
Laya Ka Na, Inay!
Nagsitayuan ang mga balahibo niya sa batok nang maramdaman ang paghagod ng lalaki sa kaniyang lantad na braso. Pagtingin niya dito ay nakangisi ito na parang aso at punung-puno ng malisya ang mata. Pilit siyang nagpaskil ng ngiti kahit na kanina niya pa ito gustong hambalusin ng bote ng alak na hawak nito.
“Magtimpi ka, Marie. Tandaan mong para ito kay Julius, sa anak mo. Tiisin mo na lang,” sa loob-loob niya.
Limang buwan nang naka-confine sa ospital ang anak niya dahil sa komplikasyon nito sa puso at baga. Halos lahat ng trabaho ay napasukan na niya masuportahan lang ito. Ang walangh*yang tatay kasi nito ay iniwan na sila bago pa man niya ito maisilang. Wala rin siyang maaasahang kamag-anak dahil ulilang lubos na siya liban na lang sa kapatid ng asawa niya na nagtaboy na rin sa kanila.
Kaya’t nang sabihin kay Marie ng isang kakilala ang tungkol sa raket na ito, may pag-aalinlangan man ay pinatos na niya.
“Pumayag ka na, Marie. Saan ka makakapulot ng limang libo sa isang gabi?” sabi ng kaibigan ng babae.
“Hindi ba delikado ‘yan?” nag-aalalang tanong ni Marie. “Sa bar ka lang naman. Kaunting lantad lang ng katawan sa mga kostumer habang nagsasayaw,” pamimilit pa ng kaibigan.
Sa huli ay pumayag si Marie dahil kailangan. Lahat ay handa niyang gawin para sa mahal na anak.
Naputol ang pagbabalik-tanaw ni Marie nang biglang magkagulo sa bar.
May ilang kalalakihan ang bumunot ng baril. “Walang gagalaw. Mga pulis kami!” sigaw ng isa na malapit lang sa kinaroroonan niya.
Nagkagulo ang mga tao at sa taranta’y nakitakbo na rin siya ngunit may humaklit sa braso niya. Pinosasan siya ng isang pulis at isinakay sa isang sasakyan kasama ng iba pang nasa bar.
Pagdating sa istasyon ay patuloy siyang nagmakaawa at sinabing wala siyang ginagawang kasalanan.
Makalipas ang ilang oras ay napaos na si Marie sa kakapaliwanag at ubos na rin ang lakas niya sa pagpalag. Napatulala na lang siya at biglang naalala ang eksena nilang mag-ina bago siya umalis ng ospital.
“Nay, anong oras ka po babalik?” sabi ng pitong taong batang si Julius sa kaniyang inang si Marie. Pinilit pa nitong tumayo kaya naman dinalahit na naman ito ng ubo.
“Anak ko, naku, huwag na kasing makulit,” sabi ni Marie na nagmamadaling hinagod ang likod ng anak. Kitang-kita niya kung paano matiklop ang musmos nitong katawan dahil sa sunud-sunod na pag-ubo.
“Magtatrabaho lang si nanay, ha. Babalik ako kaagad kaya magpahinga kang mabuti para gumaling ka na. Huwag masyadong magpapasaway. Ayos ba ‘yon?” sabi ni Marie na pilit tinatatagan ang kaniyang boses.
Wala nang nagawa si Marie kung ‘di ang mapahagulgol ng iyak.
Naalala niya bigla ang kapatid ng asawa. Tama. Ito na lang ang makakatulong sa kaniya.
Nakiusap siya sa mga pulis na hayaan siyang makitawag. Mabuti at may nahabag sa kaniya at ipinahiram sandali ang telepono sa kaniya. Matagal bago sumagot sa telepono ang kapatid ng kaniyang asawa.
“Hello? Ate Cecil? Tulungan mo ako. Nasa presinto ako ngayon,” atungal ni Marie sa nag-iisang kamag-anak.
“Hello, Marie? At bakit? Saang gulo ka na naman sumuot, aber? Ay naku, huwag mo kong madamay-damay sa kapabayaan mo, ano!” sabi ni Cecil sa pasumbat na tinig.
