Inday TrendingInday Trending
Sa Murang Halaga’y Ipinagbibili na ng Matandang Lalaki ang Paninda; Ngunit Isang Aral ang Iniwan Nito sa Binata

Sa Murang Halaga’y Ipinagbibili na ng Matandang Lalaki ang Paninda; Ngunit Isang Aral ang Iniwan Nito sa Binata

“Hijo, gulay na upo ka d’yan,” alok ni Mang Simon sa lalaking nakatayo sa gilid ng kalsada at tila nagpapahinga. “Trenta na lang iyang dalawa. Pinapaubos ko lang para ako’y makauwi na,” dugtong ni Simon.

“Trenta na lang po iyang malalaking upo na tinda ninyo tatay?” Hindi makapaniwalang wika ng binata. “Baka malugi kayo niyan.”

“Ayos lang. May kita na rin naman akong isang daan, kahit papaano’y may pangkain na rin ako mamaya,” nakangiting wika ni Simon.

Lumapit ang binata sa gawi niya at kinuha ang upo upang tantyahin kung ilang kilo ang malaking upo na kanyang binibinta.

“Ilang taon na po ba kayo tatay? At saka ang mura naman ng paninda niyo. Kapag sa palengke ako bibili ng buong upo mahal po ang mababayaran ko.”

Ngumiti si Simon sa sinabi ng binata. “Ayos lang iyon, hijo. Saisyenta’y singko na ako. Hindi na rin naman ako malulugi dahil kahit papaano ay tumubo na ako ng isang daang piso.

Ang mahalaga lang naman sa’kin ay may kitain ako para may maipambibili kami ng bigas, kahit sardinas lang ang ulam. Ang mahalaga’y nalamnan ang t’yan namin ng pamilya ko,” mahabang wika ni Simon.

“Gano’n po ba? Nasaan po pala ang mga anak niyo, tatay?”

“Isa lang ang anak ko, lalaki. Sa kaniya nga ako nakatira ngayon. Konstruksyon worker lang ang anak ko. Ang misi naman niya’y nasa bahay lang, nag-aalaga ng apat kong apo.

Mabuti naman at mabait ang napangasawa ng anak ko. Hindi naman nila ako pinapabayaan. Sa katunayan nga’y ayaw ni Gigi na maglako pa ako ng kung ano-ano.

Ang sinasabi ko naman sa kaniya’y ihersisyo ko na rin ito. Kaya ayon, walang magawa kung ‘di payagan ako,” nakangiting kwento ni Simon sa binata.

“May punto naman iyong manugang niyo tatay. Baka kasi mapaano pa kayo sa daan,” nag-aalalang wika ng binata.

“Ako nga pala si Simon, hijo. Ikaw anong pangalan mo?” Natatawang wika ni Simon.

Kanina pa sila nagku-kwentuhan ng binata ngunit hanggang ngayon ay hindi pa niya ito kilala.

“Ako po pala si Jaime, Tatay Simon.” Nakangiting pakilala ng binata.

“Ang totoo ay naaawa kasi ako sa anak ko, Jaime. Dahil sa kahirapan kaya hindi ko siya nagawang pag-aralin. Kaya ayan, hanggang konstruksyon lang ang kaya niyang gawin.

Maliit lang rin ang sahod niya dahil Labor lang naman siya. Sana nga balang araw ay magkaroon siya ng skills upang tumaas ang sahod niya. Lingguhan ang sahod tapos maliit lang.

Kaya nahihirapan ang manugang kong budgetin ang sahod ng anak ko. Kaya heto ako kahit papaano’y nais ko silang tulungan, kahit pangbigas lang,” nakangiti pa ring kwento ni Mang Simon.

Nakaramdam naman ng pagka-mangha si Jaime sa kwentong ibinahagi sa kaniya ni Tatay Simon. Kapag magulang ka talaga’y handa kang gawin ang lahat matulungan lang ang anak mo. Kahit sa maliit lamang na paraan.

“Tatay Simon, kung pagbibigyan kita ng pagkakataong humiling, ano ang nais mong hilingin sa’kin?” Mayamaya ay tanong ni Jaime.

Nahihiyang tumawa si Mang Simon ng pahapyaw at hindi makapaniwalang tumitig kay Jaime.

“Totoo ba iyan?” Tanong ni Mang Simon.

“Opo. Basta kaya ko tutuparin ko po,” ani Jaime.

“Wala naman akong ibang nais hilingin kung ‘di ang magkaroon ng bigas na masasaing ng pamilya ko hijo.” Prangkang wika ni Mang Simon.

“Alam mo kasi kapag sanay ka na sa hirap. Masayang-masaya ka na kapag may kanin sa lamesa, kahit toyo at mantika lang ang ulam,” masayang wika nito na hindi alintana ang hirap na pinagdadaanan sa buhay.

Matamis na ngumiti si Jaime. “Alam niyo tatay, kani-kanina lang ay nagrereklamo ako sa sarili ko. Kasi nagsasawa na ako sa paulit-ulit na nangyayari sa’kin. Tila nakakabagot na.

Pero ngayong nakita kita at nakausap. Napapaisip akong maswerte pa rin pala ako, kasi ikaw nga oh… masayang-masaya ka pa rin sa simpleng bagay na nangyayari sa buhay mo,” wika ni Jaime.

“Jaime, lagi mong tatandaan na hindi mo mahahanap ang sariling kalagayahan hangga’t hindi ka marunong makuntento. Kasi kung hindi ka marunong makuntento, maghahanap at maghahanap ka ng mga bagay na wala sa’yo. Dahilan upang hindi ka lubos na masaya,” malalim na bilin ni Mang Simon sa binatang si Jaime.

“Tama ka, tatay. Salamat at nakilala kita sa araw na ito,” masayang wika ni Jaime, sabay yakap kay Simon.

Gaya ng ipinangako niya’y binilhan niya si Mang Simon ng fifty kilos na bigas at bukod pa roon ay binigyan niya ito ng perang tama lang upang may pang-kunsumo sa darating pa na araw.

Tama si Mang Simon, hangga’t hindi ka marunong makuntento, hinding-hindi mo kayang maging lubos na masaya sa buhay.

Advertisement