Inday TrendingInday Trending
Sikret!

Sikret!

Invisible. ‘Yan si Marie. Hindi siya literal na hindi nakikita ng tao. Nakikita siya, pero hindi siya pinapansin, ‘yun bang para siyang hangin na dinadaan-daanan lang.

Hindi kasi siya maganda. Hindi naman siya pangit. Siya yung tinatawag ng karamihan na “sakto lang.” Kahit ang pangalan niya ang napaka-ordinaryo. Marie.

Dahil dito, masyadong mababa ang kumpiyansa niya sa sarili.

“Hoy!” napapitlag si Marie sa malakas na boses na tumawag sa kanya.

“Nakakainis ka talaga, napakahilig mo manggulat!” mahinhing sabi ni Marie sa kaibigang si Samantha.

“Bakit kasi nakayuko ka maglakad?” natatawang kumapit sa kanyang braso ang kaibigan.

“Nasanay na ako e,” sagot niya sa kaibigan.

“E ‘di sanayin mo rin ang sarili mo na nakataas noo pag naglalakad,” suhestiyon ng kaibigan.

Napatitig siya sa kaibigan. Hindi kagaya niya, si Sam ay kilala sa kanilang eskwelahan. Napakaganda kasi nito. Hindi lang iyon, matalino din ito at maraming talento. Higit sa lahat, napakabait nito.

Iniisip nga ni Marie na kung hindi niya kilala si Sam simula pagkabata, baka walang tiyansa na maging kaibigan niya ito sa sobrang layo ng agwat nila.

At kung hindi niya nga lang kilalang-kilala si Sam, iisipin niya na pinili siya nitong maging kaibigan dahil kapag sila ang magkasama palagi, mas mamumukod-tangi ito. Pero alam niyang hindi ganoon ang kaibigan.

Kaya naman masuwerte siyang maging matalik na kaibigan ito. At pinangako niya sa sarili na susuportahan niya ito sa lahat ng bagay na gusto nitong gawin.

Naglalakad sila papuntang canteen nang masalubong nila ang unang lalaking nagpatibok ng kanyang puso – si Gene.

“Sam!” Ngumiti ito ng matamis sa kanyang kaibigan – na malapit ding kaibigan nito.

“Gene! Musta?” kaswal na tanong ng kanyang kaibigan dito.

“Ayos lang!” kaswal ding sagot nito.

Dahil sadyang mabait si Gene kahit na sikat din ito kagaya ni Sam, bahagya itong lumingon at ngumiti nang tipid kay Marie.

“Hello, Marie,” pagbati nito.

“Hi, Gene,” mahina ang tinig na sagot naman ni Marie.

Dahil nga magkaibigan sina Sam at Gene, kilala niya rin ang binata kahit papaano.

Naalala niya nang unang beses na magkakilala sila ni Gene.

Naglalakad sila pauwi ni Sam. Maya-maya ay may sumabay na isang lalaki sa paglalakad nila ng kaibigan. Si Marie ang unang nakapansin sa lalaki dahil busy sa pagdaldal ang kanyang kaibigan.

Minasdan ito ni Marie. Gwapo ang lalaki. Makapal ang kilay nito na bumagay sa bilugan nitong mata at mahahabang pilik mata.

“Gene?”

“Uy, Sam, ikaw pala ‘yan?” nakangiting bati ng lalaki sa kanyang kaibigan.

“Kaibigan mo?” tukoy nito sa kanya nang mapansing nakakapit sa kanya si Sam.

“Oo, si Marie, bestfriend ko,” pakilala ni Sam sa kanya. “Marie, si Gene, kaklase ko.”

“Hello, Marie, nice to meet you!” may malaking ngiti sa labi nang tumingin sa kanyang mga mata.

“Hi, nice to meet you rin,” sinuklian niya ito ng ngiti.

Hindi niya naman nagustuhan si Gene dahil sa gwapo nitong mukha. Nagustuhan niya ito dahil kagaya ni Sam, pag nakikita siya ni Gene ay lagi itong nakangiti sa kanya. Mabait ito sa kahit na sino.

Hindi siya invisible para rito.

Pero hindi niya kinakalimutan ang reyalidad. Alam niyang ang gwapo ay para lamang sa maganda. At hindi siya pasok sa kategoryang iyon.

Nagbalik sa kasalukuyan si Marie nang bahagyang natawa si Sam. Makahulugan naman itong sinulyapan ni Gene.

“Bakit?” tanong niya sa kaibigan.

“Wala, naalala ko lang yung kaibigan ko na pipi,” natatawang sabi ni Sam.

“Ha? May kaibigan kang pipi? Sino? Parang ‘di ko kilala?” takang tanong ni Marie sa kaibigan.

“Nako, mayroon. Hindi lang isa, dalawa!” tawang-tawa pa rin ito.

”Ah, sige mauna na ako ha,” paalam ni Gene.

