
Balik Ka na, Anak Ko!
“Mr. Dela Cruz? Mr. Dela Cruz?” tanong ng doktor sa isang binatang noon ay nakatulala lamang.
“Kumusta ho ang anak ko, doktor?” maririnig mula sa silid ang tanong ng ina ni Pert.
“Kasi limang buwan na mula nang pumanaw ang aking mister, doktor. Mula noon ay naging ganito na siya. Hindi na makausap at nakatingin lang sa kawalan. May mga binabanggit din siyang mga pangalan na hindi naman namin kilala,” humihikbing sambit pa ng ina.
“Ayon sa obserbasyon ko ay meron nga siyang sakit sa pag-iisip na kung tawagin ay schizophrenia. Nakakulong siya ngayon sa mundong ginagawa niya sa isip niya. Mahina kasi ang pagkapit niya sa katotohanan. Ang magagawa lang natin sa ngayon ay maghintay na maka-recover siya sa shock na naranasan niya at ma-realize niyang hindi niya kasalanan ang lahat ng nangyari,” sagot ng doktor.
Nahabag ang ina sa kalagayan ng anak at sinabing, “Anak, hindi mo kasalanan iyong nangyari sa papa mo. Wala kang kasalanan doon. Balik ka na, anak, balik ka na kay, mama,” pagmamakaawa ng ina habang humihikbi.
Alingaw-ngaw lang ang lahat ng ito para kay Pert. Sa isip niya ay naroon siya ngayon sa condo ng kaniyang nobyang si Jenny. Dumiretso siya doon pagkatapos ng isang nakakapagod na trabaho. Binuksan niya ang ref at kumuha ng isang malamig na beer. Hanggang sa ‘di niya namalayan na nakaidlip na pala siya sa kusina.
Naalimpungatan siya dahil sa kaluskos ng isang pusa na tumalon sa may bintana. Mayamaya pa’y narinig niya ang mahinahon na boses ng isang babae. “Pert… Pert… Pert…”
Isang malalim na paghinga ang nagmula sa kaniya mula sa pagkakatulog. Tumambad sa kaniyang harapan ang mukha ng nobya. “Hay, panaginip lang pala,” sambit niya sa kaniyang sarili nang mapansing nanaginip lang pala siya.
“Anong oras na, Jenny,” tanong niya sa nobya. “Alas-diyes,” tugon naman nito.
“Umuwi ka na sa inyo. Ilang araw ka nang nandito sa condo ko. Baka makagalitan ka na talaga ng mama mo kapag nagtagal ka pa na hindi umuuwi. At hinahanap ka na daw ng papa mo,” sambit ni Jenny. “Hindi ako uuwi. Hindi pa muna,” mahinang sagot ni Pert sabay higa muli sa sofa. Umiling lang ang nobya at padabog itong pumasok sa silid nito.
Isa si Jenny sa mga tauhang gawa-gawa ni Pert sa isip upang itulak sa sulok ang nangyari sa ama. Ngunit kahit anong pilit niya na ikulong ang sarili sa pantasya ay hindi siya pinatakas ng alaala ng realidad. Naalala na naman niya ang nangyari limang buwan na ang nakalilipas.
“Hindi ka na ba talaga magbabago, ha?!” sigaw ng tatay niya pagkagaling nila sa police station dahil nasangkot na naman siya sa isang gulo.
“Ano na naman ba ‘yun, pa. Ang ingay naman,” tugon niya habang patuloy ang paglalakad paakyat sa hagdan.
“Ano ‘yun? Ano ‘yun? Iyon ba talaga ang tinatanong mo?!” ‘di makapagtimping sagot ng kaniyang ina.
“Oo, ma, pa. Ako na ang may kasalanan. Ni hindi niyo nga tinanong kung anong totoong nangyari o kung nasaktan ako, eh!” sigaw naman na tugon ni Pert at hinampas ang pinto ng kaniyang silid.
