Inday TrendingInday Trending
Ubod ng Tinding Karibal

Ubod ng Tinding Karibal

Bago bumaba sa kotse ay ilang beses munang bumuntong-hininga si Arthur. Sinulyapan niya pa ang sarili sa salamin at nang makontento sa kaniyang itsura at dinampot niya na ang isang bungkos ng bulaklak sa passenger’s seat. Kinapa niya rin ang bulsa ng kaniyang polo. Naroon ang pulang kahon.

Grabe ang kaba niya. Isang taon pa lamang ang nakalipas mula nang maka-graduate siya sa college pero may sarili na siyang negosyo. Magaling siyang mag-ipon. Idagdag pa na galing rin naman siya sa may sinasabing pamilya.

Kaya bakit pa siya maghihintay? Mahal na mahal niya ang nobyang si Antonia. Seryoso naman siya dito at maganda ang takbo ng kanilang relasyon. Naisip niyang mag-propose na ng kasal sa babae tutal ay tatlong taon na rin naman silang magkasintahan.

“Babe!” gulat na wika niya nang makita ito. Kadalasan ay siya ang nauuna sa mga date nila kaya ganoon na lamang ang kaniyang reaksyon. Bukod pa roon ay thirty minutes early ito kaysa sa napag-usapang oras.

Ngumiti ang babae pero alanganin. “Hi.”

Napansin ni Arthur na balisa ang kaniyang nobya. “Okay ka lang? Kanina ka pa ba? Loko, dapat tinawagan mo ako. Sabi ko naman kasi sa’yo susunduin na kita, eh.”

“I’m okay, Arthur. Ang totoo niyan sinadya ko talagang mauna kasi may sasabihin ako,” sagot ng nobya.

Ngumiti ang lalaki. “That can wait. Kain muna tayo,” sabi niya tapos ay sinenyasan ang waiter na lumapit na.

Habang kumakain ay hindi pa rin mapakali si Antonia kaya hinawakan ni Arthur ang kamay nito. Kung ano man ang bumabagabag sa kaniyang nobya ay tiyak na mawawala kapag narinig nito ang pasabog niya ngayong gabi.

Nang matapos silang kumain ay mapayapa silang sumimsim ng masarap na red wine. Sumabay pa ang romantic na kanta. Naisip ni Arthur na ito na ang perfect moment para tanungin ang dalaga.

Kinuha niya ang pulang kahon at nagsalita. “Antonia, bukod sa sobrang ganda mo ay sobrang ganda rin ng iyong puso na siyang pinakabumihag sa akin. Alam kong masyadong mabilis pero hindi na ako makapaghintay na simulan ang habang buhay na kasama ka,” panimula ni Arthur.

“Babe, Maria Antonia Dela Paz, will you marry me?” wika niya.

Lumuhod si Arthur sa harap ng babae. Nangingislap sa pag-asa ang mga mata. Umiiyak namang niyakap siya ni Antonia.

Makalipas ang sampung taon.

“Honey, bilisan mo na. Maganda ka na. Huwag ka nang mag-makeup,” tatawa-tawang biro ni Arthur sa kaniyang misis. Humagikgik rin ang kanilang limang taong gulang na anak na babae, si Mari.

“Bolero,” nakangiting sabi ng babae nang bumaba ito sa hagdan.

Hinagod ni Arthur ng tingin ang ginang at kinindatan ito. “Ganda talaga. Walang kupas,” tapos noon ay dinampian niya ito ng masuyong halik sa noo.

Iginiya niya na ang mag-ina sa kotse. I-eenroll nila ang kanilang anak sa eskwelahan kasi ay kinder na ang bata.

Ang hirap kapag dalawang babae ang kasama sa bahay, ang tatagal mag-ayos!

Gusto sana ni Arthur na i-public ang anak kaya lang ay masyado namang malayo sa bahay nila. Mahihirapan ang misis niya na maghatid sundo kung sakali at kawawa rin naman ang kaniyang anak kung mapupuwersang itong gumising ng mas maaga para hindi ma-late. Kaya ipapasok nila ito sa pinakamalapit na private school. Catholic pa nga at mga madre ang nagpapatakbo. Balita niya rin na maganda ang turo dito. Hindi na baleng magbayad ng mahal.

Pagdating nila sa eskwelahan ay itinuro ng guard sa kanila kung saan ang opisina. Ang dami nilang nakasalubong na batang papasok rin, may mga guro at mga madre.

Napangiti si Arthur. Parang kailan lang. Parang kailan lang nung nag-propose siya ng kasal. Tapos eto siya, tatay na. Maghahatid na ng anak sa eskwela.

“Pasok po,” narinig nila ang boses mula sa loob. Tumambad sa kanila ang isang matandang madre na kay ganda ng ngiti.

Kinausap nila ito ng misis niya at nang magkasundo sa rules ay ipinalista na nila ang kanilang anak. Palabas na sana sila nang mahagip ng mata ni Arthur ang isang pamilyar na mukha.

“Naku, pasensya na. Napakabastos ko naman na hindi ko kayo naipakilala,” sabi ng matandang madre. “Ayos lang iyon, sister. Nasa loob rin naman ho ako at nag-aayos ng mga dokumento,” sabi ng babae, nakangiti sa pamilya ni Arthur.

Nabigla si Arthur. ‘Di niya inaasahan na magkikita silang muli.

“Mr. and Mrs. Crescini, this is Sister Antonia Dela Paz. Kalimitan ay nasa kumbento siya pero narito lang upang dalawin ako at tulungan ng kaunti sa mga paper works,” wika ng matandang madre.

Nginitian ito ng misis niya tapos ay sinulyapan siya. Humakbang si Arthur palapit. “Sister Antonia.”

Oo. Tinanggihan siya noon ni Antonia dahil na-realize ng babae na ayaw nitong ilaan sa tao ang puso at buhay nito kung ‘di sa Diyos. Nais pala nitong mag-madre.

Hirap na hirap si Arthur noon. Ni minsan ay ‘di niya ninais na maging karibal ang Panginoon kaya isinuko niya ang pag-ibig kay Antonia.

“Kumusta ka na?” sabi ng babae. “Okay naman,” nasabi niya lang. Nakabibinging katahimikan ang kasunod.

Tatalikod na sana si Antonia nang tawagin niya ito.

“Bakit?” tanong ng babae. “Salamat,” sabi ni Arthur.

Nagulat ito at medyo nagtaka. Maging ang misis niya.

Nagsalita siyang muli. “Salamat at tinupad mo ang gusto ng puso mo. Naniniwala na akong iyan talaga ang nakalaan para sa iyo. Dahil doon ay nakilala ko rin ang babaeng nakalaan para sa akin. Kung hindi mo ako iniwan, Sister Antonia, ay hindi ko makikilala ang mahal kong asawa at hindi ako magkakaroon ng malusog at mapagmahal na anak. Sila ang buhay ko,” sinserong wika niya.

Ngumiti naman si Sister Antonia tapos ay tumango.

Masayang lumisan ng paaralan ang pamilya. Niyakap ni Arthur ang misis niyang si Janine na noon ay nagpipigil ng luha.

Minsan ang akala nating nakalaan na para sa atin ay hindi pa pala. Kaya huwag magmadali. Malay natin may iba pa lang plano ang Panginoon.

Advertisement