Inday TrendingInday Trending
Para Sa Aking CPA

Para Sa Aking CPA

“Pwede ba?! Kalimutan mo na ako! Hindi na kita mahal! Alam mo ba kung bakit kita iniwan? Kasi alam kong kahit kailan ay hindi ka magiging CPA! Imbes na sa pag-aaral mo ikaw magfocus ay sa’kin mo ginagawa ‘yon! Naaawa ako sayo kasi sobrang dami mong plano pag naging CPA ka pero wala ka namang ginagawang paraan para matupad yon. Para kang walang pangarap sa buhay!” sigaw ni Vincent kay Ivy.

Kitang-kita ng binata ang sakit sa mga mata ng dalaga nung sinabi niya ang mga salitang iyon. Makikitang tuluyan nang nadurog ang puso ng dalaga dahil sa mga salitang kaniyang binitawan.

Nasasaktan man si Vincent dahil hindi niya naman talagang gustong sabihin yun eh. Pero alam niyang kailangan. Dahil ito nalang ang paraan para tuluyan na siyang iwan at pakawalan ng dalaga.

Mahal na mahal niya si Ivy. Mas mahal niya pa nga ito kaysa sa kanyang sarili. Pero kinakailangan niyang saktan ang dalaga dahil ito na lang ang nakikita niyang paraan para matulungan itong maabot ang kanyang mga pangarap. Pangarap kasi ni Ivy ang maging isang Certified Public Accountant o CPA.

Nasaksihan lahat ni Vincent ang paghihirap ng dalaga bilang isang Accounting student. Tandang tanda niya pa noon kung paano umiyak ang dalaga kapag hindi nito naba-balance yung mga ginagawa niya. Ilang beses siyang umiyak dahil sa hirap, pero kahit na ganun ay hindi pa rin sinukuan ni Ivy ang kanyang pangarap, ganun kadesidido ang dalaga sa kagustuhang maging CPA.

Natutuwa naman ang binata dahil nakaplano na talaga ang lahat para kay Ivy. Plinano na lahat ng dalaga. Nakaplano na kung saan siya mag re-review pagkatapos grumaduate, kung saang kompanya siya mag-aapply kapag naging CPA na siya at kung ano-ano ang mga bibilhin niya pag may pera na siya.

Kaya mahal na mahal niya ang dalaga. Pero kinailangan niya itong hiwalayan.

Ginawa niya iyon dahil ayaw niyang maging sagabal siya sa mga pangarap ni Ivy. Napapansin niya kasi na nawawalan na ng focus sa pag-aaral ang dalaga ng dahil sa kanya. Ayaw namang maging hadlang ni Vincent at maging dahilan para hindi matupad ng dalagang minamahal ang kanyang mga pangarap.

Siyempre ay hindi pumayag si Ivy. Mahal na mahal niya si Vincent. Lumuhod pa siya sa harap ng binata, nagmakaawang huwag siyang iwan.

Labis din nasasaktan si Vincent sa nakikitang paghihirap ng dalaga ngunit alam ng binata na hindi titigil ang dalaga hangga’t hindi niya naipapamukha sa kanya na ayaw niya na talaga.

Kinausap ni Vincent ang bestfriend niyang babae na magpanggap bilang girlfriend niya. Noong una ay ayaw nitong pumayag, pero nung sinabi ng binata na para din naman sa career ni Ivy ang kanilang gagawin ay pumayag din ito sa huli.

Kinulit pa si Vincent ng dalaga. Hindi kasi siya naniniwala sa sinabi sa kanya ng binata na sila na ng bestfriend nito. Pero nang makita niya ang dalawang magkasama ay halos mawasak ang mundo niya. Nakita ni Vincent kung paano naging miserable si Ivy dahil sa ginawa niya sa dalaga, nasasaktan siya sa tuwing nakikita niya ito. Nagsisimula na siyang tanungin ang sarili niya kung tama nga ba ang ginawa niya para matulungan ang dalagang abutin ang kanyang pangarap.

Si Ivy kasi yung tipo ng tao na kapag pilit na nilulugmok ay mas lalong ginaganahan na ipamukha sa ibang tao na kaya niya. Kaya ganoon ang ginawa niya sa dalaga. Pinamukhang wala siyang kwenta at hindi niya kaya. Para magpursige itong ipakita sa kanya kung ano ang kaya niya.

Kaya naman nang humiling na makipag-usap sa huling pagkakataon ang dalaga ay pinagbigyan niya. Kasi doon niya gagawin yung plano niya para tuluyan na siyang bitawan ng dalaga.

“Pwede ba kalimutan mo na ako! Hindi na kita mahal! Alam mo ba kung bakit kita iniwan? Kasi alam kong kahit kailan ay hindi ka magiging CPA! Imbis na sa pag-aaral mo ikaw mag focus ay sakin mo ginagawa ‘yon! Naaawa ako sayo kasi sobrang dami mong plano pag naging CPA ka pero wala ka namang ginagawang way para matupad yon. Para kang walang pangarap sa buhay!” sigaw ni Vincent kay Ivy. Masakit man para sa binata na sabihin ang mga iyon kay Ivy ay alam niyang kailangan niya itong gawin. Para na rin sa dalaga.

Pakiramdam niya dinudurog ang puso niya nang makita niyang umaagos ang mga luha mula sa mga mata ni Ivy. Walang katapusang mga luha. Lahat ng sinabi niya ay puro kasinungalingan. Dahil simula pa lang, alam niya nang magiging CPA si Ivy dahil kailan ma’y hindi niya inisip na hindi siya makakapasa sa board exam. Sobrang sipag at talino din ng dalaga, pero kailangan niyang sabihin yun kasi kailangan.

