“Aba, Aling Ema, kailan ka magbabayad ng utang mo, ha? Noong isang linggo pa ang usapan natin. Baka may kaunting kahihiyan ka naman,” sambit ni Edward, ang lalaking nagpapautang sa barangay nila.
“Pasensya ka na, Edward. Wala pa talaga akong pambayad sa’yo, eh,” tugon naman ni Aling Ema saka napakamot sa kaniyang ulo.
“Pag-isipan mo kasi maigi yung sinasabi ko sa’yo. Kapag pumayag ka, wala ka nang utang, babayaran pa kita ng limang libo,” pangungumbinsi nito sabay kindat sa ale.
“Naku, kahit anong gawin mo, hindi ako papayag! Tubuan mo nang tubuan ‘yang utang ko pero hindi mo makukuha sa akin ang anak ko!” inis na sagot ng ale saka bahagyang isinara ang kanilang pintuan upang hindi makita ng lalaki ang anak niyang natutulog.
“O, sige. Hanggang bukas, kapag wala ka pang pambayad, ipapahuli na kita. Baka nakakalimutan mo, may kontrata tayo,” ‘ika nito saka umalis.
Napabuntong hininga naman ang ale sa laki ng problemang kinakaharap niya. Mangiyakngiyak siyang bumalik sa higaan katabi ng anak, niyakap niya ito at bahagyang tumulo ang kaniyang luha.
Nabaon sa pagkakautang si Aling Ema simula noong pumanaw ang kaniyang asawa. Simula kasi noon, wala nang sumuporta sa kanila ng kaniyang nag-iisang anak na labing tatlong taong gulang pa lamang.
Nangungutang siya para may maipakain at maipangbaon sa kaniyang anak. Kung may natitira pa, ginagawa niya itong puhunan sa paninda niyang banana cue.
Ngunit natigil siyang magtinda simula noong atakihin siya ng sakit niya sa tiyan, dahilan upang lalo pa siyang mangutang para sa kaniyang pampagamot. Kitang-kita niya kung paano maaapektuhan ang kaniyang anak dahil ito na ang kusang tumigil sa pag-aaral at nagsimula nang magtrabaho bilang tindera ng mga damit sa palengke.
Kapag sweldo ng anak, bahagya siyang nakakapahulog sa kaniyang pinagkakautangan. Ngunit tila sobrang laki na ng kaniyang utang at natutubuan pa ito kada hindi siya nakabayad dahilan upang mas lalo siyang lumubog dito.
May inaalok sa kaniyang paraan ang kaniyang pinag-uutangan. Ngunit ‘ika niya, “Hindi pa sira ang ulo niya para ibenta ang kaniyang anak.”
Kursonada kasi ng lalaking pinag-uutangan niya ang kaniyang anak. Hindi niya ito masisi dahil sa murang edad ng kaniyang anak, maaga itong nagdalaga at labis ang kagandahang mayroon.
Ngunit dalawang linggo lamang simula noong huling naningil ang lalaki, bigla na namang sumakit ang tiyan ng ale. Lambot na lambot na siya at tila hindi na makatayo sa sakit ng kaniyang tiyan. Naabutan siya ng kaniyang anak na namimilipit sa sakit sa sahig. Agad itong tumawag nang tulog at pagkaising niya, nasa ospital na siya.
“Anak, bakit mo ako dinala sa ospital? Wala tayong pambayad dito!” sambit niya saka inakmang tumayo mula sa pagkakahiga. Pinigilan naman siya ng kaniyang anak saka siya muling pinahiga.
“Huwag na po kayong mag-alala, mama. Sa katunayan po, bayad na lahat ng bills niyo,” nakatungong sambit nito.
“Paano mo nabayaran ‘yon? Sa katapusan pa ang sahod mo,” pang-uusisa niya.
“Ako ang nagbayad,” singit ni Edward, “Ayaw mo kasi siyang ibenta sa akin eh, siya na ang nagbenta sa sarili niya. Awang-awa na sa’yo ang anak mo,” dagdag pa nito halos hindi makapaniwala ang ale sa ginawa ng anak. Maiyak-iyak lamang siyang napabuntong hininga saka tiningnan ang humagulgol na anak.
“Babayaran kita, tigilan mo lang ang anak ko,” hikbi ng ale ngunit hindi siya pinansin ng lalaki at hinila na ang kaniyang anak. Nakatingin lang ang dalaga sa kaniya, para bang humihingi ng tulong ang munting mga mata.
Halos isang linggo bago tuluyang umigi ang pakiramdam ng ale at simula noon huling dalaw ng anak, hindi niya na ito muling nakita. Ang tanging naiwan lamang sa kaniyang silid ay isang bag na punong-puno ng dolyar.
Pinagtanong-tanong niya sa mga kapitbahay ni Edward kung nasaan ito ngunit sabi ng mga ito, matagal na itong umalis. Ang balita’y lumuwas na ng Maynila. Halos hindi makaiyak ang ale sa bigat ng nararamdaman. Hindi niya man lang malaman kung nasaan ang anak niyang nagsakrispisyo ng puri mabigyan lang siya ng maalwan na pamumuhay.
Kinabukasan, nagulat na lamang siyang may kumakatok na mga pulis sa kaniyang bahay. Dito niya nalamang kasalukuyang nasa pangangalaga ng DSWD ang kaniyang anak. Nahuli kasi ang pinagtatrabahuhan nitong bar na pagmamay-ari raw ni Edward.
Agad na sumama ang ale sa mga pulis upang masilayan ang anak. Nadatnan niyang tulala ang kaniyang anak. Payat na payat ito at halatang gamit na gamit na ang katawan nito. Mangiyakngiyak niya itong niyakap patalikod at nang malaman ng batang siya ito, nagsimula na itong humagulgol.
“Mama, hindi lang siya ang gumagamit sa akin, pati na rin yung mga manginginom doon. Gusto ko na mawala, mama. Ang dumi-dumi ko na,” hikbi nito, hinimas-himas naman ng ale ang kaniyang anak upang kumalma. Wala siyang ibang magawa kundi umiyak na lamang dahil sa sinapit ng anak.
Halos anim na buwan rin itong namalagi doon at araw-araw itong dinadalaw ng ale. Araw-araw niya ring pinapalakas ang loob ng kaniyang anak upang huwag sumuko sa buhay. Lagi niyang sinabi dito, “Tapos na ‘yon at hindi na mangyayari muli. Nakaraan na ‘yon, ang dapat mong isipin kung paano ka babangon para sa kinabukasan mo.”
Nang makalabas ito, dito na ginamit ng ale ang perang binigay sa kaniya noon upang magtayo ng negosyo at doon na sila nagsimulang umahon sa buhay.
Muli nang nakapasok sa paaralan ang dalaga habang wala nang pinagkakautangan ang ale.
Nalagay ka man sa alanganing sitwasyon, huwag kang mawalan ng pag-asa. Isipin mo kung paano ka aahon para sa iyong kinabukasan, at hindi para wakasan ang iyong buhay.