“Hindi naman ako ang nagsimula nung away, eh. Ilang beses ko nang sinasabi sa kanila pero ayaw pa rin maniwala. Anong klaseng mga magulang ba ‘yun?” sigaw ng bente otso anyos na binata mula sa kwarto.
Pagkapasok sa kaniyang silid ay agad itong nagsarado ng pinto. Kinuha ang headphone at tsaka siya nagpatugtog ng mga rock songs na paborito niya. Malakas na malakas upang hindi na muli pang madinig ang sermon ng kaniyang mga magulang.
Dinig niya pa ang kalabog ng kaniyang pinto ngunit binalewala niya iyon.
“Hay naku, tigilan niyo ko. Bahala kayo diyan magbunganga,” bulong niya sa sarili hanggang tuluyan siyang nakatulog.
Kinabukasan ay nagising siya ng pasado alas onse na ng tanghali. Patuloy pa rin ang paulit-ulit na mga kantang masasakit sa tenga. Pinatay niya ang tugtog matapos siyang maghikab at mag-stretch tsaka bumangon mula sa pagkakahiga. Pinakiramdaman niya muna ang bahay bago lumabas ng silid.
“Pumasok na siguro sa trabaho sila mama at papa,” saad niya.
Nang masigurong wala na ngang tao ay naglakad na siya palabas ng silid. Pagkabukas niya ng pinto ay nadatnan niya ang sala na magulo.
Nagtaka man ay pinalipas na lang ni Pert ang bagay na iyon.
Nagtungo siya sa kusina at nakitang magulo rin iyon. Dumiretso siya sa ref at kumuha ng isang baso ng malamig na tubig, isang piraso ng saging at kinain ito. Nagtungo siya sa banyo upang maghilamos nang maalala niya na hindi pa niya nakakausap ang mga katropa niya at hindi niya alam kung nakalabas din ang mga ito kaagad sa police station.
Kinuha niya ang cell phone at binuksan ito. Tumambad ang sangkatutak na mensahe at missed calls mula sa kaniyang ina at mga katropa.
“Pre, ayos ka lang?” galing sa isang tropa.
“Pert, okay ka lang ba?” text naman ng isa.
Nagtataka man ay patuloy pa rin sa pagbubukas ng mga mensahe ni Pert.
Nakita niya ang mensahe ng kaniyang tiya na nasa Singapore. “Pert, how’s your dad?” tanong nito.
Naguluhan ang binata at nagsimulang kabahan. Hindi malaman ni Pert ang kaniyang mararamdaman nung nabasa niya ang mensahe ng kaniyang ina.
“Nak, si papa mo dalhin natin ospital. Bigla na lang bumagsak.”
“Nak, nandito kami sa ospital. Si papa mo de*d on arrival.”
“Nak, buksan mo ang pinto mo. Wala na si papa mo.”
Nabitawan ni Pert ang kaniyang cell phone at nagdilim ang paligid.
Natagpuan ni Pert ang kaniyang sarili na nakahiga sa malambot na kama. Walang maramdaman. Nakatingin sa kisame ng isang ospital at nakulong na nang tuluyan sa mundo ng pantasya na nilikha ng kaniyang isip.
Simula noon ay hindi na kailan pa nakausap nang matino ang binata. Limang buwan na ang nagdaan ngunit hanggang ngayon ay ganoon pa rin ito. Palagi na lang nakatulala at walang kibo.
“Bumalik ka na sa akin, anak. Balik ka na please.” paulit-ulit na usal ng ina. Nagbabakasakaling maaabot niya ang anak kung saan man ito dinadala ng sakit niya ngayon.
Hindi man niya lubos na naiintindihan ang nararanasan ng anak ay handa siyang tanggapin ito at suportahan. Kung gagaling man ito ay ipinapangako niyang bawat pagkakataon na magkasama sila ay pupunuin niya ng pagmamahal, pag-unawa at pagpapatawad upang sa huli ay wala siyang pagsisihan dahil palaging nasa huli ang pagsisisi.