Inday TrendingInday Trending
Sampung Huling Bagay

Sampung Huling Bagay

Sampung Huling Bagay Bago Ako Lumisan:

  1. Pumunta sa isang beach para panoorin ang paglubog ng araw.
  2. Panoorin ang mga bituin sa ilalim ng isang malaking puno.
  3. Kumain ng isang buong manok.
  4. Sumulat ng isang tula.
  5. Humingi ng tawad sa taong labis kong nasaktan.
  6. Mapatawad si papa.
  7. Mapag-ayos sina mama at papa.
  8. Lumabas kasama si bunso.
  9. Masiguradong masaya si Stephen.
  10. Umalis ng may ngiti sa labi.

Ito ang listahan ng sampung huling bagay na nais kong maisagawa bago matapos ang oras ko sa mundong ito. Sa loob ng tatlong buwan, dapat maisagawa ko ang lahat ng ito.

ALYSSA MARIE SANCHEZ

Hindi maiwasang mapaluha ni Stephen habang binabasa ang nakasulat sa isang papel na nakaipit sa paboritong libro ng nobyang si Alyssa. Lumapit siya sa dalagang mahimbing na natutulog sa kama ng isang hospital at hinalikan ito sa noo. Muli niyang inipit ang papel sa loob ng libro at marahang umalis ng silid.

Gustuhin man niyang manatili ay hindi niya pwedeng gawin iyon. Nangako siya sa nobya na hinding-hindi niya pababayaan ang kanyang pag-aaral at ano man ang mangyari ay patuloy siyang papasok araw-araw sa kanyang mga klase, lalo na’t huling taon niya na sa kolehiyo. Nangako siyang magtatapos siya para sa kanilang dalawa.

Pareho sila ng kinuhang kurso ni Alyssa at gaya niya ay nasa huling taon na rin ito sa kolehiyo. Napaka-masayahing tao ng kanyang nobya. Mabait, matapang, matalino at napaka-responsable. Bonus na lamang na maganda din ang dalaga, lahat na ata ng magagandang katangian ay nasa kanya na. Kaya naman sobrang mahal na mahal ito ni Stephen.

Ngunit sinong mag-aakalang bilang na pala ang oras nito sa mundo? Isang buwan na ang nakalilipas simula ng bigla na lamang itong isugod sa hospital dahil inaapoy sa lagnat at nanginginig. Noong una, akala nila ay simpleng trangkaso lamang at overfatigue ito, madalas din kasing magkasakit si Alyssa dahil abusado sa katawan at parating kulang sa tulog.

Halos gumuho ang kanilang mundo ng sinabi ng doktor na may malubhang sakit si Alyssa. Bilang na ang mga araw ng dalaga at hindi na lalampas pa sa limang buwan ang buhay ng dalaga. Maaari na lamang nilang patagalin ang buhay nito pero hindi na malulunasan pa.

Napakasakit nito para sa kanilang lahat na nagmamahal sa dalaga. Lalong-lalo na kay Stephen. Nakilala niya si Alyssa noong nasa high school pa lamang sila. Sinagip siya ng dalaga at tinuwid nito ang kanyang unti-unti nang napapariwang landas. Ang dalaga ang tumulong sa kanyang bumalik sa liwanag at nagturo sa kanyang magtiwala ulit.

“Saan ba kasi tayo pupunta?” tanong ni Alyssa sa nobyo isang araw habang nag-eempake ito ng mga gamit. Weekends kasi at bigla na lamang naisipan ng binata na mag-empake ng kanilang mga gamit. May pupuntahan daw sila. Nakapagpaalam naman na daw ito sa dotor niya kaya wala naman daw problema.

“Basta magtiwala ka lang sa’kin. Siguradong magugustuhan mo dun,” nakangiting saad ni Stephen sa dalaga.

Humingi ng pahintulot ang binata sa doctor ng dalaga na mailabas ang nobya kahit dalawang araw lamang. Pumayag naman ang doctor basta ba’t maipapangako nila na mag-iingat ng husto ang dalaga at gagawin lahat ng mga bilin niya.

