Inday TrendingInday Trending
Ang Mga Sapatos ni Mang Pidyong

Ang Mga Sapatos ni Mang Pidyong

“Mang Pidyong!” tawag ni Utoy, siyam na taong gulang sa matandang lalaki sa kanilang lugar. “Mang Pidyong, nariyan po ba kayo?” muling sambit ng bata. Nang hindi sumasagot ang matanda at nakita ni Utoy ang bahagyang nakabukas na pinto ay hindi na ito nagdalawang isip pa na pumasok sa bahay ni Mang Pidyong.

Nakita niya ang matanda na natutulog sa kaniyang papag habang tangan ang isang sapatos. Ang kaparehas naman ng sapatos ay nasa ibaba. Nang nakita ito ni Utoy ay adyang pupulutin, biglang nagising si Mang Pidyong.

“Akin na ‘yan! Huwag mong galawin ang sapatos na ‘yan! Ano ba ang ginagawa mo rito bata ka?” galit na wika ng matanda.

“Nakita ko lang po na nasa ibaba. Nakatulugan ninyo na po ata ang paglilinis kaya pupulutin ko sana,” magalang na tugon ni Utoy.

“Pero ano nga ang ginagawa mo rito sa bahay ko? Hindi ka ba tinuruan ng magulang mo na huwag kang basta papasok sa tahanan ng iba kung hindi ka naman pinapatuloy. Masama ‘yang ginagawa mo, bata!” muling sigaw ng matanda.

“Gusto ko lang naman pong itanong sa inyo kung magpapalista po kayo para sa mga kukuha ng rasyon bukas. May darating daw pong mga social workers dito sa makalawa kaya nagtatala na po sila ng mga bibigyan ngayon,” saad ng bata.

“Wala akong pakialam sa mga ‘yan. Kung bukal talaga sa kalooban nila ang pagbibigay bakit kailangan magpatala pa?! Napakalaking kalokohan! O siya, ayan na ang sagot ko kaya lumayas ka na rito sa pamamahay ko!” mariing sambit ng matanda.

Pawang mga iskwater sina Mang Pidyong at Utoy. Nakatirik ang kanilang mga bahay malapit sa isang sementeryo na pagmamay-ari ng isang mayamang pamilya. Dahil katatapos lamang ng bagyo ay marami ang nasalanta sa kanila.

Mag-isang nakatira si Mang Pidyong sa kaniyang pinagtagpi-tagping tahanan. Madalang kung makipag-usap ang matanda sa kahit sino kaya walang may alam kung paanong napadpad sa lugar ang matanda. Ngunit lahat ay lubusang nagtataka sapagkat madalas nilang makita ang matanda na nililinis o hindi naman kaya tangan ng matanda ang mga sapatos.

Si Utoy naman ay kasama ang kaniyang ina. Namayapa na kasi ang kaniyang ama. Madalas mong makikita sa kanilang lugar si Utoy na pagala-gala at nakikipaglaro sa kaniyang mga kaibigan.

Isang gabi ay nakita ni Mang Pidyong si Utoy na nasa malapit na sapa. Nagsiuwian na ang mga kalaro nito ngunit hindi pa rin umuuwi sa kanila si Utoy. Hindi napigilan ni Mang Pidyong na lapitan ang bata.

“Bakit ka nariyan? Umuwi ka na sa inyo at baka kanina ka pa hinahanap ng nanay mo! Hindi ugali ng mabait na bata ang ganiyan. Noong araw kapag hindi na namin makita ang aming mga balahibo ay umuuwi na kami agad kung hindi ay ibibitin kami patiwarik ng aming mga magulang,” wika ni Mang Pidyong.

Tumingin lamang sa kaniya si Utoy. Nang mapagmasdan niya ang bata ay laking gulat niyang puro ito pasa sa mukha at katawan.

“Anong nangyari sa iyo? Napaaway ka ba?” pag-aalala ng matanda.

