Inday TrendingInday Trending
Teacher, Turuan Mo Akong Magmahal

Teacher, Turuan Mo Akong Magmahal

Dalawang taon na ang nakalilipas nang makapagtapos sa kolehiyo si Lili. Wala siyang panahon sa pag-ibig dahil minsan nang nawasak ang puso niya. Nag-focus siya sa pag-aaral at nakapasa siya sa board exam kaya isa na siyang ganap na guro ngayon.

Hindi naman lingid sa kaalaman ng lahat na maliit lang ang sinasahod ng mga teacher pero hindi naman iyon ang mahalaga sa kaniya. Mahal niya ang mga bata. Mahal niya ang propesyon, ang kaalamang nakakatulong siya sa paghubog sa kaalaman ng mga estudyante.

Iyan ang paniniwala niya apat na buwan na ang nakalipas.

Parang sinusubok siya ngayon ng tadhana dahil nagkasakit ang papa niya. Stage 4 na ang ca*ncer nito nang matuklasan nila. Tapos dalawang linggo lang ay sumakabilang buhay na rin ito. Naiwan silang malungkot at baon sa utang dahil sa laki ng ginastos nila sa gamutan nito.

“Halika na. Nagha-hunger strike ka na naman! Sweldo ngayon. Huy, i-treat mo naman ang sarili mo,” yaya ng kaibigan ni Lili na si Mika.

Ngumiti ng alanganin si Lili. “Saan ba?”

“Diyan lang sa fast food sa kabilang kanto. Libre na kita ng pamasahe sa tricycle,” saad ni Mika.

Sandaling nag-isip ang dalaga. May baon naman kasi siyang lunch. Although nagsasawa na rin nga siya sa ulam na kung ‘di tuyo ay sardinas.

Diyos ko, ang sahod niya kasi ay nakalaan na sa mga utang. Hindi puwedeng mabawasan.

“O, sige na. Ililibre na kita ng lunch,” nakakaunawa namang sabi ni Mika.

Nahiya pang sandali si Lili pero nakakatakam na ang lasa ng fastfood. Ang tagal niya na ring hindi nakatikim ng chicken, eh.

“Alam mo bakit hindi ka humingi ng tulong sa kuya mo? Hindi iyong shino-shoulder mo ang lahat ng gastos ng pamilya,” suhestiyon ni Mika habang kumakain.

“Alam mo namang may pamilya na si kuya. Tama na iyong isang beses kaming nahindian. Baka wala rin sila,” sabi ni Lili tapos ay pilit na iniba ang usapan. Ayaw niyang mapasama ang kapatid kahit pa ang totoo ay may hinanakit na siya dahil tila iniwan sila nito sa ere.

“Sus! Ang sabihin mo, sister, hawak siya sa leeg ng misis niyang sosyalera. Nakakabili ng tig-6k na bag pero ang mag-abot sa biyenang naghihirap kahit singkong duling hindi magawa?” taas pa ang kilay ni Mika habang ngumunguya.

Natulala tuloy si Lili.

Napapitlag siya nang magliwanag ang mukha ni Mika na parang may naisip na ideya. “Alam ko na!”

Nagtataka namang tinignan ito ni Lili. “Ano?”

“May iniaalok nga pala sa aking estudyante. Home schooled ang bata, mayaman. Itu-tutor mo lang tuwing Sabado at Linggo,” sagot ng kaibigan.

“Talaga? Sigurado kang akin na lang?” nagningning ang pag-asa sa mata ni Lili. Aba, dagdag kita rin ito.

“Oo, girl. Ang dami ko nang tinuturuan ano. Loaded ako kapag weekends kaya sa’yo na lang. Tulong ko na rin,” saad ni Mika.

“Thank you, Mika!” halos mayakap ni Lili ang kaibigan.

Laglag ang panga ng dalaga nang puntahan niya ang bahay ng estudyante ilang araw ang makalipas. Mansyon pala! Ilang minuto siyang nagtawag sa labas bago siya sinilip ng guwardiya. Nang sabihin niya ang kaniyang pangalan at ipinakita ang kaniyang ID ay pinapasok na siya nito.

Nakita agad ni Lili ang kaniyang tuturuan. Nakaupo ito sa hagdan at naglalaro ng manika. Sa tingin niya ay anim na taong gulang pa lamang ang bata.

“Hi! Ikaw si Pipa?” nakangiting wika niya. Dumako naman sa kaniya ang mata nito tapos ay tinitigan siya.

Alam na ni Lili ang mga ganoong akto. Siguro ay nahihiya ang bata. “I am teacher Lili. Shake hands?” alok niya sa kaniyang kamay.

Nakatitig pa rin ang bata tapos ay ngumiti. Tinanggap nito ang kaniyang kamay. Ilang sandali pa ay nagtatawanan na sila.

“Bago ako magsimula ng pagtuturo may energizer muna tayo. Lagi ko itong ginagawa sa school, baby. Ibig sabihin sasayaw tayo at kakanta para alive ang ating isip, para mabilis matuto! Game?” nakatayong wika ni Lili.

Napansin niyang nangingiti ang mga kasambahay na nakakakita sa kanila.

