Inday TrendingInday Trending
Kasalanang Sinolusyunan ng Isa Pang Kasalanan

Kasalanang Sinolusyunan ng Isa Pang Kasalanan

“Hoy, Alexa! Anong dinadrama mo d’yan? Tanghaling tapat kung makaiyak ka! Ano na naman bang problema mo? Natanggal ka na naman ba sa trabaho?” pang-uusisa ni Nimfa nang madatnang nahagulgol ang kaniyang pinsan sa kanilang tambayan noong mga bata pa sila.

“Hi- hindi,” tipid na sagot ni Alexa sabay punas ng kaniyang luha.

“O, eh, ano pala? Bakit ganyan ka makaiyak?” tanong pa ng kaniyang pinsan saka bahagyang hinawi ang buhok niya.

“Nimfa, bu- buntis ako,” amin niya saka muling humagulgol.

“Ay, jusko! Naiyak ka kasi buntis ka? Ako nga naiyak minsan dahil hindi ako mabuntis-buntis! Nasa tamang edad ka na naman, isa pa kasal ka na. Bakit naiyak ka pa?” sambit pa nito dahilan upang lalo pa siyang maiyak.

Dalawampu’t walong taong gulang na si Alexa. Dalawang taon na rin siyang kasal sa kaniyang nobyo. May permanente na rin silang trabaho pareho.

Kung titingnan, halos perpekto na ang kanilang pagsasama, may sariling bahay na, isang kotseng kakapundar lang nila at ipon sa bangkong sapat kung magkakaanak man sila.

Ngunit tila lumabis ang kagustuhan ng kaniyang asawa na magkaroon ng maalwan na buhay. Subsob ito sa trabaho, uuwi ng gabi, aalis ng maagang-maaga.

Halos hindi na nga sila nagkakausap sa bahay. Sa katunayan pa nga, ang huling pagsisiping nila ay noong bagong kasal pa sila. Simula noon, hindi na nagkaroon ng oras ang kaniyang mister upang lambingin siya kahit minsan.

Ito ang naging dahilan nang paghahanap ng atensyon ni Alexa sa iba. Sakto namang nagkaroon siya ng komunikasyon sa lalaking una niyang minahal. Pakikipagkaibigan lang naman talaga ang intensyon niya noong una. Gusto niya lang magkaroon ng makakausap ngunit tila nadala siya ng tukso nang dalhin siya ng lalaki sa bahay nito.

Sa kasamaang palad, nagbunga ang kaniyang pagtataksil dahilan upang ganoon na lamang siya mamroblema ngayon. Ayaw niyang ipaalam ito sa kaniyang asawa dahil alam niyang hihiwalayan siya nito. Wala na siyang ibang maisip kundi ipalaglag ang bata.

“Magtigil ka, Alexa! Hindi tama ‘yan!” pagkontra ni Nimfa.

“Pero, Nimfa, hihiwalayan ako ng asawa ko kapag nalaman niya ito! Tulungan mo ako. Ikaw na lang ang pag-asa ko! Ayokong mabalewala lahat ng paghihirap ko sa pagsasama namin ng mister ko,” mangiyakngiyak na sambit ni Alexa. Napabuntong hininga na lamang ang kaniyang pinsan saka siya hinila papunta sa isang liblib na eskinita.

May pinasukan silang isang barong-barong, agad na may lumabas na matanda at pasimpleng inabot ang isang gamot na pampalaglag. Pasimple ring inabot ng kaniyang pinsan ang bayad saka sila lumabas dito na parang walang nangyari.

Agad na ininom ni Alexa ang naturang gamot. Hindi niya na inisip ang pwedeng mangyari sa kaniya, o ang kasalanang ginagawa niya dahil ang mahalaga sa kaniya ngayon, mawala ang batang bunga ng kaniyang pagtataksil. Hindi naman mapakali ang kaniyang pinsan dahil labis itong nag-aalala sa kaniya.

Isang araw lang ang lumipas, dinugo na siya. Labis ang kaniyang tuwa dahil sa wakas, nakatakas na siya sa kaniyang kataksilan. Ngunit ‘yun ang akala niya.

Lumipas lang ang ilang buwan, tila laging nananakit ang kaniyang puson at ari. Nadatnan siya ng kaniyang asawa na namimilipit sa sakit isang gabi nang makauwi ito. Kaya naman, dali-dali siya nitong dinala sa doktor.

Doon na nalaman ng kaniyang asawa na nabuntis siya at nagpalaglag. May mga naiwang laman sa kaniyang bahay bata na nabubulok na, ayon sa kaniyang doktor.

Labis ang galit ng kaniyang asawa sa kaniyang ginawa. Hindi na tinanong nito kung sino ang ama ang tanging sinabi nito, “Bakit mo pinasl*ng ‘yung inosenteng bata? Wala ‘tong kasalanan sa kataksilan mo!” iyak lamang siya nang iyak habang pinapakinggan ang sama ng loob ng asawa. Lalo pa siyang naiyak nang makitang lumuluha na rin ang kaniyang asawa.

“Mahal, mapapatawad mo pa ba ako?” tanong niya dito, tumango-tango lang ito habang patuloy na naiyak.

“May pagkukulang rin ako. Alam ko may kasalanan rin ako, patawarin mo ako. Matatanggap ko naman yung bata, eh. Alam mo naman kung gaano kita kamahal,” hikbi nito, pinilit niyang tumayo upang lapitan ang asawa saka ito niyakap.

Labis ang kaniyang pasasalamat sa maunawain at mapagpatawad niyang asawa. Hindi niya lubos akalaing tatanggapin at pagkakatiwalaan pa siya nito kahit na nagawa niyang magtaksil. Doon niya napatunayang labis nga talaga ang pagmamahal nito sa kaniya. Sa pagkakataong ring ‘yon, humingi siya ng kapatawaran sa Diyos dahil sa kasalanang ginawa niya.

Sumailalim sa maraming gamutan ang babae at sa wakas, sa loob ng dalawang buwan, umayos na ang kaniyang pakiramdam ngunit hindi pa siya pwedeng magbuntis.

Simula noon, pinagtuunan na siya ng pansin ng asawa. Nangako rin siya dito na hindi na muling gagawa ng problemang magbubunga pa ng mas malalang problema’t kasalanan.

Dalawang taon ang nakalipas, nabuntis na ulit si Alexa, hindi na sa lalaking unang minahal niya, kundi sa lalaking pinakasalan niya at walang sawa siyang minamahal at tinatanggap.

Madalas kapag gumawa ka ng kasalanan, magbubunga ito ng problema. Maging maingat nawa tayo na huwag nating solusyunan ng isa pang kasalanan ang ating problema. Maging responsable tayo sa lahat ng mga aksyong ating ginagawa.

Advertisement