Buong Akala ng Dalaga ay Pag-aaralin Siya ng Tiyahin, Nalugmok Siya nang Malamang Ipapalit Lang Pala Siya sa Katulong Nito
“Jacky, magtungo ka na sa tiyahin mo sa Maynila. Ang sabi niya kasi sa akin ay pag-aaralin ka daw niya. Magandang oportunidad ang nag-aantay sayo dun, anak. Sana pumayag ka na,” ika ng nanay ni Jacky.
Simula kasi nang magkasakit ito ay natigil na rin siya sa pag-aaral at tumulong na lang sa pamilya sa pagtitinda at paglalako ng mga kakanin.
“Oo nga, ate. At sabi rin ng mga kaklase ko na kapag napatira ka daw sa Maynila ay matatawag ka nang Manila Girl,” masaya at excited pa na sabi ng kanyang nakababatang kapatid na si Jenna.
“Ikaw talagang bata ka, kung ano ano nang naririnig mo!” biro niya dito sabay halik sa kilikili nito.
Tawa ito nang tawa ngunit hindi pa rin nagpapigil sa pagsasalita, “Ayaw mo ba nun, ate? Magiging ayos na ang pananamit mo!”
Masaya siya na nalulungkot sa isiping mawawalay na siya sa ganito kasayang pamilya. Gusto niya mang manatili sa tabi ng mga ito ay wala siyang ibang choice dahil kailangan niya ring maabot ang mga pangarap para sa kanyang pamilya.
Kaya naman sa huli ay tinanggap niya rin ang offer ng kanyang tiyahin na lumipat sa Maynila upang pag-aralin siya.
Para siyang naiibang nilalang pagtuntong niya sa malaking syudad ng Maynila. Nakatira ang auntie niya sa malaking condominium sa Makati. At ang alam niya lang na kasama nito sa malaking tahanan ay ang aso at katulong nito.
“Auntie, nasaan na po si Bernalyn?” tanong niya sa matanda nang mapansing wala sa bahay nito ang katulong nito.
“Ah, umalis. Magbabakasyon muna daw sa Maynila,” walang anumang tugon nito.
Kaya naman dahil doon ay nag-volunteer siyang maglinis at gumawa ng mga gawaing bahay. Sa isip isip niya kasi ay sa isang linggo pa naman ang enrollment niya.
“Maigi ‘yan. Magsipag ka dito, para naman may pakinabang ako sayo kahit papano,” ika ng tiyahin niya minsang nakita siyang naglilinis ng banyo. “Sa nanay mo kasi wala na…”
Kahit pabulong lang iyong sinabi ng auntie niya ay rinig na rinig niya pa rin ang huling sinabi nito. Nagtaka man ay pinawalang bahala niya na lamang iyon.
Sumapit ang isang linggo at ini-enroll nga siya ng tiyahin sa isang pampublikong unibersidad. Kumuha siya ng Hotel and Restaurant Management Course.
Masaya niyang binalita agad sa pamilya ang pag-eenroll niya at masayang masaya rin naman ang nanay at kapatid niya sa kanyang sinabi, “Pangako po Nay, magtatapos po ako ng pag-aaral at dadalhin ko rin kayo dito sa Maynila kapag nakapagtrabaho ako ng maganda.”
Ngunit hindi inasahan ng dalaga na iyon na pala ang magiging huling magandang balitang ihahatid niya sa pamilya. Dahil ilang linggo lang ang nakalipas ay natuklasan niya ang talagang hangarin ng kanyang tiyahin kung bakit siya pina-byahe patungo sa tahanan nito sa Makati.
“Maglinis ka d’yan! At yung mga damit ko naman Jacky, jusmiyo! Ayusin mo naman ang paglalaba. Lintik ka! Hindi kita pinag-aaral at pinalalamon nang libre! Kumilos kilos ka nang maayos dito.”
Natuklasan niya kasi na lumayas pala ang katulong nito nang minsang bugbugin ng tiyahin niya at pagbintangan na magnanakaw. Dahil doon kung kaya siya pinapunta ng tiyahin upang ipalit talaga sa katulong nito. Ginawa lamang daw nitong dahilan ang pagpapaaral sa kanya upang mas mabilis siyang mapapayag.
Lugmok na lugmok siya sa sitwasyong kinasadlakan. Tila hindi niya mapaniwalaan ang nangyayari sa kanya. Sa ngayon kasi kahit nakakapag aral siya ay tila binabayaran niya rin ang lahat nang iyon dahil sa pangangatulong niya sa kanyang tiyahin.
Hindi niya rin masyadong mapagtuunan ng pansin ang pag aaral, lalo na ang mga examinations dahil sa halos gabi gabi siyang puyat matapos lamang sa mga gawaing bahay.
Pati nga pag aalaga sa aso nito ay obligasyon pa rin niya. Hindi niya na lang tuloy mapigil ang sariling mapaiyak sa gabi gabing pagdurusang nadarama. Miss na miss niya na ang pamilya sa probinsya. Ngunit wala siyang ibang magawa dahil kailangan niyang tuparin ang pangako sa mga ito na makakapagtapos siya ng pag aaral at iaahons a kahirapan ang mga ito.
Kaya naman pinagtiisan na lamang niya ang mga hirap na dinaranas niya. Nag-aral siyang mabuti kasabay ng pagsusumikap niya sa mga gawaing bahay. Wala siyang inindang hirap at pasakit mula sa tiyahin. Sa halip ay ginagawa niyang inspirasyon ang makausap at makita ang masasayang mukha ng kanyang pamilya.
“Torres, Jacky… cum-laude!”
Palakpakan ang mga tao sa paligid at puno ng luha ang kanyang ina sa oras ng kanyang pagtatapos. Proud na proud daw ito sa kanya.
“Ang pagtatapos ko pong ito ay inaalay ko sa aking ina at pamilya…” madamdamin niyang panimula. “Kung hindi po dahil sa inyo wala ako ngayon dito.”
Ilang saglit pa’y tumingin siya sa tiyahin na tila nahihiyang tumingin sa kanya, “Sayo auntie… salamat rin po dahil binigyan niyo ako ng pagkakataong makapag-aral at mangarap.”
Mula sa puso ang kanyang sinabi. Nagpapasalamat talaga siya dito. Matagal niya na rin itong pinatawad at ang tanging nasa isip niya nalang ngayon ay ang kanilang panibagong kinabukasan.