Bumaling ang lalaki sa kanya. “Marie, ikaw na munang bahala sa kaibigan mo, mukhang sinusumpong na naman ng pagkabaliw niya,” biro pa ng lalaki bago ito umalis. Lalo namang lumakas ang tawa ni Sam.

“Pikon!” tatawa-tawang sabi ng kaibigan.

“Ano ‘yon? Bakit tawang-tawa ka? Saka sinong pikon?” usisa niya nang makalayo si Gene.

“Wala yun, secret! Tara na nga,” yaya ng kaibigan

Close na close pala talaga si Gene at Sam. Yun ang nasa isip niya hanggang sa matapos ang kanilang klase.

Saka parang iba yung tingin ni Gene kay Sam eh. Yun pa din ang laman ng isip ni Marie habang naglalakad palabas ng eskwelahan.

Wala si Sam dahil may aasikasuhin daw itong project.

Napatigil sa paglalakad si Marie nang mamataan ang dalawang pamilyar na pigura. Si Sam at Gene. Seryosong nag-uusap ang dalawa habang nakaupo sa isa sa mga bench malapit sa soccer field.

Ayun, confirmed. May something nga sila! Hiyaw ng isip ni Marie.

Tulala si Marie nang nakauwi sa bahay. Malungkot siya dahil ang lalaking nagugustuhan niya ay gusto ang matalik niyang kaibigan. Pero masaya siya dahil alam niyang mabubuting tao ang mga ito, kaya sigurado siyang nasa mabubuting kamay ang lalaking gusto niya at ang best friend niya.

Huminga siya ng malalim at napangiti. Masaya siya para sa dalawang mahahalagang tao sa buhay niya.

Kinabukasan ay pansin na pansin ang mas maaliwalas na mukha ni Sam.

“Bakit iba yata awra mo ngayon?” kaswal na tanong niya sa kaibigan.

“Wala, masaya lang ako.” May misteryosong ngiti ito.

“May gusto ka bang sabihin sa’kin?” pasimpleng tanong ni Marie.

Tila saglit itong nag-isip. “Sa totoo lang, meron, pero gusto kong siya na ang magsabi.”

“Sino?” pagmamaang maangan niya.

“Secret!” tawa na lang nito.

“Mamaya pala, labas tayo. Biyernes naman,” maya-maya ay yaya ni Sam kaibigan.

“Sige, gusto ko din ma-relaks. Nakakapagod ang linggong ito,” pagpayag ni Marie.

Mabilis na natapos ang araw. Papunta na si Marie at Sam sa mall para manood ng sine. Daldal ng daldal si Marie ngunit nanatiling nakatututok sa cellphone ang atensiyon ni Sam.

“Alam mo, nakakainis ka. Ikaw ang nagyaya pero kanina ka pa nakatutok diyan sa cellphone mo. Sino bang ka-text mo?” taas kilay na tanong ni Marie sa kaibigan.

“Wala, sorry, may tinatanong lang kaklase ko,” iwas na sagot ni Sam.

“Sus, kaklase daw!” bulong ni Marie.

“Anong sabi mo?” tanong ni Sam.

“Wala, secret!” panggagaya niya sa kaibigan.

“Loka-loka!” at nagtawanan silang dalawa.

Nang malapit na sila sa sinehan ay nagsabi ang kaibigan na naiihi raw ito kaya siya ang pinabili nito ng ticket.

“Bilisan mo ha, magsisimula na!” paalala niya dito.

“Oo. Goodluck!” sabi nito habang kumakaway.

Magtatanong sana siya kung anong ibig sabihin nito pero nakalayo na ang kaibigan.

Nang lumipas na ang sampung minuto at wala pa si Sam ay nagsimula nang mag-alala si Marie sa kaibigan. Tatawagan niya sana ito nang may tumawag sa kanyang pangalan.

“Marie?”

Paglingon niya ay nakita niya si Gene.

“Uy! Hi!” bati niya rito.

“Mag-isa ka lang?” tanong nito.

“Hindi, kasama ko si Sam. Nag-CR lang. Ikaw lang?” ganting tanong niya rito.

“Oo.”

Maya-maya ay tumunog ang cellphone ni Marie. Tumatawag si Sam.

“Sagutin ko lang ha,” paalam niya kay Gene.

“Sorry friend, bumalik akong school. May nalimutan akong gawin eh,” sabi ng kaibigan.

“Nakakainis ka! Eh ‘di ako lang mag-isa ang manonood?” maktol niya sa kaibigan.

“Hindi, nandiyan naman si Gene,” kaswal nitong sagot.

“Paano mo nalaman?” pilit niyang panghuhuli dito.

Ngunit kagaya ng dati, “secret!” lang ang isinagot nito sa kanya at nagpaalam na.

Ano to, magpapa-good shot ba si Gene sa akin dahil best friend ko yung babaeng gusto niya? Hula ni Marie habang pumapasok sila ni Gene sa sinehan.

