Inday TrendingInday Trending
Ang Madamot na Kapitbahay

Ang Madamot na Kapitbahay

Simula nang maging magkapitbahay sina Aling Mena at Aling Guada ay hindi pa sila nagkikibuan at nagpapansinan.

Limang buwan pa lamang nakalilipat sa bagong biling raw house ang pamilya nina Aling Guada, katabi ng bahay nina Aling Mena. Dahil townhouse ang estilo ng mga bahay sa naturang village ay magkakadikit ang mga bahay. Bawat kibot mo ay tiyak na malalaman ng kapitbahay.

Ang pinagmulan ng munting pader sa pagitan nina Aling Mena at Aling Guada ay ang puno ng malunggay na nakapagitan sa kanilang bakuran.

Ayon kay Aling Mena ay siya ang nagtanim at nagpalaki nito. Ang pagkakamali lamang niya ay naitanim niya ito malapit sa hangganan ng kanilang bakuran sa nabiling lupa ni Aling Guada kaya pumipitas na lamang ang kaniyang kapitbahay nang walang paalam sa mga dahon at bunga nito.

Tulad ngayon. Pumipitas si Aling Guada sa mga dahon ng malunggay para maisahog sa kanilang tinola.

Nakatingin naman sa bintana si Aling Mena at pinagmamasdan ang kapitbahay.

Napansin siya ng kaniyang dalagang anak na si Manilyn. “Ma, ano na naman ba ang sinisipat-sipat mo riyan? tanong nito. “Tignan mo ang mahaderang kapitbahay natin. Namimitas na naman ng mga dahon sa malunggay ko. Tignan mo!” naiinis na sabi ni Aling Mena.

Pinalapit niya ang anak sa bintana upang makita nito ang tinutukoy niya.

“Ano ka ba naman, ma. Pagbigyan mo na. Parang dahon lang.” natatawang sabi ni Manilyn.

“Hoy, huwag mo ngang ma-dahon-dahon lang iyan. Hindi iyon ang punto ko. Sana man lang ay kumatok siya sa atin para magpaalam. Hindi naman siya ang nagtanim niyan. Ako pa rin ang may-ari niyan,” gigil na sabi ni Aling Mena.

“Eh, ikaw naman kasi, ma, sa lawak ng ating lupa sa harapan doon mo pa naisipang magtanim sa boundary ng bahay natin at bahay nila. Natural kapag ang dahon ng puno ay napunta sa teritoryo nila sa kanila na iyon,” paliwanag ni Manilyn sa nanggagalaiting ina.

“Ah, basta! Kaunti na lang at susugurin ko na iyan, eh.” Sabi ni Aling Mena.

“Relax lang, ma. Dadami ang wrinkles mo, sige,” pag-aalo ni Manilyn sa ina.

Kapag nagkakatagpo sina Aling Mena at Aling Guada sa pagwawalis ng bakuran tuwing umaga ay hindi sila nagkikibuan.

Gusto na sanang komprontahin ni Aling Mena si Aling Guada subalit nauumid ang kaniyang dila. Hindi likas sa kaniya ang maging palaaway subalit mabilis mag-init ang kaniyang ulo kapag may ginagawa ang ibang tao na labag sa kaniyang paniniwala at prinsipyo sa buhay. Tulad ng ginagawa ni Aling Guada na pagpitas sa dahon at bunga ng malunggay nang walang paalam sa kaniya.

Subalit nadagdagan ang pinagsisiklab ng kalooban ni Aling Mena dahil sa nagdaang araw. Madalas na laging may tubig sa harap ng kanilang bahay. Galing ito sa pinaglabhan ni Aling Guada.

Hindi na nakatiis si Aling Mena.

“Kapitbahay, baka puwede namang huwag kang magbuhos ng tubig na pinaglabahan mo sa kalsada. Kasi naiipon sa harap ko, eh. Uso pa naman ang mga sakit ngayon na nakukuha sa kagat ng lamok,” minsa’y kompronta ni Aling Mena kay Aling Guada nang maabutan niya ito sa labas.

“Ganoon ba? Pasensya ka na. Hayaan mo hindi na mauulit,” nakangiting sabi ni Aling Guada.

“Tsaka tutal nagkausap na rin tayo. Sana magpapaalam ka sa akin kapag kukuha ka ng dahon ng malunggay ko. Ako kasi ang nagtanim niyan noong wala pa kayo,” sabi ni Aling Mena.

Sumeryoso ang mukha ni Aling Guada. “Pero tignan mo. Kalahati ng ugat at mga dahon ay nasa bakuran namin. Kapag ganoon ay may karapatan kaming kumuha kung gusto namin. O, kung gusto mo ay putulin mo na lamang ang puno.”

Nagpanting ang mga tenga ni Aling Mena sa narinig. “Ang yabang mo naman. Kabago-bago niyo pa lamang ay ganiyan ka na magsalita. Para sabihin ko sa iyo isa ako sa mga matagal nang nakatira dito.”

“Hindi naman iyan ang pinag-uusapan dito. ‘Yung puno ng malunggay, misis. Ang sinasabi ko lang kung ayaw ninyong nakukuhanan ito putulin niyo na lamang,” giit ni Aling Guada.

Gigil na pumasok si Aling Mena sa loob ng kaniyang bahay. Naramdaman niya ang pagtaas ng presyon ng kaniyang dugo. Balak niyang ireklamo sa barangay si Aling Guada.

Hanggang isang araw ay nasunog ang kalapit na bahay nila dahil sa problema sa wirings.

Mag-isa lamang noon si Aling Mena kaya nataranta siya sa kaba. Nakaramdam siya ng pagkahilo. Nasa labas noon si Aling Guada na agad siyang dinaluhan. Pinaypayan siya nito at pinainom ng tubig.

Mabuti na lamang ay agad na naagapan ang sunog at hindi nadamay ang iba pang kabahayan kabilang ang bahay nilang dalawa.

“Maraming salamat sa iyo, Guada,” naiiyak na pasasalamat ni Aling Mena. “Nahihiya ako sa iyo. Napakitaan at napagsabihan kita ng hindi maganda dahil lang sa puno ng malunggay. Patawarin mo ako.”

“Wala iyon. Sino pa ba ang magtutulungan kung ‘di tayo-tayo rin?” nakangiting sabi ni Aling Guada.

Simula noon ay naging magkaibigan na ang dalawa. Hindi na naging isyu para kay Aling Mena kung kumukuha ng dahon at bunga ng malunggay si Aling Guada. Minsan ay nagbibigayan sila ng mga ulam tulad ng tinola na ang sahog ay ang dahon ng malunggay ni Aling Mena.

Napagtanto ni Aling Mena na dapat pakibagayan at magkaroon ng mabuting relasyon sa mga kapitbahay dahil sila ang maaasahan sa panahon ng pangangailangan.

Advertisement