
Mas Mahal ni Mama si Ate?
“Joyce, bilisan mo na, kumain ka na at male-late ka pa,” bungad ng nanay ni Joyce sa kanya nang pumunta siya sa kusina upang mag-almusal.
Nakita niyang nilalagyan nito ng kanin ang pinggan ng kanyang nakatatandang kapatid na si Allie.
Umupo siya at hinintay na pagsilbihan din siya ng kanyang ina gaya ng ginagawa nito sa kanyang kapatid ngunit tulad ng dati ay bigo na naman siya.
Halos hindi niya tuloy nagalaw ang pagkain niya.
Simula pagkabata ay may pakiramdam na si Joyce na mas mahal ng kanyang ina ang kanyang nakatatandang kapatid.
“Hindi totoo yan, anak. Pantay pantay ang pagmamahal ng magulang sa kanilang mga anak,” naalala niya pang sabi ng kanyang ama noong sinabi niya dito ang kanyang saloobin.
Kaya naman medyo nagkaroon na siya ng hindi magandang pakiramdam sa kapatid kahit sa totoo lang ay napakabait nito sa kanya.
“Joyce, sabay na tayo pumasok,” nakangiting sabi ng ate niya.
“May tatapusin pa ako, Ate Marj. Mauna ka na,” matabang na sagot niya sa kapatid.
“Hintayin na kita,” masiglang sabi nito.
“Mauna ka na nga!” hindi niya napigilan ang pagtaas ng kanyang boses.
Napapitlag ito.
Siya naman ay napagtanto ang ginawa. “Sorry, ate. Pressured lang sa trabaho,” palusot niya.
“Ganun ba? Sige, ‘wag ka magpapa-stress masyado ha? Mauna na ako. Ingat ka,” may tipid na ngiti sa labi ng ate niya bago ito tumalikod.
Binagabag naman siya ng konsensiya.
“Ate!” tawag niya bago ito tuluyang makalabas sa kwarto niya.
“Bakit?”
“Sige, sasabay na ako sa’yo,” sabi niya na ikinangiti nito.
Sabado. Bagot na bagot sa bahay si Joyce kaya naman nagpasya siyang yayain ang ina na mamasyal.
Nakita niyang bihis na bihis ang ina at mukhang may pupuntahan.
“’Ma, labas tayo. Punta tayong mall,” yaya niya sa ina.
“Naku, anak, hindi ako pwede ngayon. Pupunta ang ate mo sa ospital, sasamahan ko siya magpa-check up,” wika ng kanyang ina.
“’Ma, ang tanda tanda na ni ate, sasamahan mo pa magpa-check up?” natatawang tanong niya sa ina.
“Alam mo naman ang kapatid mo, mahina ang loob. Next time na lang anak, pasensiya ka na ha? Nauna lang talaga naming i-schedule itong pagpapa-check-up ng ate mo,” hinging paumanhin ng kanyang ina.
“Okay lang, ‘ma,” matabang na sabi niya sa ina at bumalik na sa kanyang kwarto.
Naulinigan niya pa ang pagsasabi ng ate niya na sumama na lang ang ina sa kanya ngunit matigas ang pagtanggi nito. Sasamahan na lang daw nito ang ate niya magpa-check-up.
Napangiti siya ng mapait. Pantay-pantay ang pagmamahal pala, ha?
Lumala ang pakiramdam ni Joyce na mas mahal nga ng kanilang ina ang Ate Allie niya.
Isang gabi ay papunta si Joyce sa kanyang kwarto nang may maulinigan siyang dalawang boses na nagsasalita.
“Ma, bakit binibigay mo sa akin to?” tanong ng ate niya.
Sinilip niya ang dalawa at nanlaki at mata niya nang makita ang paboritong kwintas ng mama niya!
Maganda ang gintong kwintas na iyon. May pendant itong hugis puso na locket, kung saan maaring maglagay ng maliit na litrato.
Bakit kay ate niya ibinibigay ang kwintas? Nagpupuyos ang kalooban ni Joyce. Kung noon ay hindi niya pa nakukumpirma na mas mahal ng mama niya ang kanyang ate, ngayon ay siguradong sigurado na siya.