“Hindi po, Mang Pidyong. Ginulpi na naman po ako ng nanay ko, kaya hindi po ako makauwi. Ang sabi niya po sa akin ay huwag na akong umuwi sa amin kundi makakatikim na naman ako ng bugbog,” sambit ng bata habang lumuluha. “Hindi ko po maintindihan si nanay. Lagi na lamang po siya ganiyan sa akin,” dagdag pa ng bata.

“Siguro ay hindi ka kasi masunuring bata kaya ka nagugulpi. Wala kang inatupag kundi ang laro,” wika ng matanda.

“Hindi po, Mang Pidyong. Sa katunayan po ay ako pa po ang naghahanapbuhay sa amin. Tuwing nangangalakal po ako ay ibinibigay ko pong lahat sa nanay ko. Umeekstra rin po akong boy sa may pasugalan malapit dito lahat po ng kinikita ko ay iniaabot ko sa kaniya. Ngunit pinang-iinom lamang niya lahat ng iyon,” malungkot niyang tugon.

“Simula po nang yumao ang ama ko ay nagbago na ang aking ina. Sinisisi niya po ako sa pagkawala ni tatay. Iniligtas po kasi ako ni tatay nang mahulog ako sa sapa na ito ngunit inatake siya sa puso at tuluyan nang sumakabilang buhay. Hindi ko naman po sinasadya na mahulog, Mang Pidyong. Kung puwede nga lang po ay ibalik ko ang buhay ni tatay at ako na lamang ang nasawi,” saad pa ni Utoy.

Dahil sa kwento ni Utoy ay napagdesisyunan ni Mang Pidyong na pansamantalang patuluyin ang bata sa kaniyang bahay. Naging maayos naman ang pagtrato ng matanda kay Utoy kahit na hindi maiiwasan ang pagiging masungit nito.

“Maaari kang dumito muna sa bahay ko sa isang kondisyon. Wala kang gagalawin sa kahit anong gamit ko. Lalo na ang mga sapatos na iyon,” wika ng matanda. Pumayag naman si Utoy ngunit hindi pa rin niya alam kung bakit lubusang mahalaga ang mga ito sa matanda.

Nang mayroon siyang pagkakataon na matitigan at mahawakan ang mga ito ay ikinagulat niyang hindi pa nagagamit ang mga sapatos. Imposible naman na kay Mang Pidyong ito sapagkat maliit lamang ang mga sapatos. Dahil sa pagkamangha ay isinukat ni Utoy ang mga sapatos at nagkasya sa kaniya. Ngunit nahuli siya ni Mang Pidyong.

“Hindi ba mariing sinabi ko sa iyo na huwag mong gagalawin ang mga sapatos na iyan! Hubarin mo ang mga ‘yan at lumayas ka dito sa bahay ko! Pinagkatiwalaan kita tapos ganito pa ang igaganti mo!” halos mapatid ang litid ni Mang Pidyong sa galit.

“Bakit ho ba napakahalaga ng sapatos na ito sa inyo? Kanino ho ba ang mga ito?” tanong naman ni Utoy.

“Wala kang pakialam, bata! Alis!” sigaw ng matanda sabay hablot sa mga paa ni Utoy upang hubarin ang mga sapatos.

Hindi sinasadyang napaupo ang bata at nasaktan. “Mang Pidyong tama na po, huhubarin ko na po ang mga sapatos. Patawad po. Nasasaktan na po ako,” takot na takot na pagmamakaawa ni Utoy. Sa puntong ito ay natauhan si Mang Pidyong.

“Patawarin mo ako, Utoy. Hindi ko sinasadya, nag-init lamang ang aking ulo. Sige na at hubarin mo na ang mga iyan,” pakiusap ng matanda.

Agad hinubad ito ni Utoy at humingi ng tawad kay Mang Pidyong.

“Sa anak ko ang mga iyan,” sambit ni Mang Pidyong. Nagulat naman si Utoy. “May anak po pala kayo?” wika nito. Tumango naman ang matanda.

