Inday TrendingInday Trending
Sinubukan ng Dalagang Utangin ang Paninda ni Nanay; Pauutangin Kaya Siya Nito?

Sinubukan ng Dalagang Utangin ang Paninda ni Nanay; Pauutangin Kaya Siya Nito?

“Nanay magkano po ba iyang kamatis at sibuyas?” Tanong ng dalagang si Yasmine sa babaeng medyo may edad nang ale.

“Bente ang bawat tumpok ineng,” sagot naman ng tindera.

Kinapa ni Yasmine ang kaniyang bulsa upang kunin ang pitaka. Siya ang inutasan ng kaniyang ama na mamalengke dahil ang Ate Altea at Kuya Deigo niya’y abala sa pagtulong sa mga lulutuin.

“Hala! Wala na pala akong pera,” mahinang usal ni Yasmine.

Paano niya makukumpleto ang mga pinapabili ng kaniyang ama kung nagkulang siya sa pera. Ano-ano ba kasing pinagbibili niya? Bakit nagkulang?

“Bibilhin mo ba ineng?” Tanong ng ale sa kaniya.

Malungkot na humarap si Yasmine sa tindera. “Opo sana. Kaso wala na po akong pera nanay e. Pwede bang utangin ko na lang muna iyan at sa pagbalik ko rito sa palengke, saka na kita babayaran?” Nakikiusap na sambit ni Yasmine.

Nagbabakasaling kagatin ng ale ang kaniyang pakiusap, kahit alam naman niyang imposible.

Bahagyang natawa ang ale saka nagsalita. “Uutangin mo?” Hindi makapaniwalang sambit nito.

“O-oo po sana, nanay, kung papayag ka.” Nahihintakutang wika ni Yasmine.

“Magkano na lang ba iyang pera mo d’yan?”

“S-sampung peso na lang po ito. Pamasahe pauwi sa bahay namin,” aniya saka ibinuka ang pitaka upang patunay na wala na talaga siyang pera. “Kapag umuwi akong hindi nabibili iyan ay baka pagalitan ako ng papa. Kaya kung maaari po sana ay pautangin niyo na lang muna ako.”

Matamang tumitig ang ale sa mukha ni Yasmine. Tila tinatanya nito kung totoo ba ang emosyong ipinapakita niya rito o hindi.

Mayamaya ay kumilos ang ale saka ibinalot ang tumpok ng kamatis at sibuyas sa supot saka iniabot sa kaniya.

“Heto ineng sa’yo na lang iyan. Hindi na ako aasang mababayaran mo pa iyan sa’kin. Bigay ko na lang sa’yo iyan,” nakangiting wika ng ale kay Yasmine.

“H-hindi po nanay. Pangako babalik ako rito at babayaran kita,” ani Yasmine. Nagpapasalamat sa kabutihan ng ale.

“Hayaan mo na. Ang mahalaga ay hindi ka mapagalitan ng papa mo pag-uwing kulang-kulang ang pinamili mo. Sa susunod kasi ay budgetin mong maigi ang dala mong pera para hindi ka kulangin,” nakangiti pa ring wika ng ale kay Yasmine.

“Ito po kasi ang unang beses na namalengke ako,” nakayukong wika ni Yasmine. “Ano po ba ang pangalan niyo, nanay?”

“Milred, tawag nila sa’kin dito ay Nanay Mil,” pakilala ng ale. “Ilang taon ka na ba?”

“Kinse anyos po.”

Mas matamis na ngumiti ang ale. “Kaya pala.”

Bago tuluyang umalis si Yasmine ay pinalista niya kay Nanay Mildred ang utang niyang kwarenta pesos at nangakong babalik upang magbayad utang.

Natatawa namang nilista ni Aleng Mildred ang utang ni Yasmine. Hindi na umaasang maaalala pa nito ang bagay na iyon.

Makalipas ang apat na araw ay muling bumalik si Yasmine sa palengke. Ngayon ay nagpresenta na siya sa kaniyang ama na siya na ang mamamalengke. Ayaw pa nga sanang pumayag nito, ngunit kalaunan ay pumayag rin.

May dahilan siya kaya nais niyang mamalengke. Una ay upang mabayaran si Nanay Mildred at ang pangalawa’y upang matuto siyang budgetin ang perang dala.

Matapos makapamili ng dapat bilhin ay saka niya hinanap ang pwesto ni Nanay Mildred. Nang makita’y agad siyang lumapit upang kausapin ito.

“Nanay, nagbalik po ako.” Masayang bungad ni Yasmine.

Halata naman sa mukha ni Aleng Mildred ang pagkalito nang makita ang dalaga.

“Anong sa iyo, ineng?” Tanong nito.

“Ako po si Yasmine, iyong umutang po sa inyo ng isang tumpok na kamatis at sibuyas. Naaalala niyo na po ba?”

“Ahh, iyong nagkulang ang pera?”

“Opo. Bumalik po ako upang bayaran ang atraso ko sa inyo,” nakangiting wika ni Yasmine, sabay abot ng dalawang libong piso. “May tubo na po iyan nanay,” aniya.

“H-ha? Naku! Sobra-sobra naman yata ito Yasmine,” ani Aleng Mildred.

“Sinadya ko po iyan upang paluguran kayo sa inyong kabutihan, Nanay Mildred,” aniya. “No’ng naubusan ako ng perang pambili sa tinda niyo at hiniling na uutangin ko na lang ay hindi kayo nag-atubiling ibigay na lang iyon sa’kin.

Kahit na alam naman nating magkano lang din ang itinutubo niyo sa bawat paninda. Hindi niyo ako lubos na kakilala, malay niyo ba kung manloloko lang pala ako. Pero mas pinili po ninyong magtiwala sa’kin.

Napaka-swerte ko no’ng araw na iyon kasi ikaw kaagad ang nalapitan ko. Hindi po ako napagalitan ni papa dahil sa ginawa niyo. Kaya tama lang din na bigyan kita ng ganyan.

Maliit na halaga lang naman iyan Nanay Mildred, kumpara sa kabutihan ng puso niyo,” mahabang wika ni Yasmine.

Mangiyak-iyak na niyakap ni Aleng Mildred si Yasmine. Sobrang nagpapasalamat.

“Ang totoo ay naawa ako sa’yo no’ng araw na iyon at hindi sumagi sa isip kong nanloloko ka lang. At no’ng ibinigay ko na sa’yo ang kailangan mo’y hindi ko na inasahang babalik ka pa at babayaran ako.

Salamat anak, sobrang maraming salamat. Kani-kanina lang ay namomroblema ako kung saan ako hahanap ng pera pambili ng gamot para sa sakit ko. Ngunit dumating ka’t sinagot ang taimtim kong hiling,” mangiyak-iyak na wika ni Aleng Mildred, habang yakap-yakap ang dalagitang si Yasmine.

“Babalik po ako rito kapag inutusan ako ni papa ulit, nanay. Sana magpalakas pa po kayo,” ani Yasmine saka nag-paalam sa ale.

Masarap sa pakiramdam kapag nakakatulong tayo sa ating kapwa at wala tayong inaasahang balik. Tandaan ang pagtulong ay dapat laging bukal sa loob. Maliit o malaking bagay man iyon.

Advertisement