
Huling Pagkakataon ni Guido
Labinlimang taon nang traysikel drayber si Guido. Ang pamamasada ang kaniyang ikinabubuhay at pinagkukunan ng pantaguyod sa dalawa niyang anak na sina Lexy at Trixie.
Ang asawa naman niya na si Ignacia ay isang tindera ng isda. Kadalasan ay wala ito sa bahay nila at maghapon na nasa palengke.
Si Lexy, ang kanilang panganay na anak, ang palaging naiiwan sa kanilang bahay at tanging nagbabantay sa bunsong kapatid.
“Lexy, ikaw na muna ang bahala sa kapatid mo. Mamamasada ako ng traysikel at magtitinda naman sa palengke ng nanay niyo. Ikaw na ang bahala, ha, anak?” bilin ni Guido sa kaniyang panganay. “Opo, itay,” sagot naman ng anak.
Parehas na abala at tutok sa pagtatrabaho ang mag-asawa. Ni hindi na nga sila nagsisimba kasama ng kanilang mga anak o ‘di kaya’y kumain ng magkakasama kahit sa bahay lang nila.
Kadalasan kapag umuuwi si Ignacia galing sa pagtitinda ay matutulog ito saglit habang nagluluto naman ng hapunan si Lexy. Habang kumakain ang mga anak ang babae ay gagawa ng iba pang gawaing-bahay na hindi nagagawa ni Lexy gaya ng paglalaba ng kanilang mga damit. Pagluluto lang kasi ang alam ni Lexy.
Pagdating naman ni Guido ay sakto namang tulog na ang mga anak at tapos nang maghapunan ang asawa. Minsan naman kapag maagang natatapos sa pamamasada ang lalaki ay umiinom ito kasama ang mga kapwa traysikel drayber.
Minsan ay nagtanong si Trixie sa kaniyang kapatid. “Ate Lexy, bakit hindi tayo nagsisimba na kasama sina tatay at nanay?”
“Ah, eh, abala sila sa trabaho, Trixie. Hayaan mo na. Para din naman sa atin ang ginagawa nila,” sagot ng nakatatandang kapatid.
Isang araw ay bigla na lamang nahilo at nawalan ng malay si Guido habang pasakay siya ng traysikel. Mabuti na lang at nakita siya ng isa sa kaniyang kapitbahay at dinala sa pinakamalapit na pagamutan.
Nagising si Guido na nasa loob na siya ng isang silid. Naroon din ang kapitbahay niyang si Abner na matiyagang nagbantay sa kaniya.
Mayamaya ay pumasok ang doktor at kinausap siya. “Mister, kailangan mong maoperahan. Base sa resulta ng aking pagsusuri ay may ugat sa iyong utak na nagbabadyang pumutok. Kung hindi ito maoperahan ay maaring malagay sa panaganib ang iyong buhay,” hayag nito.
Sa paglabas ng ospital ay may sinabi si Guido kay Abner. “Pare, maaari ba na huwag mong ipagsasabi sa kahit na sino ang nangyari sa akin. Ako na lang ang bahalang magsabi sa aking asawa tungkol sa sinabi kanina ng doktor.”
Tumango naman ang lalaki at nangako na hindi magsasalita.
Pag-uwi sa kanilang bahay ay hindi ipinagtapat ni Guido kay Ignacia ang pagsugod sa kaniya sa ospital kanina. Nang magtanong ito kung bakit ginabi siya ng uwi ay nagdahilan na lamang siya na mayroon pa siyang dinaanang kaibigan.
Sinadya niyang ilihim sa asawa ang pagkakaroon niya ng karamdaman dahil ayaw na niya itong bigyan ng alalahanin. Bukod kasi sa wala silang sapat na pera para sa operasyon ay mas kailangan ng kanilang mga anak ang perang kanilang kinikita para sa pagbabalik ng mga ito sa pag-aaral. Nahinto kasi ng isang taon sina Lexy at Trixie kaya pinag-iipunan nila ang papasok muli sa eskwela ng mga bata.
Bumalik sa pagtatrabaho si Guido. Ipinasa-Diyos na lang niya ang karamdaman. Hangga’t kaya niyang magtrabaho para sa kaniyang pamilya ay gagawin niya. Kinalimutan niya ang tungkol sa operasyon at maghapong nagbanat ng buto.
Linggo ng umaga ay maagang nagising si Guido. Ginising din niya ang asawa at dalawang anak. “Ignacia, mga anak, gising na kayo. Magsimba tayong magkakasama,” sabi niya habang kinikiliti ang mga paa ng mga anak niya. Masayang-masaya ang ama ng dalawang bata.
Pagkagaling nila sa simbahan ay nagluto agad si Guido ng agahan nila at sabay-sabay silang kumain.
“Tatapusin ko lang ‘to. Mauna na kayong kumain at baka gutom na kayo,” sabi ni Ignacia habang inihahanda ang mga dadalhing paninda sa palengke.
“Halika na rito. Mamaya na iyan. Kumain tayo ng sabay-sabay,” hiling ni Guido sa asawa na agad namang pinagbigyan ni Ignacia.
Simula noon ay itinuring ni Guido ang bawat araw na ipinagkaloob sa kaniya na huling araw na niya kung kaya’t bawat segundo ay mahalaga sa kaniya. Ibinuhos niya ito sa asawa at sa mga anak niya.
Iniba niya ang mga nakagawian nila sa buhay ngunit hindi pa rin niya maiiwasang manghinayang sa mga nasayang na oras. Malalaki na ang mga anak bago pa niya lubusang naibahagi ang sarili niya sa mga ito ngunit ang pinabayaan niyang karamdaman ay lumubha at muli siyang isinugod sa ospital.
“Pambihira ka naman, Guido. Hindi mo man lang sinabi sa akin ang tungkol sa sakit mo. Bakit hindi mo sinabi na kailangan mo pa lang sumailalim sa operasyon?” mangiyak-ngiyak na tanong ni Ignacia.
“Patawarin mo ako. Sinadya ko na hindi ipaalam sa iyo dahil ayaw na kitang bigyan pa ng problema. Huwag ka mag-alala. Nakaipon naman ako ng sapat na pera para magamit niyo ng mga bata. Maaari mo ring ipapasada sa iba ang traysikel para pandagdag kita para inyo ng mga anak ko,” sabi ni Guido sa asawa.
“Tatay, mahal na mahal ka po namin,” wika naman nina Lexy at Trixie habang umiiyak na rin.
“Mahal na mahal ko rin kayo mga anak. Patawad at hindi ko kayo nabigyan ng oras noon. Sana mas lalo kong nasubaybayan ang paglaki niyo. Kaya lang medyo huli na at bilang na lang ang mga huling araw ko. Sana pati kayo ay matuto sa naranasan natin. Pahalagahan niyo ang bawat oras na mayroon kayo at ibahagi niyo ang sarili sa mga taong mahal niyo,” hiling ng amang nakaratay sa higaan.
‘Di nagtagal ay pumanaw rin si Guido dahil sa naging kumplikasyon sa kaniyang utak na hindi naoperahan. Kahit ganoon ang nangyari ay nawala siya sa mundo na may sayang nararamdaman dahil kahit papaano ay nabigyan siya ng pagkakataong makapiling ang kaniyang pinakamamahal na pamilya.