Inday TrendingInday Trending
Mas Mahigpit pa Kay Tatay

Mas Mahigpit pa Kay Tatay

“Pare, ano na? Hinihintay namin ang sagot mo. Makakapunta ka ba?”

Napabuntong-hininga si Niel sa chat na natanggap niya mula sa kaibigang si Thomas. Nag-aaya na naman kasi ang kaniyang barkada patungo sa Batangas. Swimming daw. Subalit hindi siya makapagpaalam dahil tiyak na hindi siya papayagan ng kaniyang Kuya Nathaniel.

Dalawa lamang silang magkapatid. May pagkamasungit ang kaniyang kuya. Mas masungit at mas istrikto pa ito sa kanilang amang si Mang Nelson. Kapag pinayagan siya ng kanilang ama ay agad na kumokontra ang kaniyang kuya.

Tulad ngayon. Habang sila ay kumakain ng almusal ay tinangka niyang magpaalam sa kanilang ama.

“Tatay, magpapaalam lang ho sana ako. May lakad po kasi ang tropa sa Batangas,” panimula ni Niel. Sumulyap siya sa kaniyang Kuya Nathaniel na tahimik na umiinom ng kape habang nagbabasa ng artikulo sa tablet nito. Isang branch manager sa bangko si Nathaniel.

“Anong klaseng lakad iyan? Bakit hindi niyo na lang takbuhin?” biro ni Mang Nelson. Napasulyap din ito kay Nathaniel. Tinitimpla ang mood nito.

“Tay, naman, eh. Swimming po iyon. Lalangoy kami,” pakikisakay ni Niel sa biro ni Mang Nelson.

“Hindi ba may exam kayo next week? Bakit kailangan ninyong mamasyal? Bakit hindi na lang kayo mag-aral dito sa bahay? Invite them,” singit ni Nathaniel.

Iyan na nga ang pinangangambahan ni Niel. Magsisimula na naman ang pangingialam ng kaniyang kuya.

“Kasi, kuya, gusto naman namin na mag-relax din kahit papaano bago kami mag-exam. I think wala namang masama roon,’ sabi ni Niel. Malapit nang magtapos sa kursong BS Industrial Engineering si Niel.

“Tandaan mo, Niel. Graduating ka na. Hangga’t maaari sana ay huwag ka nang magpunta sa kung saan-saan. Tay, huwag mo siyang payagan. Maglalakwatsa lang iyan,” sabi ni Nathaniel sa ama.

Napasulyap si Mang Nelson sa bunsong anak. Hindi ito kumibo. Tinapos ni Nathaniel ang kaniyang almusal at nagpaalam na sa kanila upang pumasok sa trabaho.

“Tay, ano, pumapayag ka na po ba?” tanong ni Niel sa kaniyang ama. “Nakapagdesisyon na ang kuya mo. May punto naman siya, anak. Baka mapahamak kayo sa Batangas. At isa pa, graduating ka na. Dapat mas maging maingat ka,” pasya ni Mang Nelson. Kinuha na nito ang mga pinagkainan at dinala sa lababo.

Hindi na napigilan ni Niel ang sarili. Nakaramdam siya ng inis sa kaniyang kuya gayundin sa kaniyang tatay. “Bakit kailangang si kuya ang magdedesisyon para sa akin? Kayo ang tatay. Kayo dapat ang susundin namin. Bakit hinahayaan niyong si Kuya Nathaniel na ang magdedesisyon para sa pamilyang ito?”

Napatingin si Mang Nelson kay Niel.

“Huwag mong pagsasalitaan ng ganiyan ang kuya mo, anak. Naging mabuti siya sa atin. Kapakanan mo lang ang iniisip niya,” sabi ni Mang Nelson.

“Naiintindihan ko naman po. Pero pati ba naman buhay ko kailangan niyang pakialaman? Mas mahigpit pa siya kaysa sa inyo,” padabog na sabi ni Niel.

Kinagabihan ay isang desisyon ang ginawa ni Niel. Sinuway niya ang utos ng kaniyang kuya. Patakas siyang lumabas ng bahay at sumama sa kaniyang mga kaibigan patungong Batangas.

