Sinubukan ng Among Arabyano ang Katapatan ng Dalagang OFW, Sa Huli’y Natuwa Siya sa Ginawa Nito
Si Melissa ay isang dalagang OFW na sinubukan ang kapalaran sa Saudi Arabia. Wala man siyang kakilala o karanasan sa pagtatrabaho sa ibang bansa at sa ibang lahi ay nilakasan niya ang kanyang loob para sa pamilyang nangangailangan ng kanyang tulong sa bayang sinilangan.
“Anak, Melissa mag-iingat ka doon ha? Huwag mong kalimutang tumawag sa Panginoon kapag pakiramdam mo ay kailangan mo ng gabay at tulong Niya.”
Madalas niyang maalala ang bilin ng kanyang ina bago siya tuluyang lumipad pa-Saudi. Natuwa pa nga siya dahil may nakilala siyang isang Pinoy na matagal na at pabalik balik na lang bilang isang domestic helper sa parehong bansa. Ang pangalan nito ay Rica. At mas kinatuwa niya nang malaman niyang iisa lamang pala ang employer nila.
“Madalas subukan muna ng employer natin ang mga bagong katulong niya kung mapagkakatiwalaan ba,” paalala ni Rica sa kanya. “Kaya mag-ingat ka kung anuman ang ibigay na pagsubok ng boss natin sayo. Sana malampasan mo.”
Tumango siya at ngumiti sa kasamahang mas matanda sa kanya ng ilang taon, “Salamat po ate Rica. Pangako gagalingan ko at pag-iigihan pa ang pagtatrabaho.”
Hapon na nang makarating sila sa tahanan ng kanilang amo. Napakalaki niyon at sa wari niya ay tila na iyon isang mansyon. Sinalubong sila ng isang katulong rin na ayon kay ate Rica ay isang Iraqi.
“Good afternoon, Sir.”
Tumango ang may katandaan nang lalaki sa kanya. Nakita niya rin ang mga apo at anak nito sa paligid.
“You won’t do anything here but to clean the entire room of my daughter, Sadika.”
Tumango siya sa sinabi ng matandang amo.
“Make sure her toilet is clean, her garden in the rooftop is maintained and her bed is always tidy. Understand?”
Tumango siya dito, “Yes, Sir. I promise to take care of it very carefully, Sir.”
“Okay, good.”
Sa ilang araw na pagis-stay niya sa malamansyong bahay ay naka-survive at naging maayos naman ang kanyang trabaho sa tulong ng mabait na kasamahan niyang si Ate Rica. Kahit madalas ay pinag-uusapan siya ng ibang lahing katulong, hindi na alintana para sa kanya iyon. Iniisip niya na lang, “Mas matindi ang mga chismosa sa Pinas. Kaya wala akong pakialam sa mga Iraqi na yan. Inggit lang sila!”
Siya kasi ang pinakabata doon. At dahil sa mura niya ring edad. Napalapit siya sa pinaka-pinagsisilbihan niyang amo na si Sadika. Ngunit isang gabi ay nagpaalam ito sa kanya na gagabihin ng uwi. Kung kaya naman mga hapon niya na nilinis ang kwarto nito dahil katatapos niya lang mag-ayos ng mga halaman nito sa garden.
Nagulat siya nang makitang pakalat-kalat ang mga gintong alahas ng dalaga sa kama nito. Napatingin siya doon nang matagal. Maya maya pa ay nagring ang cellphone niya. Nakita niyang tumatawag ang kanyang ina.
“Hello, Ma?”
“Hello anak,” rinig niya agad ang garalgal na boses nito. Dahil sira ang phone niya ay palagi nang naka-loudspeaker ito.
“Ma, bakit? Ano pong problema?” nag-aalalang tanong niya dito.
“Anak, sinugod namin sa ospital ang kapatid mo. May bronchitis daw sabi ng doktor.”
Gulat na gulat siya sa sinabi nito, “Magkano po ba ang kailangan, nay?”
Nag-aalala siya dahil hindi pa naman siya nakakasahod at mukhang sa isang linggo pa ang sahod niya.
“Eight thousand daw anak, para sa bayad sa ospital at iba pang gamutan.”
Napalunok siya sa laki niyon. Sa isip isip niya, ang halos isang kinsenas na pinaghirapan niyang trabaho, sa ospital lang mapupunta lahat. Napaluha siya. Alam niyang hindi iyon kasalanan ng kapatid niya. Lalong hindi kasalanan ng pamilyang naiwan sa Pinas. Naaawa lang siya sa kamalasan sinasapit nila. Ganito sila palagi, kapag may inaasahang malaking pera ay saka naman magkakaroon ng malaking gastusin tulad ng pagpapaospital, pagpapaayos ng nagibang parte ng bahay at iba pa.
Pagkababa niya ng cellphone ay muli siyang napatingin sa alahas. Saka siya napailing-iling, “Ano ba naman yang si Sadika. Kung saan saan iniiwan ang mga alahas niya.”
Kinuha niya ang jewelry box ng kanyang dalagang amo at saka niligpit ang mga iyon doon. Maya maya ay kumuha siya ng ballpen at maliit na papel at sumulat siya doon, “Please take care of your precious things, Sadika.”
Matapos niyang linisin ang buong kwarto at CR ng dalaga ay lumabas na siya at nagpahinga sa sarili niyang kwarto. Hindi pa siya nakakatagal pumikit ay may kumakatok na sa kanyang pinto. Naroon sina Ate Rica, ang matandang amo niyang lalaki at si Sadika. Nagulat siya dahil nangingiyak si Ate Rica na nakatingin sa kanya. Maya-maya ay niyakap rin siya ni Sadika.
“Yes, I will take care of you, Melissa.”
Nagulat siya sa sinabi ng dalagang amo. Pinaliwanag naman iyon ni Ate Rica, “Pina-translate nila sa akin ang mga pinag-usapan niyo ng nanay mo kanina. Ito yung sinasabi kong pagsubok nila sayo kapag bago ka.”
Nagulat siya sa narinig. Lalo na nang iabot ng kanyang amo ang makapal na pera. “Here is your bonus, I think your family in the Philippines might be needing this.”
Halos maluha siya nang magpasalamat dito. Hindi niya na poproblemahin kung saan niya kukunin ang pambayad sa ospital ng kapatid. Tunay ngang ang katapatan ay hindi kailanman matutumbasan ng kahit na anong yaman sa buhay.