“Yung anak ni Cynthia, akala mong tiyanak nung pinanganak. Ke pangit pangit at ang itim itim. Parang uling!”
“Alam mo ba nalaman ko yung kilikili ni Andeng, parang gubat daw sa sobrang itim at dami ng tumutubong buhok.”
“Mabaho ang bunganga nung baklang JC! Nakakaloka!”
Halos tuwing umaga ay maririnig ang paninira sa kapwa ni Aling Loleng. Siya ang nangunguna sa pamimintas ng kanyang mga kapitbahay at iba pang kakilala. Hindi niya alintana kung malaman man ng pinipintasan niya ang mga sinasabi niya o kung masaktan man ang mga ito sa paninirang puri niya.
Mayaman ang ginang kung kaya naman marami rin siyang koneksyon sa baranggay at iba pang angkat ng gobyerno. Bukod doon ay marami ring pumapanig sa kanyang mga kapitbahay dahil sa kakarampot na perang ipinamumudmod niya sa mga ito.
“Hindi ka ba natatakot na baka makarma ka sa mga ginagawa mo?”
Napaangat ang kilay ng ginang sa sinabi ng kanyang kumare. Agad niyang inismiran ito, “At bakit naman ako matatakot, aber? Kahit karma kaya kong bayaran sa yaman ko!”
“Ikaw ang bahala. Basta sinasabi ko sayo, ang karma hindi palaging nariyan pero titirahin ka na lang sa pinaka hindi mo inaasahang panahon at oras.”
Dedma si Aling Loleng sa sinabi ng kanyang kumare. Sa isip isip niya ay wala lang itong magawa sa buhay kung kaya kung ano ano na ang pumapasok sa kukote nito.
Isang araw ay may nakasalubong siyang matandang pulubi na nanghihingi sa kanya, “Pahingi naman po kahit kaunting barya.”
Agad niya itong inirapan, at hindi pinansin. Ngunit sadyang mapilit ang matanda at dinikit pa talaga ang mabahong kamay sa balat niya, “Ano ba naman ‘yan, Tanda?! Ke baho baho at ang dumi dumi mo, dumidikit ka pa sa akin! Lumayo ka nga!”
“Sige na naman, gutom na gutom na kasi ako…”
“Anong kasalanan ko kung gutom ka? Nasa akin ba ang kaldero?” inis niyang sigaw dito.
Alam niyang pinagtitinginan na sila. At wala siyang pakialam doon. Sa katunayan ay mas gusto niya iyon. Dahil mas gusto niyang nasa kanya ang atensyon ng maraming tao. Kaya naman mas pinag-igihan niya pa ang pang aapi sa matanda. Feel na feel niya ang kunwaring pagiging kontrabida niya sa isang teleserye.
“Umalis ka na sa harapan ko bago pa kita paliguan ng mainit na tubig, Tanda!”
Nakita niya pang bumulong ang matanda bago siya tuluyang talikuran.
“Bubulong bulong ka pa ‘dyan. Baka akala mo, bubuyog kang matanda ka!”
Halos palakpakan niya ang sarili sa ginawa. Ito naman talaga kasi ang goal niya sa buhay. Ang manlait at mang api ng kapwa. Tila ba naging hobby niya na rin kasi ito. Bukod doon ay wala naman ni isa sa mga nilalait at inaapi niya ang nagagawang magsumbong dahil nga sa kayamanan niya.
Ngunit isang araw ay nagtaka na lamang si Aling Loleng nang paggising niya ay tila makirot ang kanyang labi. Inisip niyang baka natuyo lamang iyon dahil sa lamig ng panahon. Naka-aircon pa man din siya.
Kaya naman hindi niya pinansin iyon hanggang sa pagligo at pag upo sa hapag kainan upang kumain ng agahan. Napansin niya lang ang katulong niya na nakatitig sa kanya na tila ba may dumi sa kanyang mukha.
“Anong tinitingin tingin mo d’yan?! Mas madumi ang mukha mo sa akin, tonta!”
Tila nag aalangan pa ito na parang may gustong sabihin.
“Sabihin mo na kung anong gusto mong sabihin. Hindi yung tatanga tanga ka pa d’yan!”
Napakamot ito sa ulo at saka kumuha ng maliit na salamin, “Eh kasi po Ma’am…” alanganin nitong inabot ang salamin at tinapat sa mukha niya.
Una niyang nakita ang nakataas niyang kilay. At saka napababa ang tingin sa kanyang bibig na halos hindi niya mapaniwalaan ang nakikita, “Aahhhh!”
Halos mabingi ang katulong niya sa malakas niyang sigaw. Diring diri kasi siya sa nakikita niya ngayon sa bibig. Puro nana ang palibot ng bibig niya at gusto niyang masuka sa nakikita.
“Hindi po kaya nakulam kayo, Ma’am?”
Ika ng kanyang katulong nang bigo siyang umuwi galing sa kanyang doktor dahil wala ilang linggo nang nakalipas ay hindi pa rin nalulunasan ang mga nana sa bibig niya.
Dahil doon kung kaya naman nagpagamot siya sa isang albularyo.
“Matabil ang dila mo,” unang sabi sa kanya ng albularyo kahit wala pa silang sinasabi dito. “Madalas kang makasakit ng kapwa sa mga sinasabi mo.”
Gulat na gulat siya dahil hindi niya lubos akalaing tama ang lahat ng sinasabi nito ngayon.
“Gagamutin kita, pero ipangako mong maniniwala ka sakin at magbabagong buhay ka na matapos nito.”
Namalayan niya na lang ang sariling napapaluha sa mga nangyayari. Tanong niya sa isipan, “Ito na ba ang karmang sinasabi nila?”
Doon ay napagtanto niyang tama nga ang mga kakilala niya. Na isang araw ay may darating sa kanyang malupit na karma na kailanman ay hindi matutumbasan ng kahit na anong yaman niya.
Kaya naman nang unti unti na siyang gumagaling ay unti unti na ring nagbago si Aling Loleng. Sa bawat salitang binibitawan niya, iniisip niya na kung makakasakit ba ito sa kanyang kapwa.