“Annie, may naaamoy ka ba?” sambit ni Marion sa kaniyang matalik na kaibigan habang nakaupo sa pasilyo ng paaralan malapit sa kanilang silid.
“Oo, Annie. Biglang nagbago ang amoy ng hangin parang naging amoy dumi ng tao!” natatawang tugon ng kaibigan. “Kanina naman ay wala ‘yon, ‘di ba? Bakit ngayon parang papalapit na ng papalapit ang mabahong amoy?” dagdag pa ng dalaga.
“Ay kaya naman pala, eh! Narito na si Buboy baho!” sambit ni Annie sabay tawanan nilang dalawang magkaibigan.
Nasa hayskul na ang mga kabataang ito. Laging tampulan ng tukso si Buboy sa kanilang paaralan sapagkat hindi kaaya-aya ang amoy nito sa tuwing papasok siya sa paaralan. Madalas pang madumi ang kaniyang damit. Wala siyang tamang uniporme at ang tanging sapin lamang niya sa kaniyang paa ay ang mga pudpod niyang tsinelas.
“Hoy, Buboy baho, pwede ba maligo ka naman?! Naaalibadbaran kami sa itsura mo!” sigaw ni Marion sa binata.
“Kaya nga, ‘no! Wala bang tubig sa lugar ninyo at hindi ka marunong maligo?” kantiyaw pa ni Annie kay Buboy.
“Ni hindi mo pa nga pinapalitan ang pantalon mo. Sinadya kong sulatan ang pantalon mo kahapon para malaman ko kung inuulit mo at hindi nga ako nagkamali. Siguro, iisa lang ang pang-ibaba mong pamasok ‘no?” walang tigil sa pang-iinis si Marion sa binata.
Napayuko si Buboy at napatingin sakaniyang pantalon. Nakita niya ang sulat na ginawa ni Marion.
“Mayaman ka kasi Marion kaya walang halaga sa iyo ang mga ganitong bagay. Hindi ko alam kung naiinggit ba kayo sa akin kaya ayaw ninyo akong tigilan,” wika ng binata.
Napahiya naman si Marion sa sinabi ni Buboy. “Ako naiinggit sa’yo? Nagpapatawa ka ba?” sambit ng dalaga.
Ngunit hindi na sumagot pa si Buboy at nagpatuloy na lamang siya sa paglalakad at pumasok sa kanilang silid-aralan. Umupo si Buboy sa likuran sapagkat alam niyang siya na naman ang gagawing katatawanan ng kaniyang mga kaklase.
Hindi lamang sa mapangmatang kaklase nakatatanggap ng panghahamak si Buboy. Maging sa mga magulang din ng mga kamag-aral niya ay hindi siya nakakaiwas. Isang araw habang palabas ng paaralan ay nakita siya ng isang magulang.
“Hindi ba kakalase mo iyon?” wika ng isang ginag sa kaniyang anak. Tumango ang binata. “Huwag kang makalapit-lapit sa batang iyan. Sa tingin ko ay galing siya sa isang hindi magandang pamilya. Baka mamaya ay kung ano pa ang ituro niyan sa iyo. Parang gumagamit siya ng ipinagbabawal na gamot,” dagdag pa ng ginang sa anak.
Ang iba naman ay pinapaiwas ang kanilang mga anak sapagkat baka mahawahan daw sila ng binata ng galis at kuto. O baka mamaya ay pagnakawan sila.
Hindi na bago ang mga panghuhusgang ito sa binata. Kahit na nasasaktan siya ay hindi naman siya makapagsalita sapagkat alam niyang wala siyang laban sa mga ito. Hindi na lamang ito iniinda ng binata sapagkat ang tanging nais lamang niya ay makapagtapos ng pag-aaral.
Isang araw ay nasa mall ang magkaibigang sina Annie at Marion upang mamili ng mga damit. Sa kanilang pag-uwi ay nakita nila ang binatang si Buboy. Dahil sa pagkapahiya na nagawa sa kaniya ni Buboy ay nais na naman niyang gumati.
“Gusto kong kuhaan ng larawan si Buboy, Annie, para lalo siyang mapahiya sa klase. Tara, sundan natin!” aya ni Marion sa kaibigan.
Nakita nila si Buboy na namumulot ng mga basura. Kumakatok rin ito sa mga bahay upang manghingi ng mga kalakal. Kinuhaan ni Marion ang binata upang ipakita sa klase na isang basurero pala itong si Buboy. Patuloy nilang sinundan si Buboy hanggang sa makauwi ito.
Malapit sa tambakan ng basura nakatirik ang barong-barong ng binata.
