Inday TrendingInday Trending
Ang Kuwento ni Mama

Ang Kuwento ni Mama

Pababa si Clarise ng hagdan at saktong tinatawag na siya ng kaniyang mama para maghapunan.

“Clarise! Baba na diyan!”

Naabutan niya na nakaupo na rin ito at nagsisimula nang kumain.

Umupo ang magkapatid na Clarise at Rey sa sari-sarili nilang mga upuan. Tahimik ang paligid.

“Ang bango po, ma!” untag ni Clarise habang nakangiti.

“Siyempre. Espesyal ‘yan kasi kompleto tayo.” Ngiti ng kaniyang ina. Ang ngiti na matagal na nilang hindi nakikita.

Ngumiti ang magkapatid sa sinabi nito.

Akmang kukuha na sana si Rey ng kanin pero pinatigil ito ng ina. “Hintayin natin ang papa niyo.”

Unti-unting nawala ang ngiti sa labi ng magkapatid.

Natahimik si Clarise at tumungo. Nakita niya ang inis na bumatay sa mukha ng nakatatandang kapatid.

“Ma,” tawag ni Rey sa ina gamit ang kalmado ngunit madiing boses. Huminga ng malalim ang nakatatandang kapatid at tinignan ang ina na nakatulala sa madalas inuupuan ng kanilang ama.

Maging si Clarise ay hindi na napigilan ang pagtitig sa puwesto na dating inookupa ng haligi ng tahanan.

“Babalik ‘yon. Nangako siya sa’kin. Wala pa siyang pinangako na hindi niya tinupad,” saad ng ina.

Yumuko si Clarise para pigilan ang kaniyang mga luha. “Mama, hindi na babalik si papa.” Sa wakas ay nagkaroon siya ng lakas ng loob na magsalita.

Inalis ng ina ang tingin sa upuan ng kanilang ama at ngumiti sa mga anak. “Bakit? Buhay pa naman ang papa niyo, ah.”

“Buhay pa siya pero…” May sasabihin pa sana si Clarise ngunit sinaway na siya ng nakatatandang kapatid.

“Bunso.”

Tumungo si Clarise at mapait na ngumiti. Nawalan ng gana at hindi na niya gusto na kumain.

“Alam ko, mga anak. Alam kong kahit anong gawin ko ay hindi na siya babalik dahil bumalik na ang taong unang minahal niya. Dahil kahit ako ang pinakasalan niya hindi naman ako ang taong mahal niya. Alam ko. Umaasa lang ako na uuwi siya sa’tin kasi kahit hindi niya ako mahal lahat ng pinangako niya ay tinutupad niya.”

Halos madurog ang puso ni Clarise sa sinabi ng ina. Mariin ang pagpikit ng kaniyang mata.

Binagsak ni Rey ang kamay nito sa mesa kaya napatingin sila dito. “Hindi na siya babalik, ma. Hindi na siya babalik sa pamamahay na ito. Simula nung talikuran niya tayo ay tapos na ang pagiging ama niya sa’min! Ma, wala na ang taong mahal mo!” mariin nitong pahayag.

“Anong ibig mong sabihin…” nabitin ang sasabihin sana ng ina.

“Hindi na niya matutupad ang pangako niyang bumalik dahil kahit na hindi siya nam*tay sa aksidente ay alam natin na ginawa niya iyon para sa taong mahal niya. Sinugal niya ang buhay niya para iligtas ang taong pinili niya.” Umalis si Rey sa hapag kaya naiwan silang dalawa.

Kahit na sinubukan ng kanilang ina na itago ang tunay na lagay ng kanilang pamilya ay hindi naging lingid sa magkapatid ang totoo.

Ayos naman ang kanilang ama kung tutuusin. Alam nilang mahal sila nito. Mahal nito ang kanilang pamilya. Ngunit sadyang may kulang.

Kaya naman nang mabalitaan nila na nasangkot ito sa isang aksidente isang araw ay labis ang kanilang pag-aalala. Lalo pa’t hindi na ito umuwi simula noon.

