
Ang Hinihintay Niyang Tawag
Maingay ang paligid. Marami na namang tao, ganito talaga kapag araw ng Linggo. Marahang pinapanood ni Anya ang mga tao na nagsisiksikan.
Pista kasi ng poon ngayon kaya mas lalong marami kumpara sa normal na linggo. Hindi naman sila nakapuwesto sa harap ng simbahan ngunit bahagya silang apektado.
“Boss, ‘di ba tayo magsasara ng maaga ngayon? E mukhang wala naman tayong kostumer,” ani Butchoy.
Ang binatilyong katiwala niya sa negosyo. Isang pagawaan ng cellphone ang kanyang negosyo, minsan ay tumatanggap din sila ng iba pang ipinapaayos. Depende kung kaya nilang kumpunihin.
Tiningnan niya ito.
“Meron ‘yan! Ang aga-aga pa! At saka ano naman ang gagawin mo sa bahay niyo? Tinatamad ka na naman atang magtrabaho, ah!” akusa niya rito.
Kinamot nito bahagya ang ulo sa patutsada niya at hindi nagsalita.
“’Wag ka na magreklamo diyan, ha? Mabuti nga at sinuswelduhan pa kita. Dapat nga hindi na kasi kung tutuusin, wala ka namang ginagawa rito,” aniya.
Sanay na ito sa kanya. Hindi rin ito nagtatanim ng sama ng loob. Hindi man sila magkadugo, kapatid ang turingan nilang dalawa. Kaya kagaya ng magkapatid, palagi silang nagkakapikunan.
“Tapos ako na naman ang kagagalitan ng ‘Nay Ising dahil kinukunsinte kita.”
Sumimangot ito lalo sa pangbubuska niya. “O sige na, sige na. Ang dami mo namang sinasabi, boss.”
Umirap siya bago ito kinutusan.
“Ate mo ako, ha. Gumalang ka,” aniya.
Ngumisi ito para mang-asar. “Boss kita kaya ginagalang kita. ‘Di kita nanay pero parang ganun na nga kasi lagi mo kong pinapagalitan.”
Piningot niya ang tenga nito. Alam naman niyang binibiro lamang siya nito pero minsan hindi niya maiwasan na seryosohin ang lahat.
Si Anya kasi ay matagal nang hindi kapiling ang ina. Nagkahiwalay sila noong bata pa siya. Nang magdesisyon ang kanyang mga magulang para maghiwalay, nagpunta sa ibang bansa ang kanyang ina para magtrabaho.
Iniwan siya nito sa isa nitong kapatid. Mabait lamang ito sa tuwing magpapadala ang kanyang ina, kapag walang pera ay pinaglilinis siya nito, pinaglalaba at kung ano ano pa.
Higit sa lahat, sinasaktan siya nito ng pisikal at maraming masasakit na salita ang sinasabi. Nang hindi niya iyon makayanan ay tumakas siya.
Naging palaboy bago napadpad kay ‘Nay Ising, ang nanay ni Butchoy. Inampon siya nito kahit na hirap sa buhay kaya malaki ang utang na loob niya rito.
Ayaw niyang maging pabigat kaya naman naghanap siya ng mga trabaho, kabi-kabila. Hanggang sa naipundar itong maliit niyang negosyo.
“Ikaw talaga! Maswerte ka nga at may nanay ka para manermon sa’yo!”
Maya-maya pa ay tumunog ang kanyang cellphone. Mabilis niya iyong dinungaw. Iyon na ang hinihintay niyang mensahe galing sa isang kliyente sa isa pa niyang trabaho, ang magmasahe.
“Hoy, aalis na muna ako ha! Raraket muna ako at mahina ang kita ko rito. At wag mong isasara ha!” paulit-ulit niyang bilin dito.
Nag-ayos siya ng sarili at ilang minuto lamang ang lumipas ay paalis na siya. Dala ang mga langis na binili niya pa sa isang nakilala.
Nakipagsiksikan siya sa maraming tao para marating ang malaking bahay ng matanda. Gustong-gusto niya ang kliyente dahil sadyang mabait ito at higit sa lahat, galante.
