papa!” umiiyak na sumbat ni Adeline sa kaniyang ina.
“Anak… mahal na mahal kita… hindi ko lang alam kung paano maging magulang sa iyo, dahil kusa mong inilayo ang sarili mo sa akin. Nailang ako at nawalan ng kumpiyansa sa sarili bilang magulang. Patawarin mo ako, anak…” naiiyak na sabi naman ni Mabel sa kaniyang anak. Nilapitan niya ang kaniyang anak at niyakap ito. Gumanti naman ng yakap sa kaniya si Adeline.
Ito ang matagal na niyang hinihintay mula sa kaniyang ina.
Tuluyan na ngang naghiwalay sina Mabel at Johnny, at kahit na gaano pa kasakit ang ginawa ng kaniyang anak sa kaniya, napatawad niya ito at tinanggap pa rin. Ipinangako nila sa isa’t isa na kalilimutan na ang mga nangyari, at hindi na nila sasayangin ang mga oras upang maiparamdam ang kanilang pagmamahalan.