Nalaman na lang ng magkapatid sa kanilang ina na ang babaeng iniligtas nito ay ang tunay nitong minamahal. Hindi sinasadya na magkikita ulit ang dalawa at sadyang nagkataon lang.

Muntik na itong mahagip ng rumaragasang sasakyan kaya naman mabilis na sumaklolo ang kanilang tatay. Sa bingit ng kamatayan ay nakita nito ang taong matagal na nitong hinihintay. Matagal na itong hindi nakita ng ama ni Clarise at ngayong pinagtagpo ulit ang kanilang mga landas ay hindi na nito kayang pakawalan pa ulit ang babae.

Tahimik na umiiyak ang ina ni Clarise habang pinipigil ng dalaga ang kaniyang mga luha. Ayaw niyang magpakita ng emosyon.

“Anong nangyari sa pamilya natin, mama at papa?” Naisip niya.

Huminga ng malalim ang ina ni Clarise. “Natupad na niya ang pangako niya,” mahinang bulong nito sa hangin.

Kumunot ang noo ni Clarise ngunit hindi siya nagsalita. Nanatili siyang nakikinig sa mga sinasabi nito.

“Pangakong aalagaan at ililigtas niya ang taong mahal niya. Pangakong babalik siya sa taong mahal niya. Pangakong babalik siya pero hindi na sa akin kung ‘di kay ate.”

Gulat ang bumadya sa mga mata ni Clarise. Marami siyang gustong itanong ngunit pinili niyang pakalmahin muna ang sarili. “Kapatid niyo ang unang minahal ni papa?” tanong niya sa wakas nang mahanap ang boses.

Tumango ang kaniyang ina at ngumiti ng mapait. “Half sister. Anak ni Tita Cynthia, ‘yung madrasta ko.”

“Ma…” Malungkot na tumingin si Clarise sa kaniyang ina.

“Masaya ako, anak. Masaya akong malaman na kahit hindi na siya babalik sa atin ay kasama na niya ang totoong mahal niya. Minsan lang talaga ay hindi ko maiwasan na maging malungkot,” pahayag ng ina at bahagyang ngumiti.

“Kung hindi lang ako nabuntis, eh, ‘di sana nagkaroon pa sila ng pagkakataon. Eh, ‘di sana hindi ako ang pinakasalan niya. Sila naman talaga ang dapat,” mapait na sabi ng ina.

“Kasalanan ko rin talaga pero hindi naman ako nagsisisi. Minahal niya rin naman ako hindi nga lang kapantay ng kay ate. Hindi nga lang buo. At saka kung hindi kami nalasing pareho, eh, ‘di sana wala kayo dito ng Kuya Rey mo, ‘di ba?” pagpapatuloy ng ina.

Habang ang ina ay malapad ang ngiti si Clarise ay ni hindi man lang makangiti dahil sa bigat ng loob.

“Kumain na tayo,” aya ng ina at ginalaw ang kutsara at tinidor.

Wala ng gana si Clarise ngunit para sa ina ay nagsimula siyang sumubo ng pagkain.

Natapos ang gabi nang tahimik pero rinig ang buong magdamag na iyak ng kanilang ina sa kwarto nito at ng kanilang ama.

“Magiging masaya ako para sa’yo. Para sa inyo,” ulit pa nito. Hayaan mo lang ako umiyak ngayon,” dagdag nito sa mapait na boses.

Matagal nang iniisip ni Clarise kung “mang-aagaw” nga ba talaga ang kaniyang ina kagaya ng madalas niyang marinig sa mga kapitbahay simula noong bata pa siya. Ngunit may napagtanto si Clarise habang nakatitig sa kisame ng kaniyang kwarto at naririnig ang iyak nito.

Ang kaniyang mama ay isa lamang sa mga taong biktima ng pag-ibig. Hindi nito ginustong maging kontrabida dahil wala naman itong gustong saktan. Kung susumahin ay mas nasasaktan ito sa sitwasyon.

Ito ang kuwento ng kaniyang ina. Mukha itong kontrabida at mang-aagaw kung titignan ang istorya sa ibang perspektibo. Pero kagaya ng mga bida sa sarili nilang mga kuwento ay biktima lang din ito ng sitwasyon.

Advertisement