Akala Niya’y Nakalimutan na ng Anak ang Kaniyang Kaarawan; Ngunit Isang Sorpresa ang Magpapaiyak sa Kaniya
“Happy birthday papa,” masayang bati ni James sa amang si Josefino. “Mahal na mahal ka naming mga anak mo tatandaan mo iyan,” dugtong pa nito.
“Maraming salamat mga anak,” mangiyak-iyak na wika ni Josefino.
Ito ang kaniyang ika-saisyenta’y anyos na kaarawan at labis na pasasalamat sa Diyos Ama, dahil binigyan siya ng mahabang buhay upang makasama ang kaniyang mga mahal sa buhay.
Lima ang kaniyang mga anak. Ang panganay ay Eduardo, Paolo, Marie, Helen at ang bunso ay si James. Kasama niya ang kaniyang mga anak sa importanteng araw ng kaniyang buhay, maliban kay Paolo na ngayon ay nasa USA, nagtatrabaho bilang nurse.
“Helen, hindi pa ba tumatawag ang Kuya Paolo mo?” Tanong niya sa babaeng anak.
“Hindi pa nga po papa e,” malungkot na wika ni Helen.
“Sa iba mo pa kayang mga kapatid?”
“Wala pa rin yata. Kasi kung tumawag na si kuya, malamang sasabihin naman nila iyon sa’yo.”
“Nakalimutan kaya ng Kuya Paolo mo na kaarawan ko ngayon?” Nalulungkot na wika ni Josefino. “Kahit simpleng pagbati man lang sana hindi pa niya nagawa.”
“Papa, mahaba pa po ang araw. Baka abala lang si Kuya Paolo sa trabaho,” wika ni Marie na nakikinig rin sa usapan nila.
“Sabagay,” sang-ayon na lamang ni Josefino.
Baka nga abala lamang ang kaniyang anak sa trabaho kaya hindi pa ito nakakatawag upang batiin siya.
Habang nagkakantahan at nagsasayawan ang mga bisita sa bakuran nila kung saan dinadaos ang kaniyang ika-saisyenta’y anyos na kaarawan ay biglang may van na pumarada sa tapat.
Bigla namang kinabahan ang lahat sa hindi inaasahang sasakyan. Wala naman silang inaasahang bisita kaya sino ang sakay ni’yon?
Biglang bumaba ang driber ng Van at nagpakilalang si Leo. “Happy birthday po, Tatay Josefino,” masayang bati ni Leo.
Nagtataka naman si Mang Josefino kung sino ang lalaki. “A-ano po ang kailangan nila?”
“Naparito po ako upang sorpresahin kayo sa inyong kaarawan,” ani Leo. “Meron po akong dalang regalo galing sa pinakamahalagang tao sa buhay ninyo. May clue na po ba kayo kung sino?”
Umiling si Josefino. “W-wala po.” Nagtataka niyang sagot.
“Sige po. Buksan niyo po ang likurang bahagi ng sasakyan at makikita ninyo ang sopresang dala ko,” nakangiting wika ni Leo.
“W-wala bang b*omba d’yan?” Kinakahabang wika ni Mang Josefino, dahilan upang magtawanan ang lahat.
Nang buksan ni Mang Josefino ang likurang bahagi ng sasakyan ay labis n gulat ang kaniyang naramdaman. Naroon ni Paolo sa likuran, kampanteng nakaupo, hawak-hawak ang isang cake at bouquet ng— hindi bulaklak kung ‘di pera.
“Paolo?” Mangiyak-iyak na tawag ni Josefino sa anak. “Akala ko talaga ay nakalimutan mo nang kaarawan ko ngayon.”
“Pwede ba naman ‘yon papa?” Mangiyak-iyak na ring wika ni Paolo, niyayakap ang ama. “Siyempre, pinilit kong umuwi para sa 60th birthday mo. Hindi nga lang ako nagpakita agad kasi gusto ko nga kayong sorpresahin.”
“Muntik nang sumama ang loob ko sa’yo,” nakangiti ngunit umiiyak pa ring wika ni Josefino.
Natatawang niyakap ni Paolo ng mahigpit ang ama. “Oh! Tahan na papa. May gift kaya ako sa’yo,” ani Paolo sabay kuha ulit sa bouquet ng pera. “Hulaan niyo kung magkano ang pumpon ng perang ito?”
Umiling-iling si Josefino. “Wala akong ideya anak,” anito habang pinupunasan ang luha.
“Sixty thousand pesos po itong lahat,” sagot ni Paolo, sabay abot ng oumpon ng pera sa ama. “Regalo ko po iyan sa inyo papa. Dahil napakabuti niyong ama. Hindi lang sa’kin, kung ‘di pati na sa mga kapatid ko at kay mama.
Naalala mo noong humingi ako sa inyo ng tulong dahil gusto kong mag-abroad. Ang sabi ko kapag natuloy ako sa abroad ay babawi ako sa inyo.
Natatandaan ko pa nga na binasag mo ang pinakatago-tago mong piggy bank noon para lang may pandagdag pera ako. Tapos ibinenta mo ang antique mong singsing na sabi mo pamana pa iyon sa’yo ni lolo.
Utang ko sa inyo ang kung anoman ang meron ako ngayon papa. Kung hindi ka nagsakripisyo noon baka hindi na rin ako natuloy sa pag-aabroad. Kaya heto na po ang lahat ng pinaghirapan ko. Ibibigay ko sa’yo,” tumatangis na wika ni Paolo.
“Balewala naman ang lahat ng iyon Paolo, ako ang ama niyo kaya gagawin ko ang lahat basta alam kong para naman iyon sa ikakabuti ninyo. Pero maraming-maraming salamat sa lahat at lalo na sa pagdalo sa’king ika-animnapu’t taong kaarawan,” ani Mang Josefino saka niyakap ng mahigpit ang mga anak.
Kahit sinong magulang ay kayang gawin ang lahat ng makakaya para sa kanilang mga anak. May maisusukli man ang mga ito o wala. Dahil alam ng isang magulang na obligasyon nilang mapabuti ang kinabukasan ng kanilang mga anak.