
Ang Kaklase Kong Mangingisda
“Oy, naaamoy niyo ba ‘yun? Parang amoy isda? Ang lansa!” maarteng sabi ni Mira sa mga kaklase sabay tapon ng mapanghusgang tingin sa kaklaseng si Arjay.
“Oo nga, noh. Hoy, Arjay, may dala ka bang isda diyan sa bag mo, ha?” gatong naman ng isa nilang kaklase.
Sabay-sabay namang nagtawanan ang lahat maliban sa binata.
Isang iskolar si Arjay sa isang kilalang paaralan kung saan puro mayayaman lamang ang nakakapasok. Siya lamang ang namumukod tanging anak mahirap na nakapasok sa paaralang iyon.
Kung hindi siya siguro nanguna sa entrance exam at na-perfect ang lahat ng tanong na ibinigay sa kaniya ng paaralan ay malamang hindi siya magagawaran ng scholarship.
May isang malaking rason kung bakit pinilit makapasok ni Arjay sa paaralang iyon kahit na alam niyang hindi siya nararapat sa lugar na iyon. May isang tao siyang gustong makita at makasama. Kaya kahit na nahihirapan dahil sa labis na pang-aaping nararanasan ay tinitiis niya ito.
“Mira, tignan mo. Rank 1 na naman ‘yung mangingisda. Natalo ka na naman niya,” balita ng isang maarteng babae kay Mira habang tinuturo ang papel na nakapaskil sa bulletin board. Katatapos lang kasi ng exams nila.
“Siguro ay kailangan mo na ring kumain ng maraming isda. Baka sakaling matalo mo na siya,” biro naman ng isa pang kaklase ng dalaga.
Binigyan ni Mira ng masamang tingin ang dalawa kaya naman napatahimik ang mga ito sa pagtawa.
Si Mira kasi ang nag-iisang anak ng may-ari ng paaralang iyon kaya naman masasabing siya ang batas doon. Lahat ay takot sa kaniya kaya nagagawa ng dalaga ang lahat ng naisin nito.
Pero sa lahat ng estudyante sa paaralan ay isa lamang ang pinakakinaiinisan ng dalaga. Ito ay ang nag-iisang dukha sa kanilang paaralan, si Arjay Mendoza.
Magmula noong entrance exam hanggang sa araw na iyon ay hindi niya pa natatalo ang binata sa kahit na anong pagsusulit. Simula nang dumating si Arjay ay parati na lamang siyang pangalawa na labis namang nagpapairita sa dalaga. ‘Yun ang dahilan kaya mainit ang dugo ni Mira sa binata.
“Hanggang ngayon ba ay hindi mo pa rin matanggap si Mira?” tanong ng ama ni Mira sa kaniyang asawa. “Sinubukan ko naman pero sa tuwing nakikita ko ang batang iyon ay naaalala kong minsan mo akong pinagtaksilan dahil lamang sa hindi kita mabigyan ng anak. Alam mo ba kung gaano kasakit iyon para sa isang babae, ha?” madamdaming sagot ng ginang sa asawa.
Napatungo na lamang si Mira at dahan-dahang umakyat patungo sa kaniyang kwarto upang hindi siya mapansin ng kaniyang mga magulang.
Anak si Mira sa ibang babae ng kaniyang ama. Hindi nakilala ng dalaga ang kaniyang tunay na ina dahil pagkapanganak pa lamang sa kaniya ay kinuha at dinala na siya agad ng ama sa bahay na iyon. Nalaman niya ang kaniyang tunay na pagkatao noong minsang nadulas ang kaniyang tiya noong bata pa siya.
Hindi naman nagkulang sa kaniya ang kaniyang ama at kailanman ay hindi rin siya inalipusta ng asawa nito. Sa katunayan para kay Mira ay ito na ang kaniyang ina. Ito kasi ang sabi sa kaniya ng kaniyang ama at ito na rin ang kinalakihan niyang ina.
Ginagawa ng dalaga ang lahat para mahalin siya ng ginang. Ngunit kahit na anong gawin niya ay para bang kulang pa rin ito. Hindi pa rin siya nito matanggap ng lubusan.
Pinilit din niyang maging pinakamagaling sa lahat. Nagbabakasakali siyang kapag siya na ang nangunguna ay matututunan na siyang mahalin at tanggapin ng kinikilalang ina.
Ngunit dahil nga sa Arjay na ang palaging nangunguna sa paaralan ay parati na lamang siyang pangalawa. Isa itong malaking harang sa kaniyang mga nais na makuha. Kinakailangan niyang mapatalsik ang binata sa paaralan nang sa ganun ay wala ng maging hadlang sa kaniyang landas.