“Nandiyan ka na pala! Kanina ka pa hinihintay ni Mam!” nakilala niya ito na si Mayet, isa sa mga katulong sa bahay.
Magkasing-edad lamang sila kaya naman mabilis silang nagkagaanan ng loob sa loob ng kaunting oras.
Lumipas ang mga oras sa pagmamasahe niya sa matanda.
“Kumain ka muna,” anito matapos. Malawak ang ngiti nito sa kanya.
Hindi na siya nakatanggi. At alam niyang hindi ito papayag kung tatanggi man siya kaya naman kinain na lamang niya ang inilapag nito.
“Balik ka ulit ha, ikaw lang ang paborito kong masahista!” sabi pa nito bago nag-abot ng bayad.
Malawak ang ngiti niya habang pauwi. Hindi pumapalya ang matanda, binigyan siya nito ng isanglibo bilang tip. Malaking bagay na iyon sa kanya.
Nakabukas pa ang shop ng dumating siya. Dire-diretso siya sa loob. Hanggang sa nakita niya ang isang matandang babae na nakaupo.
Kunot ang kanyang noo ay tinawag ang binatilyo.
“Butchoy!” tawag niya rito.
Lumabas ito para salubungin siya. Hawak hawak nito ang isang lumang cellphone na de pindot.
“Ba’t ‘di ka pa nagsasara? Alas-nuebe na,” aniya at bahagya pang sinulyapan ang orasan sa dingding.
“Saka ano ‘yan?” tanong niya rito.
Ngumuso ito. “Ah, cellphone ni Lola. Pinapagawa niya kaso, sabi naman ni Roy wala naman daw sira.”
Pagtukoy nito sa Roy na kasama nila at siyang pangunahing gumagawa ng mga dinadala sa kanila.
“Kanina pa siya e di ko naman alam pano ko kakausapin,” anito sa namomroblemang tono.
Umingos siya rito at kinuha ang cellphone. “Sige na, ako na kakausap. Maglinis ka na para makapagsara na,” utos niya na mabilis nitong sinunod.
Nilapitan niya ang matanda.
“Lola…” aniya rito.
Nag-angat ito ng tingin at natigilan siya. Pamilyar ito. Pamilyar na pamilyar.
“Naayos niyo na ba?” tanong nito sa kanya.
Huminga siya ng malalim. “Hindi po kasi wala naman pong problema. Wala hong sira ito,” aniya at ibinigay ito sa matanda.
“Ha? Kung ganoon ay bakit hindi tumatawag ang anak ko?”
Natigilan siya roon. Hindi alam ang sasabihin.
“Tingnan niyo ulit, sige na. Ilang taon ko na siyang sinusubukang hanapin at tawagan. Sabi ni Maricel, tatawagan ako ng anak ko,” pilit nito.
Maricel? Bata pa siya noon ngunit hindi niya ata makakalimutan ang pangalan na iyon. Ang kanyang tiyahin. Ngunit maraming Maricel sa mundo.
“Ano hong pangalan ng anak nyo? Gabi na kasi, kung gusto niyo tulungan ko na lang kayo na hanapin siya?” boluntaryo niya.
“Anya Rodriguez.”
Tila tumigil ang kanyang mundo. Maraming “Maricel” sa mundo. Marami rin siguro siyang kapangalan. Ngunit ano ang posibilidad na siya ang tinutukoy nito?
“K-kung ganoon, kayo ho? Anong pangalan niyo?”
“Juanda Rodriguez.”
Napapikit siya at nang yumakap rito ay bumagsak ang kanyang luha sa kasiyahan. Hindi na nito kailangan maghintay ng tawag niya. Hindi niya na kailangang umasa na magkikita sila isang araw dahil nangyari na ito.
Mabuti na lamang at hindi siya huminto sa pagdarasal. Alam niya kasing dadating ang panahon na ibibigay din ng Diyos ang nag-iisa niyang hiling, na makapiling muli ang kaniyang ina.