Nag-isip ng kanta si Lili, iyong masaya.

“I-ganito mo iyang right arm mo. Iyan. Then kembot ng kaunti. Yeye Vonel! Yeye Vonel!” kanta niya. Nakausli pa ang pwet at todo kembot.

Napatigil lang siya nang makarinig ng mahinang pagtawa sa kaniyang likuran. Nang sulyapan niya ang isa sa mga kasambahay ay sumenyas ito na naroon na raw ang ama ni Pipa.

Napangiti naman si Lili. “Hi, sir. Pasensya na po kayo. Energizer lang po…” Natahimik siya nang tuluyang lingunin ang lalaki.

Paano niya ba malilimutan ang mukhang ito? Ilang taon man ang lumipas ay ‘di iyon mangyayari dahil ito ang nag-iisang binatang nagmay-ari sa puso niya at nagwasak noon.

Si Vincent.

Ang magaling niyang ex-boyfriend noong first year college na bigla na lamang naglaho. Walang sabi-sabi. Basta na lang nawala.

Nakakainis mang aminin pero tila lalo itong gumwapo. Maganda ang nagawa ng panahon sa katawan nito. Nabasag ang pangangarap niya sa katotohanan na tatay na ito.

“Happy to know that you’re a teacher now,” kaswal nitong wika.

Ikinibit na lamang ni Lili ang balikat dahil ‘di niya alam kung ano ba ang dapat isagot rito na hindi mahahalata ang kaba niya ngayon.

“Daddy! I like her,” bulong naman ni Pipa sa lalaki. Yumakap pa sa bewang nito. “I like her too, baby,” sabi naman ni Vincent at sumulyap pa ito sa kaniya.

Kumabog naman ang dibdib ni Lili. “Sh*t, mali ito. May pamilya na siya!” bulong ng utak niya.

“As your teacher,” pagtutuloy ni Vincent.

Mabilis lumipas ang ilang linggo at ayaw mang aminin ni Lili ay tila bumabalik ang damdamin niya noon para sa binata.

Ayon sa mga naririnig niya ay pumanaw na raw ang ina ni Pipa maraming taon na ang nakalilipas. Umuwi ang mag-ama mula sa Amerika at dito na balak manirahan.

“Meryenda muna. Masyado kayong focused mag-review,” masuyong wika ni Vincent isang hapon. Inilapag ang isang tray ng pagkain.

Ngumiti lang naman si Lili. “I always knew na magiging magaling kang guro,” puri nito sa kaniya.

“And I always knew na magiging magaling kang ama sa mga anak sana natin na pinangarap ko noon,” bulong ng puso ni Lili. Pero siyempre ‘di niya na isina-boses iyon.

“Bola pa. Wala akong pera, Mr. Tamayo. Huwag niyo ho akong bolahin,” natatawang sabi ni Lili. “Oo nga pala, kailan mo balak i-enroll sa school si Pipa? Maganda sana iyong may interaction rin siya sa ibang bata.”

“Sa susunod na pasukan. Kaya nga nagpa-tutor na lang ako kasi alanganin ang dating namin dito sa Pinas. Too late for her to enroll,” sagot ni Vincent habang ngumunguya ng sandwich. Nagme-make face pa ito kay Pipa kaya humahagikgik ang bata.

Namasdan ni Lili si Vincent. Sa totoo lang ay ang dami niyang tanong. Bakit siya nito iniwan? Bakit ‘di man lang nagsabi? Eh, ‘di sana nahintay niya, ‘di ba? Ano ang nakita nito sa nanay ni Pipa na wala sa kaniya? Minahal ba siya talaga nito?

Napapitlag si Lili nang marinig ang malakas na kidlat.

Niyakap ni Vincent ang anak at hinimas niya ang braso nito.

“Are you okay?” tanong ng lalaki kay Lili. “Yes,” maikling sagot ng babae.

Ang totoo ay kinabahan si Lili dahil ganitong panahon rin noong pumanaw ang tatay niya. Sa kalagitnaan ng bagyo ay namaalam ang lalaki sa kanila.

Ang balak ni Lili ay magpapatila muna bago umuwi pero inabot na siya ng alas nuwebe ng gabi. Wala pa ring tigil ang pag-ulan. May kasama pang malakas na hangin at ayon sa guwardiya ay baha na rin daw sa labas ng subdivision.

Ayaw siyang payagan ni Vincent na lumabas kaya tumawag na lang siya sa kaniyang ina at kinumusta ito. Sinabihan niya ring huwag mag-alala dahil maayos naman ang kinalalagyan niya ngayon.

Makalipas ang ilan pang oras ay nakatulog na si Pipa at naiwan na lamang silang dalawa ni Vincent sa salas.

“Okay na ako rito sa sofa. Baka may trabaho ka pa bukas. Thank you, ha.” sabi ni Lili. ‘Di siya makatingin ng diretso sa lalaki dahil naiilang siya. Maging ang mga kasambahay kasi ay tulog na rin.

“It’s alright. I’ll stay. ‘Di pa rin naman ako inaantok,” nakangiting sabi ni Vincent. Itinaas pa ang paa sa mesa at tinitigan siya.