Naisipan ni Mira na sundan ang binata pagkatapos ng kanilang pasok upang makahanap ng maaaring gamitin para mapatalsik ito sa kanilang paaralan. Pagkatapos ng klase ay maingat na sinundan ng dalaga si Arjay sa pag-uwi nito.
Hindi agad dumiretso ang binata sa bahay. Sumaglit muna ito sa palengke kung saan itinitinda ng ama nito ang mga isdang nahuli sa umaga. Nakita ni Mira na tumulong sa pagtitinda ang binata at nakangiting binabati ang bawat mamimili sa kanila.
Hindi niya maintindihan kung paano nagagawang ngumiti ng binata sa kabila ng hirap na dinaranas nito araw-araw. Labis man niya itong ipinagtataka ay hindi na lamang ito binigyang pansin ng dalaga.
Pagkaraan ng ilang oras ay umuwi na rin si Arjay. Naiwan ang ama ng binata sa palengke para ipagpatuloy ang pagtitinda.
Patuloy na sinundan ni Mira ang binata hanggang sa makarating ito sa kanilang tahanan. Nakatira ang pamilya ni Arjay sa isang maliit na kubo na malapit sa pangpang.
Hindi maintindihan ng dalaga pero parang gusto niya pang sundan ang binata hanggang sa loob ng bahay nito. Pakiramdam niya ay may matutuklasan siyang isang napakaimportanteng bagay oras na gawin niya iyon.
Tinignan ni Mira ang kaniyang orasan at nabigla siya nang malamang malapit na palang mag-alas otso ng gabi. Uuwi na sana siya nang makita siya ni Arjay.
“Mira?” tawag sa kaniya ng binata.
Hindi sumagot si Mira kaya nilapitan siya ng binata. “Mira, ikaw ba ‘yan?” muling tawag ng binata.
Aalis na sana si Mira nang bigla niya na lamang naramdaman ang kamay ng binata na nakahawak sa braso niya. “Ano ang ginagawa mo dito?” Hindi makapaniwalang tanong ni Arjay.
Sasagot na sana ang dalaga nang biglang may lumabas na payat na babae mula sa loob ng kubo.
“Mira, anak, ikaw na ba ‘yan?” Halata ang galak at pananabik sa boses ng babae. Bagama’t pumayat ito ng husto ay mahahalata pa rin ang taglay nitong ganda.
Hindi maaaring magkamali si Mira. Ito ang babae sa larawang ibinigay sa kaniya ng kaniyang tiya na kaniyang pinaka-iniingatan, ang larawan ng kaniyang tunay na ina.
Nanigas sa kinatatayuan ang dalaga. Labis siyang nabigla sa kaniyang natuklasan at hindi niya alam kung paano haharapin ang sitwasyon.
Mahahawakan na sana siya ng babaeng nasa larawan nang bigla na lamang siyang tumakbo paalis.
Halo-halong emosyon ang kaniyang nararamdaman. Tuwa, lungkot, galit, sakit, pananabik at napakaraming tanong ang naglalaro sa kaniyang utak.
Pagkauwi ni Mira ay agad niyang kinompronta ang kaniyang ama tungkol sa kaniyang natuklasan. Wala nang nagawa ang ginoo kung ‘di sabihin sa anak ang katotohanang matagal nito itinago sa dalaga.
Totoong ang babaeng iyon ang tunay na ina ni Mira at anak siya sa labas ng kaniyang ama. Nagkaroon ng kasunduan ang kaniyang mga magulang na oras na ipinanganak siya ay kukunin siya ng kaniyang ama at kailanma’y hindi magpapakita ang kaniyang ina sa kaniya. Ito ang naisip na paraan ng kaniyang mga magulang upang hindi na magkagulo pa at pare-pareho silang magkaroon ng tahimik na buhay.
Kapatid niya sa ina si Arjay.
‘Yun ang dahilan kung bakit pilit na pinasok ng binata ang kanilang paaralan. Para makilala at mabantayan ang nag-iisang kapatid nito sa ina na si Mira.
Humingi ng tawad si Mira kay Arjay sa lahat ng kaniyang ginawa. Agad din naman siyang pinatawad ng binata at tinulungang mapalapit sa kanilang ina. Sinabi niya ang lahat ng kaniyang kinikimkim na galit sa kaniyang dibdib laban sa kaniyang ama at kinilalang ina.
Tuluyan nang nawala ang kagustuhan ni Mira na maging pinakamagaling sa lahat dahil nahanap niya na ang pagmamahal na tatanggap sa kaniya maging sino man siya. Sa pagkakataong ito ay hindi niya na kailangang maging sino pa man para lamang tanggapin at mahalin ng mga taong mahal niya.