Nagalit ang Isang Ama Dahil sa Nagawang Pagpa-plastic Surgery ng Anak, Hindi Niya Akalaing Grabe Pala ang Naging Paghihirap Nito
Masayang-masaya si Mang June nang marinig ang pagtunog ng bell sa kanilang kumpanya, senyales na break time na nila. Isang OFW si Mang June sa bansang Dubai at tanging sa video call niya lang madalas nakakausap ang pamilya. Nawawala lang rin ang kanyang pagod sa tuwing nakakausap sa phone at naririnig ang boses ng kanyang unica hija.
“Miss ko na ang Jessica ko,” bulong niya sa sarili.
Agad niyang kinuha ang cellphone at tinawagan ang misis.
“Kamusta na kayo d’yan?” tanong niya sa butihing asawa.
Tila nataranta naman ang nasa kabilang linya at habang palinga linga sa paligid ay sinagot siya nito, “Wala dito ang anak natin eh. May summer camp sila sa school.”
Takang-taka na si Mang June dahil hanggang ngayon ay ayaw pa ring ipakausap ng asawa niya ang kanyang anak sa kanya. Wala naman siyang natatandaang nagawang kasalanan dito. At wala namang dahilan ang kanyang anak upang magtampo sa kanya. Sa pagkakatanda niya pa nga ay nagsabi pa siya ng isang joke dito noong huli nilang pag uusap.
“Hindi naman siguro siya nagalit sa huling korning joke na sinabi ko sa kanya?”
Hindi pa rin mapakali si Mang June. Kaya naman, tinawagan niya nalang sa videocall ng Facebook ang best friend ng kanyang anak na si Jella.
“Hello po!” tila gulat na gulat ito sa pagsagot ng cellphone. Nakita niya agad ang magandang babae sa tabi nito.
“Wow, ang ganda naman ng katabi mo Jella, sino ‘yan?”
“Ah si Jessa po, ba…bagong kaibigan ko po,” nabubulol pang sagot nito.
“Ah ganoon ba? Pinagpalit mo na pala sa mas maganda ang anak ko ah? Maganda rin naman ang anak ko kaso nga lang exotic ang beauty niya.”
Alanganing ngumiti si Jella, “Hindi naman po, Tito.”
Tinanong niya dito kung nasaan ang anak niya ngunit hindi rin daw nito alam. Kaya naman sa sobrang pag-aalala sa nag-iisang anak ay agad siyang humingi ng leave sa kanyang boss upang makauwi sa Pilipinas mula sa Dubai. Matagal na panahon na rin simula noong humingi siya ng leave dito kaya pinayagan rin siya agad nito.
Hindi niya na sinabi sa pamilya na uuwi siya. Isusurpresa niya nalang ang mga ito. Ngunit sa pag-uwi niya sa kanilang tahanan ay siya pa ang nasurpresa nang makita ang isang magandang binibini ang tumawag sa misis niyang, “Mama.”
Namumukhaan niya ito. Ito ‘yung katabi ng best friend ng anak niya!
“Mama? Bakit mo tinatawag ang misis ko na mama?” tanong niya sa babae kahit kinukutuban na siya.
“Pa…” umiiyak na ang babae. Lalo siyang hindi makapaniwala sa sinabi nito.”Papa ako po ito, si Jessica.”
Gulat na gulat at tila aatakehin si Mang June. Kaya pala ayaw pakausap ng mga ito ang anak sa kanya dahil nagpa-plastic surgery ito ng mukha nang hindi niya nalalaman.
“Pa, sorry po. Ayaw na ayaw niyo po kasi dito kaya nilihim po namin ni Mama.”
Nanggagalaiti si Mang June sa nalaman. Hindi niya akalaing susuwayin siya hindi lang ng kanyang misis, kundi pati na rin ng kanyang nag-iisang anak para sa pansariling kagustuhan.
Kaya naman nilayasan niya ang dalawa at saka nagtungo sa isang bar upang mag-inom. Hindi niya namalayang sumunod pala sa kanya ang misis niya.
“Uranggutan.”
Napatingin siya dito nang hindi alam ang sinasabi nito.
“Yan ang tawag nila palagi sa anak mo. Mula bata siya hanggang sa paglaki niya, ganoon palagi ang araw-araw na salubong sa kanya ng mundo.”
Umiiyak ang kanyang misis habang nagkukwento. Hindi niya nga naman alam ang palaging nangyayari sa kanyang nag-iisang anak dahil pagkapanganak palang nito ay nag-abroad na siya para sa mag-ina niya.
“Madalas siyang ikulong sa banyo o pagtripang tapunan ng mga basura. Never rin siyang nagpakuha ng litrato dahil halos kasuklaman niya ang sarili sa tuwing nakikita ito sa picture.”
Iyak sila nang iyak habang naiisip ang masasakit na nangyari sa kanilang anak. Doon huminahon ang galit sa puso ni Mang June. Niyakap niya ang asawa.
“Ngayon lang nakaramdam ng totoong pagtanggap ng mundo ang anak natin. Ngayon ko lang siya nakitang tumawa at maging confident sa sarili. Huwag na sana nating ipagkait sa kanya ang bagong yugtong ito ng kanyang buhay.”
Napaiyak na rin si Mang June habang tinitignan ang kaisa-isang litrato ng kanyang anak na palihim niya pang kinuhanan noon. Hindi niya lubos maisip na ganoon na pala ang lungkot na dinaranas ng kaisa isa niyang anak mula noong bata pa ito.
Kaya naman nakabuo siya ng desisyon. Pinuntahan niya ang kanyang anak at niyakap ito, “Patawarin mo ako anak, hindi ko man lang naramdaman ang paghihirap mo noon. Hindi rin kita nagawang ipagtanggol sa mga nang aapi sayo.”
Umiling ang dalaga, “Wala kang kasalanan Pa. Sorry rin po. Mahal na mahal kita, Papa.”