Inday TrendingInday Trending
Barya na Naman?!

Barya na Naman?!

“Mommy, papasok na ako sa school. Where’s my baon?” wika ni Maya.

“Anak, anong itsura ‘yan? Ba’t naman ganiyan ang ayos mo? Para kang may show. Ang tindi ng sikat ng araw tapos naka-makeup ka pa. Baka naman bilasang isda ka na niyan pagdating sa school,” baling sa kaniya ni Aling Tado, ang nanay ng dalaga.

“Ma, dalaga na kasi ako. Kolehiyala na at ito na rin ng uso sa school. Pahingi na lang po ako ng baon. Huwag niyo na ako sermunan,” reklamo ng dalaga sa kaniyang ina.

Hindi na nakakibo pa si Aling Tado at napailing na lang ito sabay abot ng isang supot ng barya kay Maya. “O, ayan. Tipirin mo ‘yan at mahirap kumita ng pera,” saad ng ale.

“Grabe naman si mama palagi na lang akong pinapabaunan ng barya. Nakakainis! Wala bang papel man lang para mailagay ko naman sa wallet ko. Diyos ko naman! Ang bigat-bigat na lang palagi ng dala ko,” baling ng dalaga tsaka inikot ang kaniyang mga mata.

“Anak, piso net ang negosyo natin kaya huwag kang umasa na may buo kasi puro barya ang pera natin. Isa pa, pera rin ‘yan! Huwag kang reklamador kasi kung ayaw mo kukuhanin ko,” iritableng sagot naman ni Aling Tado.

Hindi na nagsalita pa si Maya at ipinasok na lamang niya sa bag ang pera. Tsaka siya naglakad sa malapit na tindahan para papalitan ito ng perang papel ngunit wala pa itong benta dahil kakaumpisa pa lang ng araw kaya hindi niya napapalitan ang mga barya.

Sumakay na si Maya ng jeep at naisipang doon na lang ipapalit ang pera. Humanap talaga siya ng bakante ang katabi ng driver para naman mabilis niyang maalok ito.

“Ayan sakto si manong kaso marami pa siyang barya. Mayamaya ng kaunti kapag dumami na ang sakay niya,” sa loob-loob ni Maya.

Pito lamang silang sakay ng jeep. Lima silang mga nakaunipormeng estudyante at isang mag-ina na mukhang kakagaling lang sa talipapa dahil sa rami ng gulay nitong bitbit. Nagbayad na muna siya at nagbayad na rin ang ibang pasahero pagkatapos niyang maiabot ang pera.

Kakausapin na sana niya ang drayber nang biglang sumigaw ang isang pasahero.

“Manong, kulang po ang sukli niyo! Singkwenta ho ang binayad ko. Dalawa lang ho kami ng anak ko kaya dapat 34 pesos ho ang sukli ko hindi kuwatro!” sigaw ng ale. Napakalakas at napakatapang ng pagkakasabi nito kaya ang lahat ng pasahero ay napatingin sa ale.

“Ale, wala pa nga po kayong binabayad, eh,” mahinahong sagot ng matandang drayber.

“Ulyanin ka ng matanda ka! Ako ang unang pasahero mo at pagkasakay ko pa lang ay nagbayad na kami. Huwag mo akong inaano! Naku, pumapatol ako sa matanda! King*na ka!” baling pang muli ng babae.

Halata naman ang lungkot sa mukha ng matanda. Hindi siya makasagot dahil abala siya sa daan. Nasa hi-way na sila nung mga panahong galit na galit ang babaeng nagrereklamo.

Gusto sanang tulungan ni Maya ang drayber pero naisip niyang baka nakalimutan nga nito. May edad na rin kasi ang lalaki at nakakaawa na rin ang itsura.

“Ibalik mo na ang sukli ko o ipapa-barangay kita?” sigaw muli ng babae.

“Wala ka naman talagang binayad. Kahit matanda na ako ay hindi ako ulyanin. Pero sige. Ito na ang sukling hinihingi mo,” malungkot na wika ng drayber.

Hindi nasulyapan ni Maya kung magkano ang binigay nito ngunit mas napansin niya ang nanggigilid na mga luha ng matanda.

“May sakit pa naman ang apo. Kailangan niyang operahan sa atay. Pandagdag ko na sana ‘yun sa mga gastusin namin napunta pa sa wala,” bulong ng lalaki na halatang pinipigilang bumagsak ang kaniyang mga luha.

Mabilis na bumaba ang ale na nagrereklamo sa paradahan. Saglit namang huminto ang jeep para maghintay ng pasahero.

“Ma, wala ka naman talaga binayad, eh. Natatandaan ko po,” wika ng batang kasama ng aleng nagrereklamo pagbaba nila.

“Huwag ka nga maingay riyan! At least, nagkapera tayo. Tara na!” hablot pa ng babae sa bata tsaka sila naglakad palayo.

Alam ni Maya na hindi lamang siya ang nakarinig sa sinabi ng babae kung ‘di silang lahat na pasahero sa jeep at maging ang matandang drayber.

Mabilis niyang sinulyapan ang matanda at doon na niya nakitang nagpunas ito ng mga luha.

Hindi maintindihan ni Maya ngunit naalala niyang bigla ang kaniyang nanay na nirereklamuhan niya sa baryang kinikita nila samantalang ang ibang tao ay iniiyakan ang bawat kusing na nawawala sa kanila. Hindi niya alam kung paano siya makakatulong sa drayber.

Nag-umpisa nang umandar ang jeep. Bumuntong-hininga na lang ang drayber sa sama ng loob.

“Manong, bayad po,” saad ni Maya na muling nag-abot ng kaniyang bayad na pamasahe.

“Hija, nagbayad ka na kanina,” sagot sa kaniya ng drayber.

Hindi na sumagot pa si Maya at nginitian na lamang ang lalaki.

Laking gulat naman ng dalaga nung nagbayad din ulit ang lima pang pasahero sa likuran na siyang ikinagulat ng matanda. Sabay-sabay silang nagbabaan sa kanto ng pinapasukang eskwelahan.

“Maraming salamat sa inyo!” sigaw ng matandang drayber at nagngitian rin tsaka kumaway ang mga pasaherong kasama ni Maya.

Ngayon ay nagising si Maya sa katotohanan na ang bawat pera, barya man o hindi ay mahalaga. Mas lalo niyang minahal ang kaniyang nanay na bumubuhay sa kaniya. Simula rin noon ay hindi na nagreklamo pa si Maya kung barya o papel na pera ang ibinibigay sa kaniya ni Aling Tado.

Advertisement