“Dati ay malapit sa isang tambakan ng basura kami nakatira ng anak ko. Iniwan na kasi kami ng nanay niya at sumama sa iba. Palaging hinihiling ng aking anak na uwian ko siya ng bagong sapatos sapagkat tinutukso raw siya sa kanilang eskwelahan dahil lagi siyang naka-tsinelas lamang. Hindi ko siya mabilhan sapagkat noong panahon na iyon ay may iniinom akong mga gamot para sa aking karamdaman,” pahayag ni Mang Pidyong.

“Isang araw ay nakatipon ako ng sapat na pera upang makabili ng sapatos nagusto niya. Masaya akong umuwi at ibigay ang mga sapatos ngunit laking gulat ko na pinagkakaguluhan na lamang siya sa tambakan. Isang bulldozer pala ang nakaaksidente sa kaniya. Ang hindi ko alam ay palihim palang naghahakot ng kalakal ang aking anak sa may tambakan upang ibenta upang mabilhan ako ng gamot. Halos gumuho ang mundo ko,” dagdag pa ng matanda.

“Alam ko na hindi magandang magpalaki ng bata sa isang tambakan ng basura sapagkat delikado. Ngunit wala na kaming mapupuntahan. Dahil ayaw ko nang maalala ang mapait na pangyayaring iyon ay nilisan ko ang tambakan at napadpad ako rito. Kasing edad mo ang anak ko nang mangyari ang aksidente dalawampung taon na ang nakalilipas. Matagal na ngunit sariwa pa rin sa akin ang lahat,” hindi na napigilan pa ni Mang Pidyong ang maiyak.

Nahabag ang bata sa kaniyang narinig na nakaraan ng matanda. Ang akala lamang nila ay masungit lamang ito sapagkat masama ang kaniyang ugali. Ang hindi nila alam ay may lungkot palang tinatago ang matanda.

“Sa tingin ko po, Mang Pidyong, ay kailangan ninyo na pong palayain ang sarili ninyo. Napakatagal na po nang mangyari iyon. Sigurado po ako na hindi ito ang nais ng anak ninyo na makita sa inyo,” sambit ni Utoy. “Wala po kayong kasalanan sa mga nangyari,” dagdag pa ng bata.

Lumuwag ang lahat ng bigat na nararamdaman ni Mang Pidyong. Tila natauhan siya sa mga sinabi ng bata. Sa tagal nang bitbit niya ang mabigat niyang dalahin ay ngayon lamang siya nailabas ang lahat ng kaniyang saloobin.

“Mahal kayo ng anak ninyo at hindi niya hahayaan na mabuhay kayo sa kalungkutan. Kung mahal ninyo siya ay tingin ko po kailangan ninyo ding mapatawad ang inyong sarili,” muling sambit ni Utoy.

Tila nakahanap si Mang Pidyong ng kaibigan sa katauhan ng batang si Utoy. Ito ang mga katagang dapat ay matagal na niyang narinig. Niyakap niya si Utoy at siya ay napagsalamat sapagkat natauhan siya na palayain na ang alaala ng kaniyang anak.

“Sa tingin ko ay nararapat na gamitin mo ito. Sa loob ng dalawampung taon ay itinago ko ito at inalagaan. Hindi ko aakalain na tuluyan pa itong magagamit ng isang bata. Ang akala ko ay habang buhay na itong hindi malalapatan ng mga paa at magiging dekorasyon lamang at paalala ng malungkot na kahapon,” wika ng matanda.

“Maraming salamat sa’yo, Utoy. Dahil sa mga sinabi mo ay nabuksan ang isip ko. Hindiko malilimutan ang araw na ito,” sambit ni Mang Pidyong.

Simula noon ay naging malapit na ang dalawa sa isa’t-isa. Sa tuwing may problema si Utoy ay si Mang Pidyong ang naging takbuhan nito. Malugod naman siyang tinutulungan ng matanda. Si Mang Pidyong naman ay nakihalubilo na sa kaniyang mga kapitbahay. Naging bukas na rin ang matanda sa ibang mga tao sa paligid. Dahil dito ay naibsan ng tuluyan ang pangungulila niya sa kaniyang anak. Natupad naman sa pamamagitan ni Utoy ang matagal na hindi naranasan ng matanda – ang maging isang ama.

Advertisement