“Susan, dalawang taon na lamang at kwarenta ka na. Mapaglilipasan ka na ng panahon. Bakit ba ayaw mo pang mag-asawa?” wika ni Aling Tansing, nanay ni Susan.
“’Nay, hindi n’yo naman pwedeng ipilit ang mga ganiyang bagay. Hindi ko naman puwedeng sabihin sa mga kalalakihan na pakasalan nila ako,” tugon ni Susan.
“Hindi mo naman pwedeng sabihin na walang nanliligaw sa’yo, Susan. Halos lahat na lang sila ay pinagtatabuyan mo. Baka mamaya ay sa kapipili mong iyan ay tumanda kang dalaga,” sambit pa ng ina. “Bakit hindi mo na lang kasi aminin na hanggang ngayon ay hinihintay mo pa ring magbalik ‘yang una mong nobyo. Anim na taon ka nang naghihintay, Susan. Naniniwala ka pa rin ba sa pangako niyang babalik siya?” yamot ng ina.
Matindi ang pag-ibig ni Susan sa kaniyang dating kasintahan. Unang pag-ibig niya kasi si Ronnie. Sa loob ng apat na taon nilang relasyon ay bigla na lamang umalis ang lalaki upang magtrabaho sa ibang bansa. Ngunit nang makarating ito sa ibang bansa ay unti-unti nang nawalan ng komunikasyon ang dalaga sa kasintahan. Ngunit dahil sa pangako nitong babalik siya ay kumakapit pa rin ang dalaga na isang araw ay magbabalik ito.
Maraming manliligaw si Susan. Ang iba pa rito ay may kaya sa buhay. Upang itaboy ang mga ito ay nagsusungit si Susan at ipinamumukha niya sa mga ito na hindi siya interesado. Ngunit napapaisip na rin si Susan dahil sa pangungulit ng kaniyang ina. Nais pa naman niyang magkaroon ng anak. Malaki ang takot niya na kung siya ay aabutan na ng kwarenta ay baka mahirapan na itong mabuntis.
Lingid sa kaalaman ng ina ay nagtungo si Susan sa isang manghuhula upang malaman ang kaniyang kapalaran.
“Ano ang nais mong malaman?” tanong ng manghuhula.
“Nais ko pong malaman kung makakapag-asawa pa ako?” tanong ni Susan.
Pinapili ng baraha ng manghuhula si Susan. Agad niya itong iniabot sa manghuhula at saka binigyan ng kahulugan ng manghuhula ang kaniyang mga napiling baraha.
“Ang nakikita ko sa iyong kapalaran ay makakapag-asawa ka pa. Ilang araw bago ka magkuwarenta ay darating ang lalaking para sa iyo. Ang kailangan mo lamang ay matuto kang buksan ang iyong sarili sa iba,” wika ng manghuhula.
Dito napaisip si Susan. Marahil tama nga ang kaniyang ina na hindi na babalik pang muli si Ronnie. Sa kaniyang pag-uwi mula sa pakikipag-usap sa manghuhula ay nakapag desisyon si Susan na ito na ang tamang panahon upang buksan niya ang kaniyang sarili sa iba.
Kinabukasan ay nagbago ang lahat kay Susan. Maaliwalas ang mukha nito at nagbalik na siya sa pagiging masiyahin. Naging malapit siya muli sa mga tao.
Ilang buwan ang nakalipas ay nakilala niya ang isang inhinyerong si Melchor. Malaki ang gusto nito kay Susan noon pa man ngunit dahil sa paghihintay ng dalaga sa una niyang kasintahan ay hindi niya ito pinapansin.
“Gusto ko sanang ligawan kang muli, Susan,” wika ni Alberto. “Handa akong ibigay ang kaligayahang inaasam mo sa buhay. Pangako ko sa’yo na hinding-hindi kita iiwan at sasaktan,” dagdag pa nito.
Pinatunayan ni Alberto ang kaniyang pag-ibig kay Susan. Dahil sa ipinakita ni Alberto ay unti-unting nahulog ang loob ni Susan sa kaniya. Naisip ng babae na baka itong si Alberto na nga ang tinutukoy ng manghuhula.
