Inday TrendingInday Trending
Si Manong Guard

Si Manong Guard

Masayang binati ng matandang guwardiya ang mga estudyanteng isa-isang pumapasok sa gate ng eskwelahan.

“Magandang umaga. Hindi ka yata inihatid ng iyong ina ngayon?” sabi ni guwardiya sa isang batang babae. Nakatirintas sa dalawa ang buhok nito at mataas ang medyas. Halatang bago ang lahat ng gamit. Sabik ang bata dahil ngayon ang unang araw ng pasukan.

“Nagtatrabaho na ho kasi si nanay sa tahian. Tsaka ho malaki na ako, Mang Manny,” sagot ng bata. Tumingkayad pa ito para kunwari ay nadagdagan ang tangkad.

“Naku, sige sinabi mo, eh! Humayo ka na. Mahuhuli ka na sa klase mo.” natatawang sabi ni Mang Manny. Malapit siya sa batang ito dahil halos ka-edad ito ng kaniyang apo. Nakagawian niya nang makipagkuwentuhan rito sandali habang hinihintay nito ang sundo kapag uwian.

Matalino rin ang bata. Ang daming tanong at ang daming sinasabi kaya nawiwili si Mang Manny na makipag-usap rito.

“Mang Manny, bakit ho ang tanda na ninyo ay narito pa rin kayo?” inosenteng tanong nito isang hapon. Napatawa naman ang guwardiya. “Ganoon talaga. Kailangan kong maghanapbuhay, eh.”

“Para nga hong nahahawig na kayo sa aking lolo. Pareho kayong puti na ang buhok. Hindi ho ba kayo napapagod tumayo? Ang lolo ko kasi ay sakitin na ang tuhod,” dagdag pa nito.

“Alam mo, neneng, bukod sa sahod ay mahal ko ang trabaho ko, ang pagiging guwardiya. Biruin mo nasa kamay ko ang kaligtasan ng eskwelahan. Tungkulin kong bantayan ang mga estudyante. Hindi ko na makita ang sarili ko na may ibang trabaho. Dito ako masaya.”

Namamangha namang nakatitig lamang ang bata.

Makalipas ang maraming taon.

Wala pang dalawang linggong nagtatrabaho bilang guwardiya sa isang lumang eskwelahang pang-elementarya si Dario. Hindi tulad ng iba na excited at nais na magpakitang gilas, siya ay tamad na tamad at walang gana.

Siyempre puwera na lang kung nakaharap ang may edad nang principal na si Mrs. Gandia.

“Good morning, ma’am. Tulungan ko na po kayo,” magiliw na wika niya isang umaga nung nasalubong niya ang ginang. Marami kasi itong bitbit na bag at papeles.

“Hindi na, Dario. Okay na ako. Ayan lang naman ang opisina,” nakangiting wika ng ginang sa kaniya bago nagdire-diretso nang maglakad.

“Siya nga pala.” Lumingon si Mrs. Gandia. “Good morning rin! Makakalimutin na ako, eh.” natatawang sabi nito.

Nang masigurong malayo na ang ginang ay balik na naman ang pagsimangot ni Dario. Nawala lang iyon nang masulyapan niya ang isang tisay at magandang batang babae. Kahit na hindi naman talaga siya nagche-check ng bag ay nais niyang gampanan ang tungkulin ngayon para makausap ito.

Oo, may malisya sa utak ang malapit nang mag-kwarenta anyos na guwardiya.

“Neng, tingin ng ID mo,” simpleng sabi niya. Iniabot naman iyon ng walang muwang na bata.

“Grade 6 ka na pala. Dalaga na,” nakangising sabi niya rito.

“Puwede na po ba akong pumasok?” naiilang naman na wika ni Darlene. “Sige. Ingat ka ha,” tugon ni Dario.

Mula noon ay inaraw-araw na ni Dario ang pagbibigay ng mga nakakikilabot na tingin at komento sa bata.

Hindi naman nagsasalita si Darlene dahil ‘di nito akalaing magiging dahilan iyon para malagay sa alanganin ang kaniyang buhay.

Alas singko ang uwian ng mga estudyante pero alas siyete na ay nasa eskwelahan pa si Darlene. Hanggang ngayon kasi ay wala pa ang kaniyang mommy na dapat ay susundo sa kaniya. Kasali siya sa drum and lire at 6:30 na natapos ang kanilang practice.

Napagpasyahan ng bata na tumambay na muna sa isa sa mga classroom dahil wala namang mauupuan sa labas. Isa pa, hindi rin kasi siya komportable na makausap ang guard.

