Inday TrendingInday Trending
Paglaya Mula Sa’yo

Paglaya Mula Sa’yo

“Ano na naman ‘to?” tanong ni Janice sa nobyong si Robert. Naghanda kasi ang binata ng isang sorpresa para sa kanya. Isang romantic dinner sa ilalim ng nagniningning na mga bituin.

“Happy 2nd anniversary, mahal!” masiglang bati ni Robert kay Janice. Nagulat naman ang dalaga sa sinabi ng nobyo. Pilit na lamang siyang ngumiti at pinakisamahan ang binata hanggang sa matapos ang gabi. Binigyan siya nito ng isang love letter gaya ng parati nitong ginagawa tuwing anniversary nila, isang teddy bear na halos kasing laki na niya, at isang tangkay ng puting tulips na siyang paborito niya.

Napabuntong hininga na lang si Janice, ayaw niya sa mga masyadong magagarbong bagay. Simpleng tao lamang siya kaya naman gusto niya ang simple lang din na selebrasyon. Alam iyon ni Robert pero ginagawa pa rin nito ang gusto ng binata kahit alam niyang hindi niya magugustuhan.

“I’m just giving you what you deserve, and it’s nothing but the best,” ‘yan ang parating sagot ni Robert sa tuwing sasabihin ni Janice na ayaw niya ng magagarbong bagay dahil simple lamang ang gusto niya.

Pagkatapos nilang maghapunan ay ihahatid na ng binata si Janice sa kanila ay dumaan muna sila saglit sa isang playground malapit sa bahay ng dalaga.

“Naaalala mo ba? Dito tayo unang nagkakilala noong mga bata pa tayo,” masayang saad ni Robert habang inaalala ang una nilang pagkikita. Napangiti din ang dalaga ng maalala ang mga panahong iyon.

Bagong lipat lang sila Janice sa subdivision na iyon at naisipan niyang maglaro sa playground na malapit lang naman sa bahay nila. Medyo may katabaan noon si Janice kaya naman madalas siyang tuksuhin ng ibang mga bata. Doon niya unang nakita at nakilala si Robert. Ipinagtanggol siya nito laban sa mga nanunukso sa kanya.

Pero yun ang una’t huli nilang pagkikita bilang mga bata. Muling nagtagpo ang kanilang mga landas mahigit sa dalawang taon na ang nakalilipas.

Niligawan siya ng binata. Hindi pa siya handa noon at gusto niya pa sanang mas makilala ang binata pero inipit siya nito. Sinurpresa at tinanong siya nito sa harapan ng madaming tao kaya naman na-pressure siyang sagutin ito.

Mabait naman si Robert at sa loob ng dalawang taon nila bilang magkasintahan ay pinilit niya talaga ang sarili na mahalin ang binata. Mahal na mahal siya ni Robert, wala siyang duda roon. Ngunit hindi niya maintindihan pero hindi niya talaga magawang matutunang mahalin ang binata.

Sobra-sobra ito kung mag-effort at magbigay ng kung ano-ano sa kaniya. Sinasabihan niya naman ito na huwag itong gawin dahil hindi naman kailangan pero mapilit talaga ang binata.

Parati siya nitong kinukulit na ipakilala ito sa mga magulang niya. Ipapakilala niya naman ito, tumitiyempo lang siya. Pero wala na siyang nagawa ng pinuntahan siya nito para sunduin ng walang pasabi… surpresa raw. Kaya naman wala na siyang nagawa kundi ipakilala ang binata sa kanyang pamilya.

Mabait si Robert, maalaga at malapit din ito sa kanyang pamilya. Sa katunayan nga ay itinuturing na itong bahagi ng kanilang pamilya. Lahat ay natutuwa sa binata, kaya naman pinilit niya talagang mahalin ang binata.

