Inday TrendingInday Trending
Dahil Walang Telebisyon ay Naging Bonding na Lamang ang Bawat Oras sa Mag-ama

Dahil Walang Telebisyon ay Naging Bonding na Lamang ang Bawat Oras sa Mag-ama

“Kailan kaya tayo magkakaroon ng TV, tay?” tanong ni Liam sa kanyang amang si Mang Dante.

Napalingon naman ang ama na busy sa pagpaparikit ng apoy sa de-uling nilang lutuan, “Bakit mo naman natanong, anak? Hindi ka na ba masaya sa buhay natin na walang telebisyon o anumang gadget?”

Agad na umiling ang binata, “Syempre, masaya pa rin po. Kaso nga lang kung minsan ay nahuhuli na ako sa kwentuhan ng mga kaibigan ko dahil hindi ko po alam ang mga sinasabi nilang palabas. Kung minsan ay pinagtatawanan pa nila ako dahil ang inosente ko daw po pagdating sa mga gadgets.”

Halatang nalungkot ang mukha ng ama sa sinabi niya, “Huwag kang mag alala anak, darating rin ang araw na mabibili ko na ang mga bagay na gusto mo. Sa ngayon ay mas maganda naman siguro ang kwentuhan nating mag-ama kaysa sa kwentuhan ng mga kaibigan mo, hindi ba?”

Napangiti si Liam at saka inakbayan ang ama, “Oo naman po, Tay. Kahit kailan ay hindi matutumbasan ng kahit na anong bagay ang bonding nating mag ama.”

Nagkatinginan at ngumiti nang pilyo ang dalawa, “Game na ba?”

Natawa agad si Liam sa tanong ng kanyang masayahing ama, “Game na po Tay!”

Dali-daling kinuha ni Mang Dante ang baraha at saka binalasa. Maghapon at masaya silang naglarong mag ama ng pares pares sa baraha. Sa tuwing natatalo ang isa ay nagkakatawanan silang dalawa. Halakhakan ang tanging naririnig sa kanilang tahanan.

“Ano ba ‘yan? Nakakainggit naman itong mag amang ito. Palagi na lang masaya ang tahanan kahit wala akong ibang gamit na nakikita kundi electric fan!” masayang biro ni Aling Nene sa kanilang dalawa.

Napatigil naman sila saglit sa ginagawa at saka lumingon sa bintana kung saan naroon ang matanda, “Hindi naman Aling Nene, masaya lang talaga kami kapag magkasama kami ng anak kong ito.”

“Hindi lang anak, Tay, kundi gwapong anak,” pabirong tugon naman ni Liam.

Mahinang binatukan ni Mang Dante ang kanyang binatang anak, “Anong gwapong pinagsasabi mo d’yan?!”

Nagulat si Aling Nene sa reaksyon ng ama.

“Pogi lang, ako ang gwapo dito!” bawi ni Mang Dante sabay tawan nang malakas.

Napailing na lamang ang matandang babae sa nakikitang eksena ng mag-ama. Sa isip isip niya ay hindi talaga matutumbasan ng pera ang ganitong klaseng relasyon sa pagitan ng dalawa. Nainggit na naman tuloy siya bigla sa dalawa.

At kapag naiisip niya ang bagay na iyon ay hindi niya mapigilan ang sariling humiling na sana ay simpleng pamumuhay na lang rin sana ang meron silang magpapamilya. Napansin niya kasing dahil sa mga makabagong gadgets na patuloy niyang binibigay sa mga anak ay unti unti na siyang nakakalimutan ng mga ito. Ni hindi na nga magawa ng mga ito ang sabayan siya sa pagkain dahil busy lahat ang mga anak niya sa paggamit ng cellphone, laptop at iba pang gadgets.

“Mang Dante…” tawag ni Aling Nene sa pagitan ng seryosong tinig.

Napalingon naman ang matandang lalaki sa kanya, “Hmm?”

Ngumiti siya dito nang sinsero, “Ang swerte niyo dahil wala kayong kahit na anong gadgets sa bahay niyo.”

Nangunot noo ang matanda, “Anong ibig niyong sabihin, Aling Nene?”

Umiling siya at saka tinawag naman si Liam, “Huwag na huwag mong baguhin ang pakikitungo mo sa iyong ama. Mahalin mo siya at huwag ipagpapalit sa kahit na anong nakakapang akit na mga bagay.”

Tila nakuha naman agad ni Liam ang ibig iparating ng matanda kung kaya ngumiti ito, “Opo, Aling Nene, makakaasa po kayo.”

Ilang taon ang lumipas nang makapagtapos sa pag aaral ay nagkaroon ng maayos na trabaho si Liam. Naiahon niya nang paunti unti sa kahirapan ang kanyang mahal na ama. Nakabili siya ng mga gamit sa bahay tulad na lamang ng gas stove upang hindi na magluto sa de-uling na kalan ang kanyang ama.

Sumunod ay ang TV na mas lalo pa nilang naging bonding dahil pareho sila ng mga hilig panuorin. Pagkatapos ay bumili rin siya ng iba’t ibang gadget na magagamit ng ama upang makapaglibang libang ito sa tuwing nasa trabaho siya.

Ngunit tulad nga ng sinabi ni Aling Nene noon sa kanila, “Huwag na huwag mong baguhin ang pakikitungo mo sa iyong ama. Mahalin mo siya at huwag ipagpapalit sa kahit na anong nakakapang akit na mga bagay.”

Hindi kailanman nagbago ang samahan nila ng kanyang tatay. Sa halip ay mas lalo pa itong pinatatag ng panahon at iba’t ibang pagsubok sa buhay. Para sa kanya ay napakaswerte niya sa kanyang ama kung kaya naman bago siya tuluyang bumuo ng pamilya ay binigay niya muna ang lahat para dito.

Advertisement