“Ate Cecil, kahit huwag na ako. Kahit ang anak ko na lamang ho na nasa ospital,” pagmamakaawa ni Marie dito.
“Ano? Pati ang anak mong may sakit ay ipaaalaga mo sa akin? Ano ka hilo? Naku, Marie, sawa na akong tulungan ka. Mabulok ka diyan sa kulungan!” pasigaw na sabi ni Cecil sa kabilang linya at ibinaba na ang telepono.
Napahagulgol si Marie sa kawalan ng pag-asa.
Ang akala ni Marie ay wala na talagang natitirang awa si Ate Cecil para sa kanila kaya nagulat siya nang binisita siya nito sa kulungan makalipas ang ilang araw.
“Para naman hindi mo masabi na wala akong puso ay payag na akong kupkupin ang bata. Isa lang ang kondisyon ko. Aampunin ko siya bilang anak ko. At para na rin sa kapakanan niya ay sana huwag ka nang magpakita pa. Hindi ko hahayaang masira din ang buhay ng pamangkin ko dahil sa kapabayaan mo,” saad ni Cecil.
Hindi man matanggap ni Marie sa una ay pinilit niyang tanggapin ang masakit na kondisyon ng kapatid ng kaniyang asawa alang-alang sa mahal na anak.
Sa mga sumusunod na buwan ay umusad ang kaso at napatunayang meron ngang prostitusyon nagaganap at malaking bentahan ng ipinagbabawal na gamot sa bar na pinagtatrabahuan ni Marie. Kahit wala siyang kinalaman ay nasabit siya sa kaso at nasentensyahan ng labinlimang taong pagkakakulong.
Habang si Julius naman na anak ni Marie ay lumaking iniisip na inabandona siya ng kaniyang ina.
Tuwing tatanungin niya ang tiyahing kumupkop sa kaniya ay lagi nitong sinasabing, “Wala na ang nanay mo! Pinabayaan ka na dahil sakitin ka. Mag-aral kang mabuti para naman makabawi ka sa mga sakripisyo ko sa’yo.”
Pagdaan ng mga taon ay natupad ni Julius ang pangarap niyang maging pulis. Noong una ay umaasa pa siyang babalikan siya ng kaniyang nanay ngunit hindi iyon nangyari. Napagod na rin siyang maghintay kaya’t napalitan na ng galit ang pagmamahal niya sa ina.
Isang araw ay napadaan si Julius sa isang court room at nahagip ng mata niya ang pangalan ng isa sa mga taong huhusgahan sa korteng iyon, Marie Inocencio.
Lumakas ang tibok ng kaniyang puso dahil sa pamilyar na pangalan at natagpuan na lamang niya ang kaniyang sarili na binubuksan ang pinto.
Nakita niya ang matandang babae na kahawig na kahawig ng kaniyang ina. Umiiyak ito at nagpapalakpakan ang ilang tao. Para bang tumigil ang mundo nang magtama ang kanilang mga mata.
“Anak ko.” Narinig ni Julius ang sinabi nito at saka siya sinugod ng yakap.
“Julius, anak ko. Kahit nakakulong ako ay lagi kitang sinusubaybayan. Ang laki-laki mo na, Diyos ko. Patawarin mo ako, anak. Patawarin mo ako,” hagulgol ni Marie.
Hinanap ni Julius ang galit sa kaniyang puso ngunit pananabik lamang ang nararamdaman niya sa mga oras na iyon. Yumakap na rin siya sa kaniyang ina at napaiyak.
“Akala ko magagalit ako kapag nakita na kita. Sabi ko sa sarili ko ay hinding-hindi kita mapapatawad. Pero, nay, pinapatawad na kita,” sagot ni Julius na lalong hinigpitan ang yakap sa inang matagal na nawalay sa kaniya.
Matagal na nag-usap ang mag-ina upang makabawi sa maraming taong nawala sa kanila. Napatunayan nila na hindi mabubura ng kahit anong masakit na nakaraan ang tunay na pagmamahal.