“Sabi ko na sa’yo, napakahirap ng buhay niyang si Buboy. Wala nga silang tubig kaya hindi siya nakakaligo!” natatawang wika ni Marion.
Tinawag nila si Buboy upang mapahiya ito.
“Buboy! Kaya pala ang baho mo ay dito ka sa tamabakan ng basura nakatira. O hindi ba, amoy dumi ka nga tao, hindi ako nagkamali,” wika ng dalaga.
“Anong ginagawa ninyo rito?” sambit ni Buboy.
“Wala naman, gusto ko lang ipamukha sa’yo kung gaano ka kadumi at kababa sapagkat dito ka nakatira sa basurahan,” pagtataray ni Marion.
“Masaya ka na ba, Marion? Oo, dito nga ako nakatira sa basurahan. Hindi ko maintindihan kung bakit kailangang magtungo ka pa rito para lang matahin ang pagkatao ko. Ganoon ba katimbang ang pagkatao ko sa’yo?” sambit ni Buboy sa dalaga.
“Ngayong napatunayan mo na ang kahirapan ko at naipamukha mo na sa akin ang estado ng buhay namin, puwede na kayong umalis. Huwag kayong mag-eskandalo dito sapagkat ayaw kong maistorbo ang aking ina,” wika niya.
Nagpumilit pumasok sina Annie at Marion sa maliit na bahay ng binata at nakita nila ang nakaratay na ginang.
“Parang-awa niyo na, huwag kayo dito mag-eskandalo. Katutulog lang ng nanay ko. Kailangan niya ng pahinga,” paliwanag ni Buboy.
Napigilan naman ang dalawa sa kanilang ginagawa.
“A- ano ang sakit ng nanay mo, Buboy?” tanong ni Annie.
“Mahina ang baga niya. Hindi ko naman siya maipagamot sapagkat kulang ang kinikita ko sa pamamasura at pagkuha ng mga kalakal. Kaya ganoon na lamang ang pagnanais kong makatapos sapagkat kung may pinag-aralan ako ay makakakuha ako ng magandang trabaho at maiaalis ko na ang aking ina rito,” paliwanag ng binata.
“Naliligo ako araw-araw, Marion. Maaga akong gumigising sapagkat bago ako pumasok ay nangunguha muna ako ng mga kalakal upang maibenta upang sa aking paguwi sa hapon ay may kakainin kami ng aking ina. Hindi ko ito masabi sa klase sapagkat lagi ninyo na lamang akong pinagtatawanan,” dagdag pa ni Buboy.
Naawa sina Annie at Marion sa kalagayan ni Buboy. Nagsisisi sila sa panghuhusgang ginawa nila sa binata. Hindi nila akalain na ang tanging nais lamang pala nito ay pagsabayin ang pagahahanap-buhay at ang kaniyang pag-aaral.
“Imposible na kasi sa akin ang makapagkolehiyo kaya iginagapang ko na makatapos man lamang ako ng hayskul nang sa gayon ay kahit paano’y may pinag-aralan naman ako,” sambit pa ni Buboy.
“Patawarin mo kami, Buboy. Hindi ko alam na ganito pala ang iyong sitwasyon. Madali sa aming husgahan ka. Ang totoo pala ay higit pa ang kakayahan mo kaysa sa amin,” wika ni Marion. “Sana ay mapatawad mo kami,” dagdag naman ni Annie.
Upang makabawi ay binilhan ni Marion ng isang pares ng pantalon ang binata. Si Annie naman ay ibinigay ang lumang sapatos ng kaniyang kuya kay Buboy upang may magamit ito. Sinabi ng dalawa sa klase ang sitwasyon ni Buboy. Hiningi nila ang tulong ng iba pa nilang kamag-aral na araw-araw ay magdala ng kalakal sa eskwelahan upang ibigay sa binata. Ang iba ay nagdadala pa ng ekstrang pagkain para sa binata at sa kaniyang ina.
Naging maganda na rin ang kanilang pagtrato sa binata. Naging magkaibigan na sina Annie, Marion at Buboy. Hindi na nila ito kinukutya pa. Dahil sa pagtutulungan na ito ng magkakaklase ay nakarating sa pamunuan ng eskwelahan ang kanilang ginagawa at nagbigay rin ito ng tulong sa binata. Tinulungan nila ring ilapit sa mga nanunungkulan ang ina nito upang maipagamot.
Unti-unting natupad ni Buboy ang kaniyang pangarap na maipagamot ang ina at makatapos ng pag-aaral sa hayskul. Dahil sa galing ay nabigyan siya ng iskolarsyip sa kolehiyo.
Laking pasasalamat ni Buboy sa lahat ng tumulong sa kaniya lalo na sa dalawang magkaibigan na sina Annie at Marion na nagsimula ng lahat.