Dinala siya si Stephen sa isang private resort sa Batangas.

“Bakit mo naman naisipang dalhin ako rito?” tanong niya sa nobyo.

“Kasi ‘di ba sabi mo dati gusto mong pumunta ng beach kasi bata ka pa nang huli kang magkapunta?” sagot naman nito na tinanguan lang ng dalaga.

Nag-ayos muna sila ng mga gamit nila bago pumunta sa dalampasigan para magtampisaw sa dagat. Hindi kasi kakayanin ng dalaga ang maligo kaya hanggang sa tampisaw lamang ang maaari niyang gawin.

Nanatili sila roon hanggang unti-unti ng lumubog ang araw.

“Sana tumigil muna ang oras kahit saglit lang ‘no?” wala sa sariling sabi ni Stephen habang nakatingin sa papalubog ng araw. Napaka-lungkot ng eksenang iyon dahil alam niyang ito na marahil ang huling pagkakataon na magkasama nilang magagawa ito ng dalaga.

“Ayokong tumigil ang oras. Kahit konti nalang yung natitira para sa’kin ay ayokong tumigil ito. Gusto kong magpatuloy hanggang sa maubos ito. Gusto kong gamitin ang mga natitirang sandali ko para magawa ang mga bagay na nais kong magawa bago ako tuluyang lumisan. Gusto kong umalis nang walang natitirang pagsisisi,” marahang saad ng dalaga.

“Ayokong umalis ka,” kusang lumabas nalang sa bibig ng binata ang mga salitang iyon. Hinawakan naman ng dalaga ang kanyang pisngi at tiningnan siya sa mata. Pinaghalong lungkot at saya ang makikita sa mga mata nito.

“Kung maaari lang sana. Pero ayokong umasa. Ayoko ring umasa din kayo. Mas masasaktan lang tayo pare-pareho. Kailangan natin tanggapin. Lahat naman tayo ay may katapusan eh, sadyang mauuna lang ako sa inyo,” malungkot na ngumiti ito bago tumingin ulit sa papalubog ng araw, “gaya ng papalubog na araw, malapit na ring matapos ang oras ko sa mundong ito. Sana sa muling pagsikat nito, sa susunod na buhay ko kung mayroon man nun. Sana makasama pa kita.”

Tahimik na napaluha si Stephen at marahang niyakap ang babaeng labis na minamahal. Hindi na siya nagsalita at pinaramdam na lamang sa dalaga ang kanyang nararamdaman sa pamamagitan ng kanyang mga yakap.

Mabilis na lumipas ang panahon at isang taon na ang nakalilipas simula nang tuluyang lumisan si Alyssa sa mundong ito. Hindi na nito natapos ang tatlong buwang palugit ng doctor, pero ayos lang iyon dahil alam niyang umalis ang dalaga ng masaya.

Sinigurado ni Stephen na magawa ang lahat ng nasa listahan ng dalaga at nagtagumpay naman siya. Walang alam si Alyssa na nabasa niya ang sinulat nitong listahan.

Labis mang nahirapan sa pagkawala ng dalagang minamahal ay nagawa niya rin itong tanggapin ng bukal sa kanyang loob dahil na rin sa ito ang hiling sa kanya ng dalaga. Kaya kahit gusto niya ng sumuko sa buhay at sumunod na lamang sa dalaga ay hindi niya magawa, kailangan niyang magpatuloy at lumaban. Mabubuhay siya para sa kanilang dalawa. Nang sa muli nilang pagkikita sa susunod na buhay ay may mukha siyang maihaharap sa dalaga.

“Hi babe, kumusta ka na? Bakit pa ba ako nagtatanong eh alam ko namang nakangiti ka ngayon eh,” saad ni Stephen habang nakatingin sa lapidang nasa harapan niya, “Miss na miss na kita.”

Bigla namang umihip ang malamig na simoy ng hangin at tila ba niyayakap siya nito. Napatingala na lamang siya sa langit at ngumiti. Alam niyang kasama niya ngayon ang dalaga at nakangiting niyayakap siya.

Advertisement