Kindergarten pa lang ay magkaklase na sina Andrei at Kristine. Simula pagkabata hanggang ngayong nasa kolehiyo na sila ay hindi na natigil ang walang katapusang bangayan ng dalawa.
“Nagugutom na ako,” saad ni Andrei at lumapit kay Kristine.
“O, bakit lumapit ka sa’kin? Mukha ba akong pagkain sa’yo?” mataray na sabi ni Kristine sa binata.
“Ah, hindi ba siopao ‘to?” kunwaring naguguluhang saad ni Andrei at pinisil ang magkabilaang pisngi ng dalaga. “Akala ko kasi talaga siopao, eh. Sorry, ha.” Sabay tawa ng malakas.
Maputi kasi si Kristine at medyo chubby ang pisngi nito kaya naman madalas itong asarin ni Andrei na parang siopao ang mga pisngi.
Halos mangamatis naman sa pula ang mukha ng dalaga dahil sa inis nito sa binata.
“Ah, ganun?” Pinaghahahampas ni Kristine si Andrei dahil sa sobrang inis rito na tinawanan lang naman ng binata.
“Biro lang. Alam mo naman na mahal kita, eh. Ang cute-cute mo kaya. Kaya nga mahal na mahal kita, eh,” malokong pahayag ni Andrei sabay kindat sa dalaga.
“Mukha mo! Tantanan mo nga ako, Andrei, ha!” sigaw ng dalaga at tumakbo palayo. Naiwan ang binata na tatawa-tawa lang sa kalokohang ginawa.
Madalas talagang magtalo ang dalawa. Paano ba naman, eh, ang lakas mang-asar ng binata sa dalaga. Parati niya itong niloloko at pinagkakatuwaan.
Aliw na aliw kasi si Andrei sa reaksyon ni Kristine sa tuwing naiinis ito sa kaniya. Para bang hindi kompleto ang araw niya kapag hindi niya nakikita na halos mangamatis na sa pula ang mukha ng dalaga dahil sa inis nito sa kaniya.
“Bakit ba parati mong inaasar ‘yang si Kristine, ha, Andrei? May gusto ka ba talaga sa kaniya?” tanong ng kaklase nilang si Chyska. May gusto kasi ang dalaga kay Andrei kaya naman kinaiinis nito ang labis-labis na atensyon na ibinibigay ng binata kay Kristine.
Sakto namang napadaan si Kristine kaya naman hindi sinasadyang narinig niya ang usapan ng dalawa. Nakatalikod si Andrei sa kaniya kaya naman hindi siya nakita ng binata. Hindi sineryoso ng binata ang pagsagot sa tanong ni Chyska.
“Ha? Hindi, ah! Masarap lang talagang asarin ‘yun kasi parang siopao ang mga pisngi tsaka asar talo,” natatawang sagot ni Andrei. Naaalala niya na naman ang malakamatis sa pula na mukha ni Kristine sa tuwing naiinis ito sa kaniya.
Nasaktan si Kristine sa kaniyang narinig. Madalas man silang magtalo ay hindi niya maikakaila na may nararamdaman siya para sa binata. Sa tinagal-tagal ba naman nilang magkasama.
Simula pagkabata ay inaasar na siya ni Andrei at palaging sinasabihang mahal siya nito kahit na alam niyang niloloko lang naman siya ng kababata ay hindi niya mapigilang umasa na baka totoo ngang may nararamdaman din ito para sa kaniya. Pero sa binata na mismo nanggaling na hindi siya nito gusto at natutuwa lang talaga itong asarin siya.
Labis na nasaktan si Kristine kaya naman desidido siyang kalimutan na ang kaniyang nararamdaman para sa binata.
Iniwasan niya si Andrei. Kahit anong pangungulit sa kaniya ng binata ay hindi niya ito pinapansin. Nagmumukha na ngang t*nga ang binata dahil kung umasta siya ay para bang hindi niya ito naririnig o nakikita.
Alam ni Andrei na may mali. Hindi lamang simpleng inis o tampo ang maaaring dahilan kung bakit nagkakaganoon si Kristine. Magkasama na silang dalawa bago pa man sila natutong magsulat o magbasa kaya kilalang-kilala niya na ang dalaga. May malalim na dahilan kung bakit hindi siya nito pinapansin.
