Kahit Yumaman ang Dalaga sa Ibang Bayan ay Hindi pa rin Siya Nakalimot na Bumalik sa Kanyang Pinanggalingan at Tumulong sa Kababayan
Si Eliza ay isang dalagang nagmula rin sa kahirapan noon. Naranasan niya ang buhay na kung tawagin ng karamihan ay “isang kahig, isang tuka”. Ngunit sa kabila ng mga paghihirap at pagsubok sa buhay ay hindi siya sumuko, sa halip ay nagpatuloy siya at nagsumikap upang maabot ang kanyang mga pangarap.
Dahil hilig niya ang pagsasalita sa maraming tao at mag-enterntain ng iba ay naging video blogger siya o mas kilala sa tawag na vlogger. Sa tuwing may naiisip siyang ideya ay agad niyang kinukuhanan ang sarili at pinopost sa Facebook at Youtube.
Dahil sa mga nakakatuwang videos niya, maraming mga tao ang tumangkilik sa channel niya at naglike ng mga videos niya. At dahil sa maraming views at followers, unti unting nakilala ang dalaga. Marami na ring advertisements ang kumo-contact sa kanya at nagbabayad upang lagyan ng video commercials and ads ang mga pinopost niyang videos.
Kahit paunti-unti lang ay nakakaipon ang dalaga. Bawat bayad sa kanya ng mga kumpanya ay nilalagak niya sa bangko at makalipas lamang ang ilang taon ay gulat na gulat siya nang makitang malaki na pala ang naiipon niya.
Una niyang pinaayos ang bahay nila upang hindi na nila maranasan pa ang tumutulong bahay kahit sa mahinang ulan lamang. Matapos noon ay binayaran niya rin nang paunti unti ang sangkaterbang utang nila dahil sa kahirapan noon.
Hanggang sa mas sumikat pa siya dahil sa mga videos na ginagawa. Sa lalo niyang pagsikat ay mas dumami rin ang kanyang oportunidad. May isang entertainment company mula sa Malaysia ang kumuha sa kanya upang maging host ng isang variety show. At dahil magaling naman siyang mag-ingles dahil mahilig siyang magbasa ng english books, agad niyang tinanggap ang isang napakagandang oportunidad.
Gulat na gulat siya nang makita kung magkano ang inooffer sa kanyang sahod. Labis labis ang sinasambit niyang pasasalamat sa bawat biyayang natatanggap. Kung kaya naman dahil doon ay hindi rin nakalimot si Eliza sa mga taong naiwan niya sa kanyang bansa.
Nang magkaroon siya ng pagkakataong magbakasyon makalipas ang dalawang taon sa Malaysia ay agad niyang pinuntahan ang pamilya sa Pilipinas. Matapos noon ay nagpaalam siya sa kanyang ina, “Ma, pwede niyo po ba akong samahan sa bayan?”
“Anong gagawin mo sa bayan, anak?” alam niyang medyo nag aalala ito na baka may makakilala sa kanya at pagkaguluhan siya.
Napangiti siya at hinawakan ang kamay ng ina, “Huwag ka pong mag alala Ma. Ready ako d’yan,” pinakita niya ang mask niya. “At magtutungo po ako doon para magpasalamat.”
Tila nakampante naman ang kanyang ina at saka tumango’t pumayag. Nag-tricycle na lamang sila patungo sa bayan, “Namiss kong sumakay dito. Sa Malaysia kasi iba ang tricycle eh.”
Nagkwentuhan pa sila ng ina hanggang sa marating nila ang lugar kung saan napakaraming pulubi at nanlilimos sa gilid ng simbahan.
Agad niyang kinuha ang mga nilutong pagkain na nakalagay sa styro. Masaya rin ang kanyang ina sa ginagawa niya. Excited na dumiretso si Eliza sa mga matatandang nanlilimos, umupo siya sa harap nito at pinantayan ang pulubing matanda, “Kumain na po ba kayo, Nay?”
Umiling ang matanda. Halata sa mukha nitong payat na payat at sa mga kuko nitong marumi na ilang araw na itong hindi kumakain. Kaya naman nilabas niya ang panyo at pinunasan ang kamay ng matanda. At saka kinuha ang pagkaing dala. Inabot niya iyon sa matanda, “Kain po muna kayo, Nay.”
Napaangat ng tingin sa kanya ang matanda at halos maluha sa galak, “Maraming salamat, hija.”
Mabilis nitong kinain ang pagkaing dala niya. Gusto niya ring maiyak sa sitwasyong nakikita ngayon sa matanda. Kung kaya naman upang mapigilan ang luha ay nagtungo na siya sa ibang pulubi upang bigyan rin ang mga ito.
Masayang masaya ang lahat sa ginagawa niya. Wala siyang pakialam kung pinagtitinginan pa siya ng mga tao. Marahil nawiwirduhan ang mga ito sa kanya. Bibihira kasi sa lugar nila ang ginagawa ito.
Sa totoo lang, bata pa lamang siya nang una niyang maisipan ito. Ngunit dahil sa kakapusan nga nila sa pera ay hindi niya ito magawa noon. Tanging ang nagagawa niya lang ay ibigay ang natirang tinapay niya sa isa sa mga pulubing narito.
Halos hindi niya rin malimutan ang mukha ng ibang pulubing hindi niya nabibigyan noon dahil isa nga lang ang tinapay niya. Kung kaya naman pinangako niya noon sa sarili na hindi na kailanman mangyayari iyon.
Sisiguraduhin niya na sa susunod na balik niya ay lahat na ng mga pulubi at nangangailangan ay mabibigyan niya. Wala ni isa sa mga ito ang maiinggit dahil hindi niya nabibigyan. Pinangako niyang lahat ng mga ito at busog sa susunod na pagdating niya.
“Salamat ate! Para kang anghel na pinadala mula sa langit,” ika pa ng isang bata sa kanya.
Napangiti siya dito, “Hindi ako anghel. Tao lang rin ako. Gusto ko lang rin makatulong dahil katulad niyo ay minsan ko na ring naranasang magutom noon. Kaya kayo, huwag niyong isiping katapusan na ng lahat. Minsan sa buhay natin, may isang milagrong darating na makakapagpabago ng lahat.”