Labis ang Paghanga ng Kaniyang Apo sa Lolo Nito; Dapat ba Siyang Hangaan nito Kung Ultimo Pagbabasa ay Hindi Niya Alam?
“Vina, aalis na ako patungong bukid. Maiwan ko na muna kayo,” paalam ni Hector sa anak.
Si Vina at ang asawa nitong si Jack na lang ang kasa-kasama ni Mang Hector sa buhay. May tatlong anak sina Jack at Vina, na sina Patrick, Cherry at Nina. Kaya kahit papaano ay hindi siya nalulumbay sa bahay dahil sa kaniyang mga makukulit na apo.
“Mag-iingat ka itay,” ani Vina.
Akmang aalis na sana si Mang Hector nang magsalita si Patrick na kakagising lamang dahil pupungas-pungas pa ito habang nagsasalita.
“Lolo, sasama po ako sa inyo,” ani Patrick na halatang inaantok pa.
“Hindi na, dito ka na lang muna. Maraming gagawin si lolo,” ani Mang Hector.
Bigla namang humagulhol ng iyak ang sampong taong gulang na si Patrick, dahilan upang walang magawa si Hector kung ‘di isama na lamang ito sa bukid.“Jusko namang bata ito oo!” Naiinis na reklamo ni Mang Hector. “Ano bang dahilan at gustong-gusto mong sumasama sa’kin?”
“Gusto nga kasi kitang kasama palagi lolo,” mariing wika ni Patrick.
Bigla namang nakaramdam ang matandang puso ni Mang Hector ng saya dahil sa sinabi ng apong si Patrick.
“Hala! Bilisan mo nang magbihis at aalis na tayo,” ani Mang Hector.
Sa tatlong anak ni Vina ay si Patrick ang laging sumasama sa kaniya. Kahit mahimbing ang pagkakatulog nito’y nagigising ito sa t’wing aalis na siya na tila ba may magnet ang mga katawan nilang dalawa.
“Oh! Hector, buntot-buntot mo na naman iyang alalay mo ah,” nakangiting sita ni Aleng Iseng, isa sa mga kapitbahay nila.
Ngumiti si Mang Hector. “Ayaw magpaiwan e. Gusto laging kasama.”
“Ayos na rin iyan. Para hindi ka malungkot doon sa bukid.”
“Kaya nga,” maiksing sagot ni Mang Hector at muling nagpatuloy sa paglalakad kasama ang apong si Patrick.
“Patrick, hindi ka ba napapagod kasama si lolo? Nakakapagod kayang maglakad paakyat sa bukid,” ani Mang Hector.
Nais niyang mapagod ang apo sa kakasama sa kaniya.
“E ‘di dapat po lolo napapagod ka rin sa paglalakad. Araw-araw ka ngang naglalakad papuntang bukid e. Kaya dapat gano’n rin ako,” sagot ni Patrick.
Walong taon pa lang ang edad ni Patrick, pero kung sumagot ito ay tila malaking tao na.
“Sabagay,” nakangiting sang-ayon na lamang ni Mang Hector. “Anong pangarap mo sa buhay apo?”
“Ahh, gusto ko pong maging kagaya mo,” sagot ni Patrick na kitang-kita ang paghanga sa inosenteng mga mata.
“Maging kagaya ko?” Takang tanong ni Hector.
“Kasi masipag ka po lolo e, araw-araw umaakyat ka rito sa bukid para magtanim, pagtapos ka nang magtanim, aakyat ka pa rin para magbantay ng pananim mo. Kaya gusto ko pong maging kagaya mo,” sagot ni Patrick.
Napangiti naman si Hector sa sinabi nito. Ang sarap lang sa pakiramdam na may taong hinahangaan ang mga ginagawa mo. Maliit na bagay man iyon.
“Alam mo apo, lahat ng tao ay kailangan talagang magsipag. Kasi kapag hindi ka magsisipag, wala kang pera at kapag wala kang pera, wala kang makakain.
Hindi mo mabibili ang mga bagay na nais mong bilhin. Kaya dapat lang na magsipag tayo. Sa totoo lang kasi, ang pagsasaka lang ang trabahong alam ko, kaya ako nagtitiyaga rito.
Pero kung may pagpipilian man ako’y nais kong magkaroon ng magandang trabaho. Iyong hindi sobrang nakakapagod at malaki pa ang kikitain. Kaya ikaw mag-aral kang mabuti, Patrick.
Iyon lang ang regalong kayang ibigay ni Lolo Hector sa inyong mga apo ko. Ang hirap kapag hindi ka nakapag-aral. Ang hirap maging mangmang. Hindi ako marunong magbasa at magsulat. Ang alam ko lang gawin ay magtanim at magbilang ng pera, kaya tignan mo si Lolo, tumandang mahirap.” Mahabang paliwanag ni Hector sa apo.
“P-pero kahit gano’n masaya naman po kayo ‘di ba, lolo?” Tanong ni Patrick.
“Oo naman. Masaya naman ako sa buhay na meron ako,” nakangiting sagot ni Mang Hector. “Pero kahit masaya ako’y ayokong maging kagaya ka sa’kin, Patrick apo. Gusto kong mag-iba ang takbo ng buhay mo. Gusto kong magkaroon ka ng sapat na edukasyon, na maipagmamalaki mo sa kahit sino.”
Alam ni Hector na hindi pa maiintindihan ni Patrick ang ibig niyang sabihin, ngunit habang nabubuhay siya’y araw-araw niyang ipapaalala sa kaniyang apo na mas magandang magkaroon ng sapat na kaalaman at edukasyon.
“Sige po. Mag-aaral akong mabuti hanggang sa paglaki ko. Kapag nakapagtapos na ako ng pag-aaral ay gusto kong maging kagaya niyong masipag at mabait,” nakangiting wika ni Patrick.
Natutuwa namang ginulo ni Hector ang buhok ng apo. “Pangako mo iyan kay lolo ah.”
“Opo.” Walang gatol na pangako ni Patrick.
Marami pang pagdadaanan si Patrick sa buhay. Pero sisiguraduhin ni Mang Hector, na nasa tabi siya ng kaniyang mga apo hanggang sa lumaki na ang mga ito at nais niyang makitang nagtatagumpay ang mga apo niya sa buhay.
Ang pangarap niyang makapagtapos ng pag-aaral noon ay nais niyang isakatuparan iyon sa kaniyang mga apo. Dahil kapag may sapat na edukasyon ka kahit saan ka mapadpad hindi ka basta-basta magiging alangan. At kahit anong mangyari walang sinuman ang makakakuha sa’yo ng kayamanang iyan.