Inday TrendingInday Trending
Isang Araw sa Piling ni Totoy

Isang Araw sa Piling ni Totoy

Isang tirik na araw na naman nang papunta sana si Totoy upang bumili ng tinapay sa bakery gamit ang kaniyang pedicab na gamit sa paghahanapbuhay. Padyak dito, padyak doon upang makakuha ng maraming pasahero nang may mauwing pera na pangkain ng pamilya niyang umaasa na lamang sa kaniya.

Panganay kasi siya sa magkakapatid. At kahit na labing anim na taong gulang pa lamang ay hinarap na niya ang responsibilidad na ito matapos mam*tay ang kaniyang ama. Naiwan na sila ng kaniyang dalawa pang maliliit na kapatid at nanay niyang nabulag dahil sa sakit na diabetes.

Nang makarating na sa bakery ay napansin niya rito ang isang matanda na umiiyak at nagmamakaawa sa tindera para sa tig-lilimang piso ng tinapay dahil sa kumakalam na tiyan.

“Umalis ka nga dito. Hindi kami namimigay dito ng tinapay, ha. Bumili ka kung may pera ka. Kung wala lumayas ka na lang dito!” pagtataboy ng tindera sa matanda.

Nang makita ito ni Totoy ay nahabag naman siya at tumungo sa kinaroroonan ng matanda. “Te, ako na lang po ang magbabayad,” pag-aalok niya.

Nang kapain niya ang kaniyang bulsa ay mayroon lamang itong bente singko pesos na puro barya. Matumal kasi ang mga pasahero dahil bakasyon at tanghaling tapat.

Hindi na nagdalawang-isip si Totoy at ibinigay ang tinapay sa matanda. Agad naman itong sinunggaban ng matanda at halata dito ang matinding pagkagutom. Bumili na rin siya ng kaniyang tinapay at tig-pipisong tubig para sa kanila ng matanda.

“Ito, tay, o. Dahan-dahan ho. Baka mabulunan kayo. Wala tayong pera pang ospital,” pabirong pagpapaalala ni Totoy nang makitang sunud-sunod na kagat ang ginawa ng matanda pagkaabot pa lang niya ng tinapay.

Wala naman tugon ang matanda dahil hindi ito maawat sa pagkain. Sinabayan niya itong kumain habang nakaupo sa may gutter malapit sa bakery. Nang matapos ay tumayo naman kaagad si Totoy at tumungo sa kaniyang padyak. Handa na muli sa kaniyang pagkayod.

Subalit nang siya’y akmang tatayo ay naramdaman niya ang mahinang paghila sa laylayan ng kaniyang damit. Paglingon niya ay tumambad ang nagsusumamong mukha ng matanda na umiiling at pinipigilan siyang umalis.

“Tay, mukhang hindi ka taga-rito. Saan ka ho ba galing?” tanong ni Totoy dahil unang bes niya pa lamang itong nakita doon. Nakakunot ang noo ng matanda at sinabing, “Ha? Hindi ko din nga alam, eh. I know we’re just visiting my son.”

Matapos marinig ito ay humalakhak si Totoy dahil sa kaniyang narinig.

“Tay, alam ko na iyang mga salitang ganiyan. Takas ba kayo? Hindi na ako malilinlang ng mga ganiyanan. Naku! Ako pa ba? Hari ata ng kalye ito na halos lahat ng pulubi dito, eh, nakausap ko na!” tugon na lamang ni Totoy habang pangisi-ngisi at natatawa.

Ngunit seryoso ang mukha ng matanda.

“I don’t know what you are saying pero maaari ba, hijo, pakidala ako sa police station? Hindi ko na kasi alam ang gagawin ko at sa tingin ko ay nawawala ako,” sambit ng matanda.

Tumahimik si Totoy sandali at binanggit sa sarili, “Dalhin ko kaya ito sa mental. Sa tingin ko kasi nakatakas ‘to malamang. Oo nga! Tama, Totoy! Ganun na nga lang gawin mo!”

Nagpasya si Totoy na isakay ang matanda sa kaniyang pedicab.

Pumadyak muli si Totoy hanggang sa madaanan nito ang isang parke kung saan mayroong seminar ang isang barangay. Nakita niyang may ipamimigay na pagkain doon kaya naman naisip niyang tumigil muna dahil kulang ang isang piraso ng tinapay para sa kumakalam niyang sikmura. Gawain na rin niya iyon upang makatipid. Tamang diskarteng natutunan niya upang mabuhay sa kalye.

“Saglit lang naman ‘to para din makakain siya ng tanghalian,” bulong niya sa kaniyang sarili.

“Tay, tara kakain muna tayo!” pag-iimbita niya sa matanda.

Pagkarinig ng kaniyang sinabi ay mababanaag naman ang ligaya sa mukha ng matanda. Dali-dali itong bumaba sa sinasakyang pedicab at sumama sa kaniya.

“Tay, saglit lang ‘to. Upo ka lang tapos kakain na tayo. Parang birthday party, ganun,” pagpapaliwanag ni Totoy sa matanda. “Ah, ganun ba? O, sige, sige. Gusto ko ng mga birthday parties,” tugon ng matanda.