Bigla namang ngumiti ang dalaga at pinunasan ang kanyang mga luha.

“Ganon ba ang tingin mo? Na hindi ako magiging CPA? Sige. Papatunayan ko sayo na kaya ko. Na magiging CPA ako,” nakangiting pangako ng dalaga kay Vincent.

Gusto mang ngumiti ng binata dahil alam niyang makakaya ni Ivy iyon ay hindi niya ginawa. Nanatili siyang cold sa dalaga.

“Maraming salamat sa lahat,” usal ng dalaga bago tuluyang naglakad palayo sa kanya.

Napaluhod naman si Vincent at biglang tumulo ang mga luhang kanina pa pinipigilang makawala sa kanyang mga mata. Sobrang sakit palang makita na naglalakad ang dalaga palayo sa kanya. Ngunit ginusto niya ito, kasi para ito sa pangarap ng dalaga.

Kinausap si Vincent ng pamilya ng dalaga ng patago nung malaman nila na naghiwalay sila nang anak nila. Sinabi naman ng binata ang plano niya sa pamilya ng dalaga. Niyakap siya ng mga magulang at kapatid ni Ivy nang nalaman nila ang plano niya. Sobrang laking pasasalamat nila dahil mas inunang isipin ng binata ang career ni Ivy kaysa sa nararamdaman niya. Ipinangako naman nila sa binata na hindi nila hahayaan na makahanap ng ibang lalaki si Ivy.

Ilang araw ang lumipas, nabalitaan ni Vincent na nangunguna na ulit si Ivy sa klase nila. Napapangiti siya kapag nababalitaan niyang ginagawa na ulit ng dalaga ang lahat para maging isang CPA.

Hanggang sa dumating ang review nila Ivy. Ilang buwang walang balita si Vincent sa dalaga dahil naka-deactivate ang lahat ng account nito sa social media simula nung nagsimula ang review nila.

Hanggang sa dumating yung board exam ng dalaga, halos araw araw kung magdasal si Vincent na sana makapasa si Ivy. Na sana maging CPA siya. Sana matupad niya ang kanyang pangarap.

At dumating nga ang araw nang result, agad na hinanap ni Vincent ang pangalan ng dalaga. Napangiti naman siya dahil hindi siya nabigo nung makita ang pangalan ni Ivy doon.

Hindi lamang siya simpleng nakapasa dahil napabilang pa ang dalaga sa top! Gustong puntahan ni Vincent ang dalaga at yakapin kasi sa wakas ay natupad niya na ang pangarap niya. Sa wakas, CPA na si Ivy!

Naghanda ng salo-salo sa bahay nila Ivy para sa selebrasyon ng pagkakapasa ng dalaga. Inimbita naman ng kanyang pamilya si Vincent. Nakatanaw lang mula sa malayo si Vincent habang pinagmamasdan ang dalagang pinakamamahal na umiiyak habang nagbibigay ng kanyang speech. Masayang masaya siya para dito. Wala siyang pinagsisisihan sa kanyang mga ginawa dahil kontento siya sa naging kalabasan ng sakrispisyo nila.

Isa sa mga kuya ni Ivy ang nakapansin kay Vincent. Sinabi niya iyon sa lahat ng kapamilya ng dalaga maliban kay Ivy. Lahat sila ay lumabas at niyakap ang binata. Labis silang nagpapasalamat sa binata dahil sa ginawa nito. Ngumiti lamang si Vincent, dahil kahit wala na sila ni Ivy, ayos lang dahil natupad naman ng dalaga ang pangarap niya.

Lumipas ang ilang linggo at nabalitaan ni Vincent na madaming kumukuhang company kay Ivy at isa na doon ang kompanyang pinapangarap na apply-an ng dalaga. Napangiti siya. Sobrang proud siya sa narating ng dalaga. Hindi siya nagkamali sa kanyang ginawa.

Isang araw ay nakatanggap ng text si Vincent galing sa kapatid ni Ivy. Nakikipagkita ito sa binata. Pumunta siya sa lugar na sinabi nito ngunit laking gulat niya nang si Ivy ang kanyang nadatnan roon.

Tahimik lamang itong nakaupo. Bigla naman itong lumingon kung nasaan siya at ngumiti. Dahan-dahan itong lumapit sa binata at niyakap ito. Hindi nakagalaw si Vincent dahil sa bigla.

“Salamat,” biglang may tumulong luha sa mga mata ng dalaga, “Alam ko na lahat. Salamat sa lahat ng ginawa mo,” napangiti ang binata at kasabay nito ang pagtulo rin ng mga luha sa kanyang mga mata.

“Mahal na mahal kita,” hindi napigilang sabihin ni Vincent sa dalaga at ipinatong ang noo niya sa noo ng dalaga at pumikit.

“Mahal na mahal din kita,” nakangiti habang lumuluhang sambit din ng dalaga habang nakapikit at ninanamnam ang tamis ng sandali.

Ang pamilya ni Ivy ang gumawa ng paraan para mapalapit ulit sila sa isa’t isa. Para naman magkaroon din sila ng happy ending.

At ngayon nga ay nakangiting nagtititigan ang dalawa habang naglalakad si Ivy palapit kay Vicent at sabay silang haharap sa Diyos upang mangakong magmamahalan magpakailanman.

Advertisement