Sinagot niya si Alberto at makalipas ang limang buwan ay tuluyan na silang nagpakasal. Tinupad ni Alberto ang kaniyang pangako at binigyan niya ng magandang buhay si Susan. Hindi naglaon ay nabuntis din si Susan sa kanilang unang anak.
“Napakagandang regalo nito para sa aking ika-apatnapung kaarawan, mahal. Ang akala ko kasi ay dahil sa edad ko ay hindi na ako magkakaanak pa,” nagagalak na wika ni Susan.
“Mag-ayos ka na at pupunta na tayo sa doktor upang makapagpatingin ka,” sambit ni Alberto sa asawa.
Habang nag-aayos is Susan ay may natanggap siyang tawag mula sa kaniyang ina.
“Susan, nasaan ka ngayon?” tanong ng kaniyang ina sa kabilang linya ng kaniyang selpon.
“Narito po ako sa bahay, ‘nay. Paalis kami ni Alberto ngayon para makapagpacheck-up. Bakit po? May nangyari ba?” pagtataka ni Susan.
“May pumarito at gusto kang makausap. Nangungulit at hindi daw siya aalis hanggang hindi ka nakakausap, eh. Patawarin mo ako, Susan,” sambit ng ina.
Laking pagtataka ni Susan sa sinabi ng kaniyang ina.
Maya-maya pa ay isang pamilyar na tinig ang kaniyang narinig sa kabilang linya.
“Susan,” wika ni Ronnie. “Narito na ako. Patawarin mo ako kung natagalan ako. Pero narito na ako ngayon,” sambit niya kay Susan.
“K- kay tagal kitang hinintay, Ronnie. Bakit ngayon ka lang?” nangangatog na wika ng ginang.
“Nakulong ako sa Saudi. Patawarin mo ako kung hindi ko nasabi sa’yo. Hindi ko kasi alam kung paano matatanggap ng pamilya ko ang sinapit ko,” paliwanag ni Ronnie.
“Ngunit kasal na ako, Ronnie. Magkakaanak na rin kami,” nanlulumong sagot ni Susan.
“Hindi kita masisisi, Susan. Gusto ko lang malaman mo na hanggang ngayon ay mahal pa rin kita. Patawarin mo ako kung nahuli na ako ng dating,” saad ng ginoo.
Napaiyak na lamang si Susan sa pangyayari. Naisip niya ang sinabi sa kaniya ng manghuhula na ilang araw bago siya magkuwarenta ay darating ang lalaking nakatakda para sa kaniya.
“Konti na lamang ang hihintayin ko at sana si Ronnie na ang nakatuluyan ko. Bakit kasi nagmadali ako,” naiiyak niyang sambit sa sarili.
Nang bumaba siya mula sa silid ay nakita niya ang kaniyang asawa na abala sa pag-aasikaso ng kanilang mga gamit. Nakita niya kung paanong ibinubuhos ni Alberto ang kaniyang panahon upang ipakita sa kaniyang misis ang kaniyang pagmamahal. Sa puntong ito, naibsan ang nararamdamang lungkot ni Susan.
Napagtanto niya na tama ang kaniyang naging desisyon na piliin si Alberto sapagkat labis ang pagmamahal na ibinibigay nito sa kaniya.
“Nakahanda ka na ba, mahal?” tanong ni Alberto. “Pinagbaunan kita ng ekstrang unan sa kotse para maging kumportable ka,” dagdag pa ng mister.
“Oo handa na ako. Tara na at nasasabik na akong malaman ang kalagayan namin ng ating anak,” wika ng ginang.
Inalalayan siya ni Alberto palabas ng bahay at papasok ng kotse. Hindi maialis ni Susan ang kaniyang tingin at hawak sa kaniyang kabiyak.
“Mahal kita. Salamat sa pagmamahal mo sa akin,” wika ni Susan.
Sa bandang huli ay si Alberto pa rin ang kaniyang pinili. Marahil ang lungkot na naramdaman niya noong nakausap niya si Ronnie ay panghihinayang lamang sa taon na nasayang sa kaniyang paghihintay. Ngunit napagtanto pa rin ni Susan na mas masaya ang kaniyang damdamin sa piling ng kabiyak.
Napagtanto niya na kahit ano pa ang sabihin ng manghuhula tungkol sa kaniyang hinaharap ay siya pa rin ang gagawa ng kaniyang kapalaran. At masaya siya sa kaniyang napiling landas.