Nang matapos ang seminar na tungkol pala sa dengue ay nakakuha na si Totoy at ang matanda ng tig-isang cup ng kanin, menudo at pakete ng juice.

Tuwang-tuwa si Totoy. “Jackpot na naman ako!” batid nito sa sarili.

Nung patungo na sila sa lugar kung saan nila iniwan ang pedicab ay laking gulat ni Totoy ng makitang wala na ang kaniyang padyak. Tumakbo ito nang mabilis papunta sa nasabing puwesto. Nagtanung-tanong sa mga tao sa paligid ngunit bigo siyang mahanap ang kaniyang padyak.

Lungkot na lungkot si Totoy nang balikan niya ang matanda. Hindi maipinta ang kaniyang mukha dahil sa nawala niyang pedicab. Pamana pa iyon sa kaniya ng kaniyang pumanaw na ama. Ano na lang ang ipangbubuhay niya sa pamilya?

“Ano nang gagawin ko? ‘Yung pedicab ni tatay…” Pumatak na nga ang luha ni Totoy at nagulat ito nang biglang punasan ito ng tissue ng matanda na galing sa seminar kanina. Lumingon siya sa matanda at tuluyan na nga itong humagulgol.

“Tay, anong gagawin ko? Paano na kami kakain? ‘Yung mga kapatid ko at ‘yung nanay ko…” patuloy na hagulgol ng binata habang ang matanda naman ay tinatapik-tapik lamang siya sa kaniyang likuran.

Makalipas ang isang oras ay kumalma na sa pag-iyak si Totoy. Nagpasya siyang hindi siya uuwi mamayang gabi hangga’t ‘di niya nahahanap ang pedicab.

Habang nakatingin sa kanin at ulam ay tumulo muli ang kaniyang luha. Habang may pagpipigil ay patuloy lang na sumusubo si Totoy ng kanin at ulam. Kung hindi man niya mahahanap ang pedicab iniisip niyang magtatawag na lamang siya ng pasahero o magkakargador na lamang sa palengke upang may maiuwi siya sa pamilya kahit na magkano.

Tumayo siya at sinabi sa matanda, “Tay, pano ba ‘yan? Wala na tayong car. Walk na lang tayo, ha?” pagbibiro ni Totoy sa matanda. Sinuklian naman siya ng matanda ng isang tawa habang ito’y tumatayo.

Habang naglalakad ay tinanong ng matanda si Totoy. “Hijo, ayos ka lang ba?” Napatigil si Totoy nang bahagya at muling naglakad. “Ha? Aba! Oho naman! Ako pa ba? Hahanapin ko ho ‘yun mamaya. At kung tuluyan mang mawala, eh, ang dami-daming trabaho diyan. Wala ‘yun sa akin,” sagot naman ni Totoy.

Nagpatuloy ang kanilang kuwentuhan. Ang matanda ay humahalakhak habang nakikinig sa mga kuwentong kalye ni Totoy tungkol sa kaniyang mga karanasan.

Nang sila’y malapit-lapit na sa mental hospital ay napadaan sila sa isang police station kung saan maraming magagarang sasakyan ang nakaparada sa harapan. Mapapansin ang mga naka-barong na lalaki na nakapaligid sa isang babae na umiiyak sa may istasyon.

Sakto namang napalingon ang babae nang marinig niya ang pamilyar na tawa. Laking gulat nito nang makita ang kaniyang ama na ilang araw nang nawawala. Nilapitan nito ang kinaroroonan nila Totoy na noon ay naglalakad sa kalye.

Ikinagulat ito ni Totoy ngunit dire-diretsong tumakbo ang babae at yumakap sa matanda. “Dad! Saan ka ba nanggaling? Tatlong araw ka na naming hinahanap. Bigla kang nawala. Alalang-alala na kami sa’yo.” sabi ng babae sa pagitan ng mga hagulgol.

Natuwa ang matanda dahil nakita na niyang muli ang kaniyang pamilya na siya palang may-ari ng mga kilalang malls sa kanilang lugar. Dinala ang matanda sa loob ng istasyon at naiwan si Totoy sa kalye. Nang makitang niyang masaya na ang matanda ay nagpatuloy na siya sa kaniyang paglalakad na may ngiti sa kaniyang mga labi.

Ngunit hinarang siya ng matanda upang lubos na magpasalamat dahil tinulungan niya ito kahit walang-wala siya at hindi siya kilala nito.

Bilang pasasalamat ay nangako ang matanda na susuportahan sila sa pang araw-araw na panggastos at pati pagpapagamot ng kaniyang may sakit na nanay. Pag-aaralin din daw nito si Totoy at ang kaniyang mga kapatid.

Hindi makalilimutan ni Totoy at ng matanda ang isang araw nilang paglalakbay at pagkilala sa isa’t isa. Masaya nilang tinapos ang isang araw at nagsilbi itong leksyon kay Totoy upang magpatuloy sa pagtulong na walang hinihintay na kapalit kahit na sino o kahit na anong kalagayan ng tao.

Advertisement