Inday TrendingInday Trending
Ang Tunay na Makapangyarihan

Ang Tunay na Makapangyarihan

“Bless, anong gusto mong pasalubong?” tanong ng kaibigang si Yani. Pupunta kasi ito ng bansang Vietnam. “Isa lang lagi ang hihingin ko kahit saan ka magpunta, Yani. Dream catcher. Pumili ka ng maganda ha!” sagot ng babae.

“O siya, siya. Sige na at maaga pa ang flight ko bukas. Matulog ka na din. Sweet dreams!” paalam ng kaibigan.

“Talagang sweet dreams ako lagi. Salamat sa mga dream catcher ko,” pagkausap ni Bless sa kaniyang sarili habang minamasdan ang sangkatutak niyang koleksyon na nakasabit sa bintana ng kaniyang kwarto.

Madalas kasi siya bangungutin noon. Madami na siyang sinubukang gawin noon para maiwasan ito. Pinabendisyunan niya ang kaniyang kwarto, uminom ng sleeping pills, komunsulta sa doktor at kung anu-ano pa.

Nabasa niya sa isang online site na epektibo daw ang pagsasabit ng dream catcher sa bintana. Sinubukan niya ito. Sa unang gabi pa lang ay hindi na siya binangungot.

Ang dream catcher ang sumalba sa kaniya.

Kaya naman naging adiksyon niya na ang pangongolekta ng dream catcher. Kahit saan siya magpunta ay ito ang kinukuha niyang souvenir. Sa ngayon ay mayroon na siyang humigit kumulang tatlumpung dream catcher na magkakaiba ang kulay, disenyo at laki.

“Salamat, mga dream catcher ko. Dahil sa inyo ay wala akong pinangangambahan,” nakangiting pumikit si Bless at natulog.

Kagaya ng mga nakaraang araw ay mapayapa ang kaniyang gabi.

Makalipas ang isang linggo ay nakabalik na ang kaibigan niyang si Yani sa Pilipinas.

Nanlaki ang mata ni Bless nang makita ang dream catcher na binili para sa kaniya ng kaibigan. Ito na ata ang pinakamagandang bagay na nakita niya sa tanang buhay niya!

“Thank you, Yani! Sobrang ganda nito!” maligayang pasasalamat ni Bless sa kaibigan.

“Special daw ‘yang dream catcher na ‘yan, Bless!” pagyayabang pa ng kaibigan.

“Bakit daw?” naiintrigang tanong ni Bless sa kaibigan. “Hindi sinabi ni, ate. Basta ang sabi niya ay espesyal daw,” humahalakhak na tugon ni Yani.

“Loka-loka ka talaga!” natawa na din siya.

Excited na isinabit ni Bless sa kaniyang bintana ang bagong parte ng kaniyang koleksyon. Hinaplos-haplos niya pa ito na parang tao. “Ang ganda ganda mo!”

Nang gabing iyon ay nagising si Bless na madilim ang paligid. Nagtataka siya dahil hindi naman siya natutulog ng nakapatay ang ilaw.

Akmang tatayo siya nang maramdaman na tila paralisado ang buo niyang katawan. Nais niya sanang lingunin ang kaniyang mga koleksiyon upang umusal ng piping hiling na magising mula sa kaniyang bangungot subalit kahit ang ulo niya ay hindi niya maigalaw. Mariin siyang pumikit.

Mayamaya ay nakahinga siya nang maluwag nang maramdaman na naigagalaw niya ng muli ang kaniyang katawan.

Pawisan siya nang magising kaya naman pumunta siya sa kusina upang uminom ng tubig.

“Bakit kaya binabangungot na naman ako?” sa isip-isip niya habang dire-diretsong nilalagok ang malamig na tubig.

Nahagip ng mata niyang ang bagong dream catcher na nanggaling sa kaniyang kaibigan.

“Hindi, imposible. Ang dream catcher ay tagapagtaboy ng bangungot kaya imposible.”

Mayamaya lang ay muling nang nakaidlip si Bless.

Mabigat ang pakiramdam ni Bless nang magising siya ng umagang iyon. Malaking palaisipan pa din sa kaniya kung bakit siya binangungot nung nagdaang gabi.

Isinantabi na muna ng babae ang kaniyang mga alalahanin at agad na naghanda sa pagpasok sa trabaho.

Pagod na pagod ang babae nung siya ay nakauwi kaya naman agaran siyang nakatulog.

Naalimpungatan si Bless nang maramdaman ang tila bakal na nakadagan sa kaniyang dibdib. Hindi siya makahinga. Sinusubukan niyang gumalaw ngunit tila nakatali ang kaniyang mga kamay at paa.

Napako ang tingin niya sa mga dream catcher na nakasabit sa kaniyang bintana. Napakaganda ng mga ito tignan habang tila sumasayaw sa ihip ng hangin. Walang pakialam sa pinagdaraanan niya.

“Please, please. Kailangan mong magising,” pagkausap niya sa sarili.

Nang ilang ninuto na ang lumipas at hindi pa din siya nakakagalaw kaya nag-panic na siya. Naalala niya ang mga nakakatakot na istorya ng mga taong namamat*y sa bangungot. Alam niyang bihira ito mangyari pero nangyayari pa din kaya naman nakadama na siya ng takot. Mauubusan na din siya ng hangin dahil nga tila may nakadagan na kung ano sa kaniyang dibdib.

Sa nanlalabong paningin ay isang pangalan lang ang naisipan niyang tawagin.

“Diyos ko, iligtas Mo po ako!”

Ilang segundo lang ang lumipas ay napabalikwas ng bangon si Bless. Hinahabol niya ang kaniyang hininga at basa ang kaniyang mga pisngi ng luha.

Pumikit siya at nanalangin. “Salamat, Diyos ko, sa pagligtas mo sa akin mula sa kapahamakan.”

Nang umaga ding iyon ay sinimulan niyang pagtatanggalin ang kaniyang mga koleksyon. Nilagay niya ang mga ito sa isang kahon at inilagay sa ilalim ng kaniyang kama.

Isang bagay ang napagtanto niya. Nagkamali siya na gawing sentro ng kaniyang debosyon ang dream catcher. Hindi dream catcher ang sumalba sa kaniya kung ‘di ang pananampalataya niya sa Diyos.

Advertisement