Kaya ganoon na lamang ang pagkagulat niya nang marinig ang boses nito sa kaniyang likuran. “Bakit nag-iisa ka, ganda? Puwede naman kitang samahan.”

Mabilis na hinawakan ni Darlene ang kaniyang bag at akmang lalabas na.

“Ops, saan ka pupunta? Nagkukuwentuhan pa tayo, eh,” hinablot ni Dario ang kaniyang braso.

“Mang Dario, uuwi na po ako. Nasa labas na po si mommy,” saad ni Darlene.

“Wala. Wala pa siya doon. Tsaka may ipapatikim ako sa’yo. Masarap ‘to,” nakakadiring sabi ng lalaki tapos ay sinamyo ang tenga ng bata.

Makalipas ang ilang sandali ay isang malakas na sigaw ang umalingawngaw sa eskwelahan.

Nagtatakbo palabas si Darlene at naiwan sa loob ng madilim na classroom ang walang buhay na si Dario. Dilat ang mata at nakanganga.

Lahat sa eskwelahan ay nagulantang. Grabe ang paghingi ng tawad ng pamunuan lalo pa nang malaman nilang muntik nang mapagsam*ntalahan ang isa sa kanilang mga estudyante.

“Hija, sabi mo… Sabi mo may tumulong kamo sa iyo?” tanong ni Mrs. Gandia. Naroon rin ang mga pulis.

Nangangatog namang tumango si Darlene. “Yes po, ma’am. Dapat ho ay huhubaran na ako ni Mang Dario pero may dumating ho na isa pang guwardiya. Hindi ko alam kung ano ho ang ginawa niya basta may ipinakita siya kay Mang Dario. Kasunod noon ay tumumba na lang po si Mang Dario sa harapan ko na nakanganga at naninigas po. Nagtatakbo ako palabas. Bago po ako makalayo ay nagpasalamat ako doon po sa matandang guard.”

Nag-isip si Mrs. Gandia. Wala silang kinukuhang matandang guard. Isa pa, ang kasama ni Dario noong mga oras na iyon ay nakabantay sa gate. Ang lalaki ang rumoronda sa mga classroom kaya nga nakita nito si Darlene, eh.

“Ano ang sabi niya matapos mong magpasalamat? Nakita mo ba kung saan siya pumunta?” tanong pa ni Mrs. Gandia.

“Sabi niya, ‘Walang ano man. Mahal ko ang trabaho ko, ang pagiging guwardiya. Biruin mo nasa kamay ko ang kaligtasan ng eskwelahan. Tungkulin kong bantayan ang mga estudyante.’ Tapos, ma’am, hindi ko na napansin kung saan siya napunta kasi ho tumalikod na ako sa takot ko at lumabas ho. Basta ang uniform niya po ay kakaiba. Parang brown ho, ma’am,” kuwento ni Darlene.

Bigla namang tinakasan ng kulay sa mukha si Mrs. Gandia. “May nunal ba siya sa noo? Kaunti na lang ang buhok na kulay puti. Mabait ang itsura ng mukha?”

Nanlaki ang mata ng bata dahil eksaktong-eksakto sa nakita niya ang deskripsiyon ng principal. “Paano niyo po nalaman?”

“Si Mang Manny,” nakangiti sa kawalang sabi ni Mrs. Gandia tapos ay napahaplos sa puso.

Paano niya nga ba malilimutan ang guwardiyang kakuwentuhan niya noong elementarya pa lamang siya? Ang mabait na si Mang Manny.

Oo, si Mrs. Gandia na principal na ngayon ay ang estudyanteng kaibigan ng matandang guard noon. Matagal na panahon na rin ang nakalipas. May mga apo na nga ngayon ang babae.

Marami ring nagsasabi na may nagmumultong guard nga rito sa eskwelahan pero ‘di pa naman niya nasasaksihan iyon. Ngayon lang.

Nakakataba ng puso dahil hindi kinalimutan ng guwardiya ang sinumpaan nitong tungkulin kahit matagal na itong pumanaw. Hanggang ngayon ay nagbabantay pa rin ito sa eskwelahan. Hanggang ngayon ay ginagabayan pa rin nito ang mga bata.

“Salamat po, Mang Manny,” bulong sa kawalan ni Mrs. Gandia.

Nagtirik sila ng kandila sa tapat ng gate at ipinagdasal ang katahimikan ng kaluluwa ng lalaki.

Nangako rin si Mrs. Gandia na magiging maingat na sa pagpili ng mga empleyado. Sisiguruhin niyang ang makukuha ay kasing buti at kasing tapat na nito.

Advertisement