Inday TrendingInday Trending
Buong Buhay Niyang Hinanap ang Kanyang Kakambal na Napawalay sa Kanya Noong Bata, Hindi Niya Inakala ang Dadatnan Dito nang Muling Makita

Buong Buhay Niyang Hinanap ang Kanyang Kakambal na Napawalay sa Kanya Noong Bata, Hindi Niya Inakala ang Dadatnan Dito nang Muling Makita

Si Mang Joseph ay isang mayamang mamamayang mag-isang naninirahan sa kanyang tirahan sa Bulacan. Marami ang kayamanan ng matanda kung kaya naman marami rin ang sa kanya ay kumakaibigan. Ngunit sa kabila ng kanyang yaman ay hindi pa rin kumpleto ang buhay ng matanda. May parte sa puso niya na hinahanap hanap ang matagal nang nawawalang kambal niya.

Sa edad na 68 ay nangungulila pa rin si Mang Joseph sa kambal niyang nawalay sa kanya 60 taon nang nakalilipas. Ang pangalan nito ay Jorge. Nawalay ito nang minsang namamasyal sila noon sa mall at biglang napabitaw sa kanyang ina. Buong araw nilang hinanap noon ang kakambal niyang si Jorge. Hanggang ang isang araw ay nauwi sa ilang buwan, ilang taon at ilang dekadang paghahanap.

Naalala niya pa ang makapag-damdaming bilin sa kanya ng mga magulang bago yumao, “Ipangako mong hahanapin mo ang kakambal mo, anak. Parang awa mo na.”

At dahil sa pangakong iyon kung kaya hindi na niya nagawa pang magkaroon ng sariling pamilya. Sa bawat kasintahan o naging live in partner niya kasi noon, hindi siya makapag-focus dahil pakiramdam niya ay may isa pa siyang responsibilidad na kailangang gawin.

“Wala kang kwenta! Palagi na lang kakambal mo ang gusto mong intindihin! Hindi ka nga sigurado kung buhay pa yung tao!”

At dahil sa mga pag aaway na ganoon. Nauuwi ang lahat sa hiwalayan. Pakiramdam niya rin, ang buhay niya ay isang malaking kabiguan.

“May kilala po ba kayong kamukha ko, kasing edad ko rin o medyo mas matanda sa akin siguro mukha,” iniisip niya kasi na baka tumanda lalo ang itsura nito dahil sa hirap na nararanasan kung sakaling hindi ito sinuwerteng makahanap ng maayos na magkakalinga.

“Wala eh, baka sarili mo naman ang hinahanap mo?”

Madalas pa siyang maloko o mapagtawanan sa tuwing matiyaga niyang hinahanap ang kapatid sa iba’t ibang panig ng bansa. Ngunit sa kasamaang palad ay patuloy pa rin siya sa pag-uwing luhaan at bigo.

Tunay ngang hindi matutumbasan ng anumang yaman o pera na matupad ang kahilingan ng isang tao.

Tulad na lamang niya na matagal nang hinihiling na sana’y makita niya na ang nawawalang kapatid. Ngunit hanggang ngayon ay bigo pa rin siyang mahanap ito. Kung minsan pa nga ay napapaupo na lamang siya sa isang sulok ng simbahan at napapaiyak dahil sa depresyon at frustration na nararamdaman.

Tulad na lamang ngayon na nasa gilid siya ng simbahan sa Cavite. Nakarating pa talaga siya dito sa paghahanap sa kanyang kapatid. Naiiyak siya habang taimtim na nananalangin.

“Panginoon, bigyan Niyo naman po sana ako ng anumang senyales kung dapat ko pa po bang ipagpatuloy ang paghahanap ko sa nawawala kong kakambal,” ika niya habang nagdarasal. “Hindi ko po kasi alam kung magpapatuloy pa ba ako sa aking pangako sa aming mga magulang, o tuluyan na lamag akong susuko. Ano po ba ang nararapat kong gawin?”

Habang nagdarasal siya ay biglang tumunog ang kampana. Napatingin siya sa kanyang relo. Alas sais na pala at hindi niya alam na may misa pala siyang maaabutan doon.

“Makapakinig na muna ng misa, baka sakaling naroroon ang sign na hinihingi ko sa Panginoon.”

Tahimik siyang naupo at nagdesisyon na makinig ng isang oras na misa. Nang tuluyang tumunog ang maliliit at maingay na kampana ay tumayo siya at ng ibang nagsisimba, senyales na papasok na ang pari sa simbahan.

Maya maya ay nagtaka siya sa itsura ng pari na kahit nasa malayo ay tila pamilyar na pamilyar sa kanya. Pinunasan niya pa ang natitirang mga luha sa mata at saka sinuot ang salamin upang mas malinaw na makita ang mukha ng pari.

Halos manikip ang dibdib niya nang makilala kung sino ito. Mas nakumpirma niya pa iyon nang marinig ang sinabi ng katabi niya, “Hala! May kakambal pala si Father Isven!”

“Isven? Nagbago na pala ng pangalan ang kakambal ko,” naibulong niya pa sa sarili.

Ngunit ganoon pa man, labis labis pa rin ang galak at pagluha niya dahil sa wakas ay nakita niya nang muli ang kakambal na halos buong buhay niyang pinaghahanap. Nakinig siya sa sermon nito at sa bawat pagsasalita nito ay hindi niya lubos maisip kung paanong pasasalamat ang sasabihin niya sa Panginoon na agad dininig ang kanyang panalangin.

Nang oras na ng pagsubo ng ostiya ay excited siyang tumayo at pumila sa kakambal niya. Halos gulat rin ito nang makita siya. Para silang nakaharap pareho sa salamin. Maya maya pa ay napangiti ito, “Kamusta ka, kambal?”

Nalaman niyang nagpagala gala muna daw muna ito bago ampunin ng simbahan at tuluyang maging pari sa bayan ng Cavite. Hindi na rin daw nito nagawang magpatuloy sa paghahanap sa kanila dahil sa nakalimutang address nila noon sa Bulacan. Bata palang kasi ito nang mawala.

Laking pasalamat niya sa mga pari at madre na hindi pinabayaan ang kanyang kapatid. At syempre sa Panginoon na tila Siyang kumupkop sa nawala niyang kakambal.

Advertisement