Ang kaso sa tuwing kasama niya ang binata ay pakiramdam niya ay isa siyang ibong nasa loob siya ng isang hawla. Pinapakialaman nito ang bawat desisyong gawin niya at sa huli ay ang gusto nito ang nasusunod. Marahil ito ang dahilan kung bakit hindi niya magawang papasukin ito sa puso niya, dahil kinukulong siya ng binata sa piling nito kahit hindi niya gusto.

Halos lahat din ng kaibigang lalaki niya ay pinagseselosan ng binata kaya naman hindi niya nang magawang makipag-usap o makisama sa mga ito. Lalong lalo na sa bestfriend niyang si Kiel.

Pagod na pagod na siya at desidido na siyang makalaya sa binata kaya naman napag desisyonan niya nang makipaghiwalay rito.

Nawala ang mga ngiti sa kanyang labi ng maalala ang kanyang matagal nang planong pakikipag-usap sa nobyo. Seryoso niya itong tinitigan sa mga mata.

“Ilang araw na kitang sinasabihan na kailangan nating mag-usap ‘di ba? We’ll talk now,” seryosong saad niya sa binata na nagpapawi rin sa mga ngiti ng binata.

“Sure. Ano ba ‘yun mahal? Ano bang kailangan nating pag-usapan?” mahahalatang pinipilit na pinapasigla ni Robert ang kanyang boses.

Lumapit siya sa binata at inilagay sa palad nito ang singsing binigay nito sa kanya nang maging sila bilang tanda daw ng pagmamahal ng binata sa kanya.

“Alam kong sobra mo akong mahal at nagpapasalamat ako dun. Sinubukan ko naman ‘di ba? Siguro naman sapat na ang dalawang taon para mapatunayan nating hindi talaga tayo para isa’t isa. Minsan ko nang isinuko ang pangarap ko para sa’yo. Kasi alam kong hindi mo kaya nang wala ako. Kaya hindi ako tumuloy sa America para doon maging isang nurse. Pero sana maintindihan mo na, this time, sarili ko naman ang pipiliin ko. Sa pangalawang pagkakataong naibigay sa’kin, sa pagkakataong ito, sana hayaan mo na akong abutin ang pangarap ko. Sana palayain mo na ako, please?” hindi na napigilan ng mga luha ng dalaga na kumawala mula sa kanyang mga mata. Kitang kita niya kung gaano nasasaktan ang binata ng dahil sa kanya.

“No. Kung gusto mong pumunta sa America para dun magtrabaho at maging nurse ay payag na ako. Susunod na lang din ako dun, hindi naman natin kailangang maghiwalay eh. Lahat ibibigay ko sa’yo, huwag lang ‘yan, please babe, ha? Iba na lang. Kahit ano ibibigay ko,” halos nagmamakaawang pahayag ni Robert sa dalaga at pilit na niyayakap ang dalaga.

“Pagod na ako! Pagod na pagod na ako! Kalayaan mula sayo ang kailangan ko. Kung mahal mo talaga ako, papalayain mo na ako. Huwag na nating ipilit ‘to. Hindi talaga kita kayang mahalin gaya ng gusto mo,” parang nauubusan na nang lakas na sagot niya sa binata bago tuluyang umalis at iniwan ito.

Makalipas ang isang linggo ay lumipad na papuntang America si Janice para simulan ang kanyang mga naudlot na pangarap. Handa na siyang makipagsapalaran para abutin ang kanyang mga pangarap, dahil ngayon ay wala nang hahadlang pa sa kanya para gawin iyon. Kasabay ng paglipad ng eroplanong kanyang sinasakyan ay ang paglipad din ng pakpak ng kanyang mga pangarap. Dahil sa wakas ay malaya na siya. Nangako na lamang siya sa kaniyang sarili na sa susunod na papasok sa isang relasyon, sisiguraduhin niya munang tiyak ang pagmamahal niya sa lalaki bago ito sagutin upang maiwasan ang pagkawasak ng mga damdamin.

Advertisement