Masayang-masaya siya sa piling ng kaniyang barkada. Uminom sila, naligo sa beach at nagpakasaya na tila wala ng bukas. Hindi nila inisip na may paparating na pagsusulit.

Hindi nagpaalam si Niel kay Mang Nelson at lalo na sa kaniyang Kuya Nathaniel kaya naman sa kaniyang pag-uwi ay sinalubong siya ni Nathaniel na galit na galit. Nasa likod nito si Mang Nelson.

“Saan ka galing?” sita ni Nathaniel. Hindi sumagot si Niel at tuluy-tuloy lamang siyang pumasok sa loob ng bahay.

Hinabol siya ni Nathaniel. Pinigilan siya sa bisig. “Huwag na huwag mo kong tatalikuran kapag kinakausap pa kita!”

Pumiglas si Niel at hinarap ang kaniyang galit na kuya. “Sa Batangas! At ano bang pakialam mo?”

Sa kauna-unahang pagkakataon ay sinagot ni Niel nang pabalang si Nathaniel.

Umigkas ang kamao ni Nathaniel at tumama sa baba ng kapatid. Nagulat si Nathaniel sa kaniyang ginawa. Mas lalong nagulat si Niel. Hindi niya inaasahan ang pagbubuhat ng kamay sa kaniya ng kapatid.

Umawat naman si Mang Nelson sa nangyayaring pisikalan ng dalawa. “Tumigil na kayo! Mapag-uusapan natin nang maayos ito.”

“Tay, hayaan ninyong magpaliwanag ang lalaking ito kung bakit at kailan niya tayo natutuhang suwayin,” tiim-bagang na sabi ni Nathaniel sa kaniyang tatay.

Tumayo si Niel. Hawak niya ang kaniyang panga.

“Bakit ba masyado kang mahigpit sa akin, kuya? All these years ginagawa ko ang gusto mo. Naalala mo noong bata pa ako? Lagi mong pinipigilan ang pagkain ko ng tsokolate kahit si nanay pa ang nagbibigay sa akin noong nabubuhay pa siya. Pinagagalitan mo ako kapag nangunguha ako ng gagamba sa mga puno at kanal kahit kay tatay ay ayos lang. Ano bang problema mo sa akin? Naiinggit ka ba?” sumbat ni Niel sa kapatid.

“Niel, huwag mong pagsalitaan ng ganiyan ang tatay…”

“Tay!” putol ni Nathaniel sa sasabihin sana ni Mang Nelson.

“Ituloy mo, tay. Anong ibig mong sabihin?” tanong ni Niel.

“Oras na para malaman mo ang totoo. Oras na para malaman mo kung bakit mahigpit sa iyo si Nathaniel, ang kinalakihan mong kuya. Siya ang tunay mong tatay,” paliwanag ni Mang Nelson.

At ipinagtapat na nga ni Mang Nelson ang lahat kay Niel.

Maagang nakabuntis si Nathaniel. Hindi pabor ang mga magulang ng kasintahan nito kaya naiwan kay Nathaniel ang pangangalaga sa anak. Ang tunay niyang nanay ay nasa ibang bansa. Lumipat sila ng bahay upang hindi na sila matunton pa ng mga ito.

Dahil high school pa lamang noon si Nathaniel ay pinalabas nila Mang Nelson na palalakihin nila si Niel bilang kaniyang anak.

“Patawarin mo ako, anak, kung naglihim kami sa iyo. Mahal na mahal kita. Maraming beses akong nagtangkang ipagtapat sa iyo ang totoo pero wala akong lakas ng loob para gawin iyon,” umiiyak na sabi ni Nathaniel. Nilapitan niya ang anak at niyakap ito.

Dumaan ang halos isang buwan at kalahati matapos ang pagtatapat ng katotohanan kay Niel. Hindi pa rin siya sanay na tawaging tatay si Nathaniel at lolo naman si Mang Nelson.

Ginawa ni Nathaniel ang lahat upang makuha ang loob ng anak. Napagtanto niya na hindi tamang itago ang katotohanan.

Dapat una pa lamang ay pinanindigan na niya ang anak. Nagtiyaga siyang makuha ang loob ni Niel hanggang sa ‘di naglaon ay natanggap na rin siya nito bilang kaniyang tunay na tatay.

Advertisement