Alam ni Lili na kung maliwanag lang ay tiyak na kitang-kita nito ang pamumula niya. Nagkunwari na lang siyang nagte-text para makaiwas rito.

“So you’re texting your boyfriend?” nananantsang tanong ng lalaki.

Sinulyapan ni Lili ang binata at ewan niya kung guni-guni lang pero may nakita siya sa mga mata nito. Pag-asa?

Umiling siya. “I don’t have one.”

“Why?” mabilis na balik tanong ni Vincent.

“Kasi hinintay kita,” bulong na naman ng puso niya.

“Wala lang. Hindi ko pa lang siya nakikita,” sagot ni Lili.

Lumalim na ang gabi at kung anu-ano lang ang pinag-usapan nila. Nang mawala na ang pagkailang ni Lili ay kusa na lang lumabas sa bibig niya ang tanong. “Vincent, bakit?”

Tinitigan siya ng lalaki. Bumuka sandali ang bibig pero itinikom rin ulit.

“Bakit mo ako iniwan?” ulit niya, may mapaklang ngiti.

Nang hindi pa rin ito makasagot ay dinaan niya na lang sa biro ang lahat. Siyempre para hindi nakakahiya. “Joke lang. Ito naman! Wala na iyon sa akin…”

Hindi niya na natapos ang sasabihin dahil hinalikan na siya ng binata. Halik na masuyo noong una pero habang tumatagal ay naging mapusok. Nais mang umalma ni Lili ay iba naman ang sinasabi ng kaniyang puso. Ni hindi na nga rin siya tumanggi nang buhatin siya nito at dalhin sa kwarto. Masuyo siya nitong inilapag sa kama.

“Miss na miss kita.” bulong ni Vincent habang hinahagkan siya.

Noong gabing iyon ay pinalaya ni Lili ang kaniyang sarili. Ibinigay niya ang katawan at kaluluwa sa kaisa-isang lalaking kaniyang minahal.

Naalimpungatan si Lili na nakayakap sa kaniya si Vincent. Pagsulyap niya sa orasan sa tabi niya ay alas singko na ng umaga. Nakangiti siya pero nawala iyon nang makita ang isang picture na nasa frame.

Naroon ang isang matandang lalaki, si Pipa, si Vincent at isang magandang babae. Siguro ay iyon ang nanay ng bata.

Muli niyang sinulyapan ang katabi at ngumiti ng mapait. Siguro ay nadala lang ng emosyon kagabi si Vincent. Lalaki ito, may pangangailangan.

Dahan-dahan siyang tumayo pero sapilitan siyang bumagsak ulit sa kama nang hilahin siya ng lalaki. “Vincent ano ba…”

“I’m sorry,” sinsero nitong sabi sa kaniya.

Hindi nagsalita si Lili. Para siyang t*nga pero basta na lamang siyang napaiyak.

“Alam mo namang lumaki akong walang ama hindi ba? Tapos si mama pumanaw na rin. Huli na nang malaman kong pangalawang pamilya pala kami at may kapatid ako. Sumulat siya sa akin mula sa U.S. Sabi niya naghihingalo na raw si papa at gusto akong makita. Kalakip ng sulat ay ang plane ticket ko,” kuwento ng lalaki.

“Ni hindi na ako nakapagpaalam sa iyo kasi sabi ko saglit lang naman ako roon. Pero iba ang plano ng tadhana. May taning na rin pala kasi ang buhay ng ate ko. Mabuti siyang tao. Ginampanan ko ang tungkulin ng isang kapatid. Inalagaan ko siya. Nangako rin ako na ‘di ko pababayaan ang nag-iisa niyang anak, si Pipa,” pagpapatuloy ng lalaki.

“Umuwi kami dito sa Pinas nang mawala si ate at hinanap kita agad. Maniwala ka. Pero wala na kayo doon sa bahay ninyo dati. Akala ko wala ng pag-asa pero nabuhay ulit ang puso ko nang may makapagsabi sa akin kung saan ka nagtuturo,” paliwanag ni Vincent.

Sumakit naman ang ulo ni Lili sa todo-todong impormasyong isinisiwalat ng binata.

“Ibig sabihin hindi talaga si Mika ang kinukuha mong tutor?” tanong niya.

Natatawang tumango si Vincent. “Kasabwat ko siya para kunwari ipapasa niya sa’yo ang trabaho,” kinindatan pa siya nito.

Hindi na nakapagsalita si Lili kaya hinalikan siyang muli ng binata. “Mahal kita, Lili,” bulong nito sa pagitan noon.

Napapaluhang sumagot ang dalaga. “Mahal din kita. ‘Di naman nawala iyon.”

Muli nilang pinagsaluhan ang init ng kanilang pag-ibig.

Kahit na ayaw ni Lili at binayaran na ni Vincent ang lahat ng utang ng kanilang pamilya. Nagpakasal rin sila matapos ang ilang buwan at ngayon ay masaya nang namumuhay kasama ng dalawa nilang anak, si Pipa at ang bagong panganak na si Vincent Jr.

Advertisement