Sinadya ni Andrei na hintaying umuwi ang dalaga. Gabi na kasi ito kung umuwi dahil officer ito at marami pang ginagawa pagkatapos ng klase. Naghintay siya ng mahigit apat na oras para lamang makausap ang dalaga.
“Kristine,” tawag niya sa dalaga pagkalabas nito ng gate ng building nila.
Gaya nang inaasahan ay hindi siya pinansin ng dalaga. Dire-diretso lang ito sa paglalakad na para bang walang narinig.
“Ano ba talaga ang problema, ha?” patuloy lang si Andrei sa pagsunod kay Kristine habang naglalakad ito.
“Kristine, ano ba? Kinakausap kita! Huwag ka namang bastos, okay? Kung galit ka sabihin mo! Hindi ‘yung tinuturing mo akong parang wala lang. Parang hindi ako nag-eexist sa mundo mo. Nagmumukha na akong t*nga kakasunod sa’yo, o!” medyo napipikong saad ni Andrei sa dalaga at hinawakan ito sa braso para mapatigil sa paglalakad.
Hindi pa rin umiimik si Kristine kaya naman mas lumakas ang kutob ni Andrei na may problema talaga. Ano ba kasi ang nagawa niya para magkaganoon ang dalaga?
Humarap siya sa dalaga at tinignan ito sa mukha.
“Ano ba ang nagawa ko, ha? Please naman sabihin mo na sa’kin ng makahingi ako ng tawad sa’yo,” nagsusumamong pakikiusap niya sa dalaga.
Napatingin naman si Kristine sa kaniya. “Wala,” tipid na sagot nito sa binata.
“Eh, bakit ka nagkakaganito?” hindi makapaniwalang tanong ni Andrei kay Kristine. Muli ay hindi umimik ang dalaga na tuluyan nang nakaubos ng pasensya ng binata. “Ganun ba talaga ako ka walang halaga sa’yo, ha, Kristine? Ganun lang kadali sa’yo na balewalain ako?”
Tumulo na ang mga luha ni Andrei ng kanina pa niya pinipigilan. Labis na siyang nasasaktan sa pagbabalewala sa kaniya ng dalaga. Tinitigan niya sa mata ang dalaga at nagulat siya ng makitang tumulo rin ang mga luha sa mga mata nito.
“Sana nga ganun lang kadali iyon. Bakit ka ba kasi ganiyan? Bakit ba kasi hindi mo ako tinatantanan, ha? Sobra na kasi akong nasasaktan sa mga ginagawa mo, eh. Sa tuwing umaasta ka nang ganiyan ay hindi ko mapigilang umasa na baka mahal mo rin ako kahit na alam kong natutuwa ka lang namang asarin ako,” lumuluhang saad ng dalaga.
“Anong sabi mo? Mahal mo ako?” hindi makapaniwalang tanong ng binata kay Kristine.
Aalis na sana ang dalaga nang bigla siyang niyakap ni Andrei ng mahigpit.
“Alam mo bang kay tagal kong hinintay na marinig sa’yo ang mga salitang iyan? Mahal na mahal din kita, Kristine! Matagal na!” mahahalata ang labis na kagalakan sa boses ng binata.
“Ano? Pero ‘di ba parati mo akong inaasar dahil natutuwa ka sa reaksyon ko?” hindi makapaniwalang tanong ni Kristine sa binata.
“Well, hindi ko ikinakaila ‘yan pero ginagawa ko talaga iyon simula noon para mapansin mo ako. ‘Yun lang kasi ang alam kong paraan para mapansin mo ko, eh. Sino ba naman ako, ‘di ba?” Napakamot pa sa kaniyang batok si Andrei habang sinasabi iyon sa dalaga.
“Baliw. Mahal nga kita, eh,” nakangiting pag-amin ng dalaga kay Andrei. Hindi niya inaakalang darating ang araw na ito kung kailan masasabi niya sa binata ang tunay niyang nararamdaman para dito.
“Pero mas mahal kita,” sagot ni Andrei sa dalaga at niyakap ito ng mahigit. Sa wakas ay nasabi niya na rin ang mga katagang iyon ng hindi pabiro kay Kristine.
“Talaga? Walang halong biro?” paninigurado pa ng dalaga.
“Peksman!” Sabay naman silang natawa sa sagot ng binata.