
Kinuhang Karpintero ang Mister ng Ginang na Ito Para sa Bahay ng Kumare Niya; Iba Pala ang “Bubutingtingin” Nito
“May ipapaayos pala sa bahay nila si Kumareng Jessa. Tinatanong niya kung puwede ka raw bang kuning karpintero.”
Iyan ang bungad ni Aling Rhoda sa kaniyang mister na si Mang Tario, na abalang-abala sa kaniyang alagang sasabunging tandang.
“Aba, sige, ayos lang kamo. Matagal na naman na akong tengga sa pagkakarpintero. Sabihin mo, sige, papayag ako,” pagsang-ayon ni Mang Tario.
“Sige sasabihin ko na sa kaniya. Ayos lang daw ba kung 600 piso kada araw ang ibayad sa iyo? Presyong kaibigan. Sabi ko nga baka naman puwedeng gawin man lamang na 650. Pero sabi niya, libre naman daw ang pagkain. May meryenda sa umaga, tanghalian, at meryenda sa hapon,” paliwanag pa ni Aling Jessa.
“Sana hindi mo na sinabi ang ganoon kay kumare, nakakahiya naman. Sige lang, basta libre naman pala ang pagkain,” tugon naman ni Mang Tario.
“Natanong ko lang naman. Tatandaan mo Tario, malapit na naman ang bayaran ng matrikula ni Albert. Tapos ipapacheck up pa natin si Camille, baka bumalik na naman ang pneumonia niya,” paalala ni Aling Jessa sa kaniyang mister, na simula nang matanggal sa trabaho ay tila nawalan na rin ng siglang maghanap ng kanilang ikabubuhay, at natuon ang pansin sa pagsasabong.
“Sige-sige, daming daldal. Pupunta na lang ako sa kanila,” sagot na lamang ni Mang Tario habang napapailing.
Kinabukasan, nagsadya na nga si Mang Tario sa bahay ng kaniyang kumare. Nagsimula na nga ito sa paggawa sa nais ipaayos sa bahay nito. Ang mister nito ay nasa ibang bansa kaya masasabing nakakaangat-angat sa buhay.
At nagsimula na nga ang pagtatrabaho ni Mang Tario sa bahay ni Kumareng Jessa.
Napapansin ni Aling Rhoda na sa tuwing umuuwi si Mang Tario, lagi itong masaya. Lagi itong nagkukuwento kung gaano kasarap magluto si Kumareng Jessa.
“Masarap pala talagang magluto si Kumareng Jessa. Hindi maalat. Hindi kagaya mo, laging maalat ang mga luto mo,” sabi ni Mang Tario habang kumakain sila ng hapunan.
“Grabe ka naman sa luto ko! Malaki na nga ang pinagbago sa lasa ng mga putaheng niluluto ko,” pagtatanggol naman ni Aling Rhoda sa kaniyang sariling mga luto. Totoo naman iyon dahil noong nag-asawa siya, hindi siya magaling magluto. Inaral niya ito upang mapaligaya ang kaniyang mister at ang kanilang mga anak.
Habang tumatagal ay tila nagkakaroon siya ng hinanakit sa kaniyang mister dahil hindi na lamang mga putahe ni Kumareng Jessa ang pinupuri nito sa tuwing uuwi mula sa maghapong paggawa. Maasikaso raw ito sa kanilang mga trabahador, at laging tinitiyak na hindi sila nagugutom, nauuhaw, o naiinitan.
Isang gabi, nahuli ni Aling Rhoda na magkavideo call ang mister at ang kaniyang kumare.
“Uy, si kumare, may gusto ba siyang sabihin sa iyo na hindi niya nasabi sa iyo kanina?” usisa ni Aling Rhoda.
“Heto, pinag-uusapan namin yung plano niyang ipatapos bukas, heto kausapin mo siya. Mareng Jessa, si Rhoda…”
“Mareng Rhoda, kumusta ka na? Aba, parang nananaba ka ngayon? Magsuklay ka naman mare, parang stress na stress ka sa buhay!” biro ni Aling Jessa sa kaibigan.
Nakita ni Aling Rhoda ang maputing mukha ng kaniyang kumare, na palagay niya ay gumagamit at nagpapahid ng kung ano-anong mga pampaganda. Kitang-kita niya ang malalim na lukab sa dibdib nito.
“G-Grabe ka naman sa nananaba, mare. Medyo payat na nga ako dahil sa kunsumisyon dito kay Tario eh,” tugon ni Aling Rhoda.
“Hay naku Tario, pinapagod mo ba ang kaibigan ko? Ikaw talaga. Umayos ka ha,” biro naman ni Aling Jessa kay Mang Tario.
“Ewan ko nga ba rito sa kumare mo, lagi na lang mukhang pagod na pagod. Losyang na, hindi kagaya mo kumare, mukhang batambata ka pa rin,” papuri ni Mang Tario kay Aling Jessa. Ngumiti naman ito nang ubod-tamis. Pahiyang-pahiya naman si Aling Rhoda sa mga sinabi ng mismong mister.
Masamang-masama ang loob ni Aling Rhoda. Lihim siyang nagdamdam sa kaniyang mister, at nakaramdam nang kaunting pagkainggit sa kaniyang kumare.
May kakaibang kutob rin siyang nararamdaman. Nais niyang matukoy kung totoo ba ang isinisigaw ng kaniyang pambabaeng kutob.
At napatunayan niyang totoo ito, isang araw, matapos siyang surpresang magtungo sa bahay nina Aling Jessa. Kitang-kita niya, na hindi na mga sira sa bahay ang binubutingting ng mister kundi ang kaniyang kumare na mismo.
“Mga hayop kayo! Manloloko! Akala ko ba bahay ang kukumpunihin mo, bakit ibang bahay yata ang kinakalikot mo?” galit na sumbat ni Aling Rhoda sa kaniyang asawang putlang-putla.
Nalaman ng mister ni Aling Jessa ang kalokohan ng kaniyang asawa, subalit hindi na ito nagtaka pa. Matagal na palang hindi maayos ang kanilang pagsasama dahil sa mga kalokohang ginagawa ni Aling Jessa.
Samantala, pinalayas naman ni Aling Rhoda ang kaniyang mister dahil sa kataksilan nito sa kaniya. Wala naman itong nagawa. Sising-sisi ito sa kaniyang mga nagawa. Sinimulan na rin ni Aling Rhoda ang pagbabanat ng buto upang masuportahan ang kanilang mga anak. Ayos na sa kaniya na mag-isa niyang itaguyod ang kaniyang mga anak, kaysa naman manatili sa piling ng mister niyang wala na ngang pakinabang ay nambabae pa.