
Sa Paglasap ng Pagpag
“Nay, gutom na po ako.” Napatingin si Mareng sa ikawalo niyang anak at bunsong si Tenten.
Hinahabol ni Mareng ang mga labada niya upang mabayaran na siya ng amo niyang mayaman na si Aling Natasha na naawa sa kaniya kaya pumayag itong magpalaba sa kaniya sa halip na dalhin na lamang sa laundry shop ang mga marurumi nilang damit.
“Sandali lang. Uminom ka muna ng tubig diyan o mag-biscuit,” galit na utos ni Mareng sa bunsong anak.
Tinawag niya ang ika-anim na anak na si Neneng na siyang naaasahan at nakakatulong niya sa mga gawaing-bahay. “Neneng! Pakainin mo nga muna si Tenten. May biscuit pa yata diyan. Mamaya pa ang rasyon ng pagpag,” utos ni Mareng.
“Wala na tayong biscuit, nay. Inubos ni Taba kanina,” sabi ni Neneng habang nagtutupi ng mga damit.
Dumukot sa kaniyang bulsa si Mareng. Nakakuha siya ng limang pisong barya at iniabot sa anak. “Iyan, bumili ka muna sa tindahan kung anong maibibili niyan at ipakain mo diyan,” utos ni Mareng.
Isa lamang ang pamilya nina Mareng sa mga nagsampid na pamilyang iskwater sa Estero Sunog-Apog na mistulang nakabalikong ahas sa lungsod. Ang mga bahay rito ay gawa sa pawid, kahoy, karton, yero at iba pang mga magagaan na materyales. May mahabang paa ang kanilang mga bahay na nakalubog sa itim na burak na kahit umihip nang malakas ang hangin ay hindi matitibag o magagalaw.
Napakahirap ng buhay sa lugar na iyon. Kaunting hindi pagkakaunawaan lamang ay nagkakasakitan na ang mga tao.
Dahil mahirap ang buhay karamihan sa mga pamilyang naroroon ay gumagawa ng paraan upang makakain at maitawid ang pagkain sa maghapon. Uso sa kanila ang altanghap o almusal, tanghalian, at hapunan. Nangangahulugang isang kainan lamang sa maghapon.
Kilalang-kilala sa kanilang lugar ang pagbili at pagbebenta ng pagpag o mga pagkaing tira-tira o itinapon na’t nililinis lamang upang muling makain. Sa halagang 20 hanggang 50 pesos ay makakakain ka na nang pinagsama-samang manok, karne ng baboy o isda at minsan ay may gulay pa. Ang mga pagkaing patapon ay nililinis nang maigi, pinapagpag at isinisilid sa plastik tsaka ibinebenta.
“Nandito na ang biyaya!” maya’t mayang sigaw ng nagbebenta ng pagpag sa kanilang lugar.
Nagsilabasan naman ang mga kapitbahay ni Mareng. Mabilis lamang itong maubos lalo na’t nasasabik silang makakain ng mga tirang pagkain mula sa mga restawran na hindi nila nakakainan.
Dahil hindi pa bumabalik ang inutusang anak ay si Mareng na lamang ang lumabas upang bumili ng pagpag. Dalawang plastik ng pagpag ang binili niya. 20 piso ang isang plastik na punumpuno ng karne ng manok, longganisa, itlog at iba pang mga pinagpag na pagkain.
“Mabuti na lang talaga at may pagpag kung ‘di ay magugutom tayo,” bulalas ng isa sa mga nanay na kapitbahay ni Mareng na laging may nakapasak na tabako sa kaniyang bibig.
Matapos bumili ng pagpag ay umuwi na si Aling Mareng.
Sakto namang tanghalian na kaya bumalik na ang iba pa niyang mga anak na hindi na niya malaman kung saan nagsuot.
Nag-umpukan sila sa sahig at pagkalapag pa lamang ni Aling Mareng sa pagpag ay sinunggaban na kaagad ito ng mga gutom na anak. Mabuti na lamang at dalawang plastik ang kaniyang binili para may makain pa siya. Mamaya na lamang siya kakain.
Pinagmasdan niya ang mga anak na sarap na sarap sa kinakaing pagpag. Hindi nila alam kung saan galing ang mga ito. Kung nilangaw na ba, inipis o niluwa ng naunang taong bumili nito. Ang mahalaga ay malamnan ang kanilang hungkag na sikmura.
Mayamaya ay nakaramdam ng pananakit ng tiyan si Tenten na sinundan ni Taba, ni Neneng at lahat ng kaniyang mga anak. Nataranta si Aling Mareng. Hindi niya alam ang gagawin.
Humingi siya ng tulong sa kaniyang mga kapitbahay. Subalit nagulat siya dahil masakit din ang mga tiyan nila. Sila ang mga bumili at kumain ng pagpag.
Lahat ng mga nakakain ng pagpag ay sumakit ang tiyan at itinakbo sa ospital. Nagsuka ang lahat at nahilo. Food poisoning daw sabi ng doktor. Masyadong kontaminado ang nakain nilang pagkain. Sinisi nila ito sa nagbenta ng pagpag ngunit nagtago na ito sa takot sa kanila. Mapalad naman silang naagapan at walang nawala sa kanila.
Napagtanto ni Aling Mareng na hindi niya dapat isakripisyo ang kalusugan ng kaniyang pamilya dahil sa matinding pagtitipid lalo na sa pagkain.
Sa mga sumunod na araw ay minabuti niyang bumili na lamang kahit gulay sa palengke o lutong ulam matiyak lamang na ligtas ang kakainin ng kaniyang mga anak.