Matagal na niya hinihingi sa mama niya ang kwintas na iyon pero ang lagi lang sinasabi ng kanyang ina ay “Isang espesyal na tao ang nagmamay-ari nito.”
Hindi ba ako espesyal sa paningin niya? Tanong pa ng kontrabidang bahagi ng kanyang isipan.
Hindi na siya nakapagpigil at padabog na binuksan ang pinto upang kompromtahin ang kanyang ina at kapatid.
“Mama! Sinasabi ko na nga ba at mas mahal mo si ate kaysa sa akin eh!” mataas ang boses na sabi niya sa ina.
“Anak, ano’ng sinasabi mo?” Naguguluhang tanong ng ina.
Hinablot niya ang kwintas mula sa kapatid.
“Eto! Eto ang patunay, ‘ma! Matagal ko na tong hinihingi sayo pero hindi mo ibinigay sa akin tapos kay ate mo ibibigay?” galit na tanong niya sa ina.
Binuksan niya ang locket upang kumpirmahin na larawan ng kanyang ate at ng mama niya ang nasa loob nun pero laking gulat niya nang isang larawan ng babaeng hindi niya kilala ang tumambad sa kanya.
“S-sino ‘to?” litong tanong niya.
Tila nababalisa naman ang ina na tumingin sa kanyang kapatid. Ngumiti ang kanyang kapatid sa kanilang ina. “Ako na ang magpapaliwanag kay Joyce, ‘ma.”
“Pero anak—”
“Ayos lang, ‘ma. Siguro panahon na din para malaman ni Joyce ang katotohanan.”
Litong tumingin si Joyce sa kapatid.
“Joyce, ang nakikita mong babae sa kwintas na hawak mo ay ang tunay kong ina,” rebelasyon ng kanyang kapatid.
Matagal na hindi nakapagsalita si Joyce. “A-anong ibig mong sabihin?”
Ang kanyang mama ang sumagot.
“Ang tunay na ina ni Allie ay ang matalik kong kaibigan na si Myrna,” paliwanag ng ina.
“Isang taong gulang si Allie nang magkasunog sa apartment na tinitirhan namin. Nakaligtas kami ni Allie sa sunog, pero hindi si Myrna. Ibinuwis niya ang kanyang buhay upang mailigtas kami ng kanyang anak,” umiiyak na ang kanyang ina.
Lumapit si Allie sa ina upang pakalmahin ito habang nanatiling tila napako si Joyce sa kanyang kinatatayuan.
“Asthmatic kasi si Myrna kaya kahit nakalabas kami bago tuluyang masunog ang bahay ay hindi pa din kinaya ng baga niya ang dami ng usok na nalanghap niya sa sunog. Kaya naman ganun na lang ang pag-aalala ko kay Allie na baka namana niya ang sakit ni Myrna,” dagdag pa ng kanyang ina.
Noon naman tila nagkakaroon ng liwanag ang lahat para kay Joyce. Masyado siyang naging makasarili. Unti-unting tumulo ang kanyang mga luha.
“Sorry, ate! Hindi ko alam!” umiiyak na sabi niya sa kapatid.
Hinaplos lamang nito ang buhok niya.
“Sorry mama, naging makasarili ako,” hinging paumanhin niya sa ina. Niyakap niya ito.
“Sorry anak, kung akala mo mas mahal ko ang ate mo. Parehong anak ang turing ko sa inyo, at pantay ang pagmamahal ko sa inyong dalawa,” pahayag ng kanyang ina habang hinahaplos ang kanyang likod.
Habang yakap ang kanyang ina ay napansin niya ang suot-suot nitong kwintas.
“Ma, dalawa ang kwintas? Meron ka rin?”
“Oo, anak. Isa sa akin, isa kay Myrna,” nakangiting sabi nito.
Binuksan nito ang locket na suot at muli siyang napaiyak nang makita ang kanyang larawan doon.
Paano ko nagawang kwestiyunin ang pagmamahal ni mama sa akin? Tanong niya sa sarili.
“Mahal na mahal kita, anak,” narinig niyang sabi ng kanyang ina.
Hiyang-hiya si Joyce sa pagdududa sa pagmamahal ng kanyang ina. Totoo nga na walang inang hindi minamahal ng pantay ang kanyang mga anak.