Hindi malaman ni Marie kung paano makikitungo sa lalaking dati niyang gusto at may gusto sa kaibigan niya.

At dahil maraming iniisip, halos hindi din pumasok sa isip ni Marie ang pelikula na pinanood. Namalayan niya na lamang na tapos na ang pelikula nang magsitayuan ang mga tao.

“Marie, hatid na kita pauwi? Gabi na din kasi,” alok ng lalaki.

“Naku, okay lang, wag na,” tanggi niya dito.

“Hindi, nagsabi din ako kay Sam na ihahatid kita,” paliwanag nito.

E yun naman pala. Ang tindi naman magpa-good shot ng isang ‘to? Sa isip isip ni Marie.

“Saka may sasabihin din kasi ako sa’yo,” sabi ng lalaki.

“Sige na nga. Tara na,” aya niya dito.

Nang naglalakad na sila papunta sa bahay, inusisa na ni Marie ang lalaki.

“Ano yung sasabihin mo, Gene?” tanong niya.

Mukha naming kinabahan ito. “A-ano… pwede bang…”

Siya na ang tumapos sa sinasabi nito.

“Ano? Manligaw kay Sam? Oo naman, boto ako,” bukal sa loob na sabi niya sa lalaki.

“Ha?” Kunot ang noong sabi nito.

“Bakit? Hindi ba ‘yon ang sasabihin mo?” takang tanong niya sa lalaki.

“Manliligaw ako, pero hindi kay Sam. Sa’yo, Marie.” Tila nagkaroon na ng lakas na loob na pag-amin nito.

Tila saglit na nabingi Marie.

“Ha?”

Natawa ang binata. “Ang sabi ko, liligawan kita,” ulit nito sa sinabi.

“Bakit ako?” wala sa sariling tanong ni Marie, nakaturo pa sa sarili. Mukhang hindi pa nito napo-proseso ang sinabi ng lalaking gusto.

“Bakit hindi ikaw?” ganting tanong ng lalaki.

Hindi nakapagsalita si Marie.

Napangiti naman si Gene. “Naalala mo ba yung unang pagkikita natin?” tanong niya kay Marie.

“Oo naman. Pinakilala ka sa’kin ni Sam,” lito pa rin si Marie sa naging takbo ng pag-uusap nila.

“Ako, ‘yon ang unang beses na nakita mo ako. Pero ako, hindi,” nakangiting sabi ng lalaki bago nagsimulang magkwento.

“Oo na, malapit na ako, patawid na. Sorry na, na-late ako ng gising eh,” sabi ng maliit na babae sa kausap nito sa cellphone.

Ibinaling ni Gene ang tingin sa stop light. Inantay niya ang pagbabago ng kulay ng ilaw mula sa pula hanggang berde.

Nang mag-berde ang ilaw ay bahagya pa siyang nabangga ng maliit na babae dahil sa pagmamadali nito. Natawa pa siya dahil sa liit ng binti nito, nakakailang hakbang na ito ay hindi pa rin ito nakalalayo.

Sa hindi malamang kadahilanan ay hindi niya maialis ang tingin niya dito.

Bahagya itong bumagal sa paglalakad nang mapatapat sa isang matandang madaming dalang bagahe.

Nagtuloy tuloy ng lakad ang babae hanggang sa malampasan nito ang matanda ngunit nakakailang hakbang pa lang ito nang bumalik ito at tulungan ang matanda sa mga bitbit nitong dalahin.

Napangiti ng malawak si Gene sa nasaksihan.

Hindi niya namalayang sinusundan niya pala ang babae. Maya-maya ay nakita niyang lumapit ito sa isang pamilyar na babae – kay Sam, isa sa mga kaklase niya.

Tinapatan niya ang dalawa sa paglalakad, at kagaya ng inaasahan niya mangyari, nakilala niya ang maliit pero mabait na babaeng bumihag ng puso niya.

“E bakit ngayon mo lang ‘to sinasabi sa’kin?” nagtatakang tanong ng babae.

Napasimangot si Gene bago sumagot. “Si Sam kasi, sabi takot ka raw sa lalaki!” parang batang sumbong nito. “Saka… gusto mo rin daw ako,” tila nahihiyang dugtong nito.

Natawa na lang si Marie sa sinabi ng lalaking gusto niya na gusto din pala siya. Sigurado siyang may dahilan ang best friend niya kaya niya sinabi yun kay Gene.

“Oo, totoo ‘yon. Gusto rin kita,” puno ng kumpiyansang sabi niya sa lalaki.

Natutuwang ginagap ng lalaki ang kanyang palad at sa ilalim ng mga nagniningning na bituin ay ang magkahawak kamay silang nagpatuloy sa paglalakad. Doon nagsimula ang kanilang matamis na pag-iibigan.

Advertisement