Pinagtakhan ng Isang Ina ang Pag-ayaw ng Kaniyang Anak sa Regalo; Ano nga ba ang Dahilan?
“Gabriel, anong gusto mong regalo ni Santa Claus sa’yo ngayong pasko?” Malambing na tanong ni Tanya sa anak.
“B-bakit po?” Inosenteng balik tanong naman ni Gabriel.
“‘Di ba kasi malapit nang mag-Christmas? Kaya bibisita na si Santa Claus sa mga bahay-bahay upang mag-bigay ng gift sa mga batang mababait. Kaya nagtatanong ni Mommy kung anong gusto mong gift na ibigay sa’yo ni Santa,” mahabang paliwanag ni Tanya sa anak.
“P-pwede po bang pakisabi kay Santa Claus, mommy na ayokong bigyan niya ako ng gift,” ani Gabriel na labis ikinagulat ni Tanya.
“Bakit naman ayaw mo?” Takang tanong ni Tanya.
“Kasi po mommy, marami na po kasi akong gift na nakukuha kay Santa Claus, iyong iba hindi ko na po nagagamit. Nasa room ko lang po sila mommy, nakatambak. Kaya ayoko na po ng gift kay Santa,” paliwanag ni Gabriel.
“Gano’n ba, anak? Ano na lang ang gusto mong makuha ngayong Christmas?”
“Ang gusto ko po ay kausapin si Santa Claus,” sagot ni Gabriel.
Saan nanggagaling ang isipang iyon ng kaniyang limang taong gulang na anak? Bakit nais nitong makausap si Santa Claus? Sa anong dahilan?
“Ano naman ang sasabihin mo sa kaniya?”
“Gusto ko pong ibigay sa kaniya ang mga toys na hindi ko na nagagamit. Para po siya na lang ang magbigay sa mga bata na walang toys sa pasko,” ani Gabriel.
Bigla namang naging proud si Tanya sa sinabi ng kaniyang anak. Hindi niya inaasahan ang nais ni Gabriel. Ang buong akala niya’y nagsasawa na ito sa regalo. May dahilan pala ang nais nito.
“Bakit naman iyon ang gusto mo, anak?”
“Marami po kasi akong mga friends, Mommy. Wala silang mga toys. Kapag tinatanong ko kung bakit wala silang magaganda at bagong toys. Sinasabi nila sa’kin na hindi raw kasi sila binibilhan ng mama at papa nila.
Kaya po iyon na lang ang gagawin ko. Ibibigay ko kay Santa Claus ang mga toys ko, at siya na ang magbigay sa mga batang walang laruan, ngayong pasko.” Seryosong paliwanag ni Gabriel.
Bata pa lang si Gabriel pero alam na nito ang salitang pagbibigay sa kapwa. Yumuko si Tanya at ginawaran ito ng mariin na halik sa noo.
“Sana anak lumaki kang ganiyan. Mapagbigay at hindi maramot sa iyong kapwa,” ani Tanya na tanging ngiti lamang ang isinagot ni Gabriel.
Alam niyang hindi pa iyon naiintindihan sa ngayon ng kaniyang limang taong gulang na anak. Pero alam niyang balang araw ay maiku-kwento niya ang nangyari sa araw na ito, paglaki nito.
Lumipas ang maraming araw at malapit na ang araw ng pasko. Gaya ng gusto ni Gabriel ay ibinalot ni Tanya ang mga laruan ni Gabriel na nais na nitong ipamigay.
Bukod sa mga laruan ay isinali na rin nila ang pagbigay sa mga napaglumaang damit ni Gabriel at mga candies at chocolate na ipapamigay nila sa mga kaibigan ni Gabriel at sa ibang bata sa lansangan.
“Mommy, ang dami-dami ko na pa lang gamit at laruan na hindi nagagamit ‘no?” Natutuwang wika ni Gabriel habang nakatitig sa mga regalong nakabalot sa ilalim ng kanilang Christmas Tree, naglalaman ng mga laruan at damit na pinaglumaan na nito.
Dinagdagan na lamang ni Tanya ng candies at chocolates ang ipapamigay nila sa nalalapit na pasko.
“Opo. Ngayon ko nga lang din napansin anak e,” aniya.
Mabuti na lang at si Gabriel mismo ang nagsuhesyon na mas gusto nitong mamigay sa araw ng pasko kaysa mabigyan ng regalo.
“Happy ka na ngayon, baby?” Nakangiting tanong ni Tanya sa anak.
“Opo. Sobra po mommy,” agad nitong sagot. “Hindi po ako manghihinayang na mawala sa’kin ang mga laruan at damit ko kasi alam ko naman kung saan sila mapupunta, mommy. Kaya happy na po ang Christmas ko,” nakangiting wika ni Gabriel.
Niyakap naman ni Tanya ang anak. “Tama ka. Kaya lagi mong tatandaan anak na mas maiging magbigay kaysa mabigyan.”
Hindi pa man dumarating ang eksaktong araw ng pasko ay ipinamahagi na nina Gabriel, Tanya at ng kaniyang mister na si Albert ang mga naibalot na nilang regalo.
Ang unang binigyan ni Gabriel ay ang apat niyang kalaro na hindi galing sa mayamang pamilya. Alam ni Tanya na sina Joey, Henry, Karl at Yong ang pinakaunang dahilan kaya nakapag-desisyon si Gabriel na isuko at ipamigay na lang ang mga laruan at damit nitong hindi na nagagamit.
Sa lahat-lahat ay masayang-masaya si Tanya sa ginawa ng kaniyang anak. Dahil alam niyang napalaki niya nang maayos si Gabriel.