Inday TrendingInday Trending
Lalaking Nalulong Sa Sugal

Lalaking Nalulong Sa Sugal

“Daddy, may field trip po kami next week! Ang gaganda po ng mga pupuntahan naming lugar! Sa Enchanted Kingdom, tapos po ‘yong sa factory ng mga tsokolate, at marami pang iba! Sasama po ako, ‘di ba?” sabik na sabik na tanong ng sampung taong gulang na anak ni Jerry.

“Naku, Jero, magtigil-tigil ka muna sa kakaganyan mo, ha? Wala tayong pera ngayon!” sigaw ni Jerry sa kaniyang anak dahilan upang umiyak ito at marinig ng kaniyang asawa.

“Jerry naman! Bakit mo na naman sinisigawan ang bata? Field trip lang hindi mo papasamahin? Magkano lang ‘yon!” depensa nito saka niyakap ang umiiyak na anak.

“Magkano lang ‘yon? Nila-lang mo ‘yon? Aba, baka nakakalimutan mo, Delia, wala na tayong pera!” bulyaw naman ng lalaki, dahilan upang lalong manggalaiti ang kaniyang asawa.

“Hindi ko nakakalimutan, Jerry! Dahil alam ko, lahat ng pera natin, inubos mo sa sugal!” sumbat nito saka umalis kasama ng kaniyang anak na hindi pa rin tumitigil sa pag-atungal. Napaisip naman ang lalaki sa sinabi ng kaniyang asawa at napailing-iling na lamang.

Matagal nang kasal sila Jerry at Delia. Isang manager sa isang sikat na kumpanya ng mga kompyuter ang lalaki habang isang accountant naman ang kaniyang asawa noon na ngayon ay pinili na lamang magpahinga bunsod ng kaniyang karamdaman. Sa katunayan nga, marami na silang naipundar. Bahay, lupa, kotse at marami pang mararangyang mga bagay dahilan upang mas lalong mapagtibay ng dalawa ang kanilang pagsasama.

Lalong lumalim at naging isa ang dalawa simula noong dumating sa kanilang buhay ang kanilang munting anghel. Lahat ng gusto nito ay kanilang binibigay, mapa-laruan man o gadget, hindi sila nag-aalinlangang ibigay iyon upang sumaya ang bata.

Ngunit tila bumaliktad ang kanilang mundo simula noong malulong ang lalaki sa sugal. Noong una’y pumayag ang kaniyang asawa dahil nalilibang siya rito ngunit hindi nagtagal, parang hindi na magawang matapos ang araw ng lalaki nang hindi siya nakakapag-casino.

Lahat ng kanilang ari-arian ay nawala na parang bula dahil sa pagkaloko ng lalaki sa sugal. Nagawa nitong maibenta ang kanilang kotse, mga gadgets at iba nilang mga appliances na dugo’t pawis ang kanilang ipinuhunan.

Natanggal na rin sa trabaho ang lalaki dahil sa palagi na lamang itong balisa at naiinis sa kaniyang mga hinahawakang empleyado bunsod sa kaniyang pagkainis sa lagi niyang pagkatalo sa casino.

Ngunit kahit pa ganoon na ang nangyayari sa kaniya na para bang isang maling hakbang niya na lamang mawawala na ang lahat sa kaniya, hindi pa rin siya nagpatinag sa pagsusugal. Rason niya, kailangan niyang bawiin lahat ng kaniyang pera rito. Kung hindi raw siya tataya ulit, hindi siya makakabawi.

Kinabukasan, maagang ginising ng lalaki ang kaniyang asawa upang ipahanap ang titulo ng kanilang bahay.

“Ano na namang binabalak mo? Huwag mong sabihing pati ang bahay natin ibebenta mo para sa pagsusugal mo?” galit na ‘ika nito.

“Hindi ko ibebenta, isasangla ko lang. Akin na!” sagot nito sabay haltak ng mga dokumentong hawak ng asawa, “Magtiwala ka sa akin, mababawi ko lahat ng pera natin,” sambit pa nito habang sinisiguradong tamang dokumento ang hawak niya.

“Kapag ‘yan itinuloy mo, lalayasan ka na namin ni Jero!” panakot ng kaniyang asawa ngunit hindi niya pa rin ito pinansin.

Tinuloy niya pa rin ang pagsangla sa titulo ng bahay at nang makuha na niya ang pera, dali-dali siyang nagpunta sa casino. Ngunit katulad ng dati, umuwi na naman siyang talunan.

“Nakakainis! Malaki na ang pera ko noong una, eh! Napurnada pa noong huli!” sambit niya sa sarili habang binubuksan ang gate ng kanilang buhay.

Ngunit pagpasok niya sa kanilang bahay, tila walang tao rito. Nakasara ang lahat ng kanilang ilaw dahilan upang tawagin niya ang kaniyang asawa’t anak. Ngunit pagbukas niya ng ilaw, bumungad sa kaniya ang isang piraso ng papel na nalagay sa kanilang lamesita, “Tinuloy mo pa rin talagang isangla ang bahay at tila hindi ka natakot na mawala kami,” pagkabasa niya ng mga katagang yon, doon na nagsimulang lumuha ang lalaki.

Tila isang malaking bato ang tumama sa kaniyang puso’t isip nang mabasa ang mga ‘yon. Doon niya napagtantong wala na siyang ibang inisip sa buhay kundi ang makabawi sa casino, pati kaniyang pamilya, tila nakalimutan at napabayaan na niya.

Ginawa lahat ng lalaki para mahanap ang asawa’t anak. Nakita niya naman ang mga ito ngunit ayaw nang umuwi sa kaniya ng kaniyang mag-ina. ‘Ika nito, “Ibalik mo muna ang lalaking minahal ko noon babalik rin kami, hindi ikaw ‘yan, Jerry. Ibang-iba ka na.”

Tila nahamon ang lalaki sa sinabi ng kaniyang asawa dahilan upang magpursigi siyang bumangon sa buhay. Wala na siyang ibang nais ngayon kundi maibalik ang kaniyang pamilya.

Pumasok siya bilang isang call center sa isang mall. Agad naman siyang nakapasok dahil nga sa angking galing niya sa pakikipag-usap. Dahil doon, unti-unti siyang nakaipon.

Lumipas lamang ang ilang buwan, nagawa nang matubos ng lalaki ang kanilang titulo. Na-promote na rin kasi siya bilang Team Leader dahilan upang tumaas ang kaniyang sahod.

Dali-dali niya itong pinakita sa kaniyang asawa at sa katibuhang palad, sumama na ito muli sa kaniya.

Ginamit ng kaniyang asawa bilang puhunan ang kaniyang naipon pang pera. Nagtayo ito ng maliit na negosyo sa tapat ng kanilang bahay na pumatok naman sa masa. Unti-unti silang tuluyang nakaahon sa kahirapan.

Labis na lamang ang pasasalamat ng lalaki dahil sa muli, unti-unti nang bumabalik sa dati ang kanilang buhay. Bukod sa unti-unti na silang muling nakakapundar ng gamit, buo pa ang kanilang pamilya. Nangako na rin siya sa kaniyang asawa na hindi na muling susubok magsugal, kundi, iipunin na niya ang kaniyang mga pera para sa kinabukasan ng kanilang anak.

Isa talaga sa mahirap iwasan ang sugal lalo na kung nalulong ka na rito. Nawa maisip nating marami pang ibang bagay na dapat pagtuunan ng ating salapi natin kaysa sa sugal na makakapagpadala pa sa atin sa hukay.

Advertisement