Inday TrendingInday Trending
Tutol ang mga Anak nang Hiniling ng Isang Ginoo na Mailibing Siya sa Tabi ng Una Niyang Asawa; Ito ang Ginawa ng Kaniyang Pangalawang Asawa

Tutol ang mga Anak nang Hiniling ng Isang Ginoo na Mailibing Siya sa Tabi ng Una Niyang Asawa; Ito ang Ginawa ng Kaniyang Pangalawang Asawa

Galing sa mahirap na pamilya lamang si Aileen bilang magsasaka lamang ang kaniyang mga magulang at dahil lamang sa kaniyang katalinuhan kung bakit siya nakapasok sa isang presitihiyosong unibersidad. Ngunit pag-ibig sa unang pagkikita ang naramdaman ng anak-mayaman at tagapagmana ng isang sikat na kumpanya na si Claudio.

“Wala pa sa isip ko ang pagnonobyo. Ang kailangan ko ay makatapos ng pag-aaral nang sa gayon ay maiahon ko sa hirap ang aking pamilya. Ako na lang ang inaasahan nila,” sambit ng dalaga kay Claudio nang inamin nito ang kaniyang pag-ibig.

“Hindi naman ako nagmamadali. Kaya kong maghintay. Ang sa akin lang ay gusto ko na malaman mo na umiibig ako sa unang pagkakataon. Ikaw lang ang babaeng bumihag ng puso ko. Gusto ko lang din sabihin na kung sa pagkakataon na magmamahal ka, sana’y ako na lang. Patutunayan ko sa iyo na tapat ang nararamdaman ko,” wika ng binata.

Matagal nanligaw si Claudio kay Aileen. Mahirap talaga yatang paibigin ang isang babaeng probinsyana. Ngunit hindi sumuko ang binata at ginawa niya ang lahat upang maparamdama sa dalaga ang kaniyang pagmamahal.

Inabot ng dalawang taon ang panliligaw ni Claudio at sa wakas ay sinagot na rin siya ng dalaga.

Nang makapagtapos sila ng pag-aaral ay ipinakilala ng binata ang kaniyang kasintahan sa kaniyang mga magulang upang ito ay kaniya nang pakasalan. Ngunit tulad ng maraming kwento ay tutol ang mga magulang ni Claudio kay Aileen sapagkat hindi nila ito kauri.

“Maraming babae ang nagkakagusto sa’yo. Mas may pinag-aralan at galing sa dekalidad na pamilya. Bakit ka pumipili ng isang kagaya niya? Nasaan na napunta ang utak mo, Claudio?” pagtataray ng ina.

“Pero mahal ko po siya. Siya ang gusto kong makasama. Kung hindi kayo sasang-ayon sa pagmamahalan namin ay mabuti pang kalimutan niyo na lang na may anak kayo,” sambit ni Claudio.

Dahil sa pagmamatigas ng binata ay wala nang nagawa pa ang kaniyang mga magulang kung hindi tanggapin na lamang si Aileen sa kanilang pamilya. Ngunit kahit pinatuloy siya sa kanilang tahanan ay hindi pa rin maiaalis ang maling pagtrato sa kaniya at ang mga pangmamaliit sa kaniyang buhay.

Mabuti na lamang ay nariyan ang asawang si Claudio. Wala itong ginawa kung hindi ipagtanggol at protektahan ang asawa. Bilang ganti ay naging isang mabuting maybahay si Aileen. Inilaan na niya ang kaniyang buhay upang pagsilbihan at mahalin ang mister.

Sa taon ng kanilang pagsasama ay pilit silang bumubuo ng pamilya ngunit lagi silang nabibigo.

“Baka sa akin ang may mali, mahal ko?” pag-aalala ni Aileen.

“H’wag kang mag-alala at bukas na bukas ay tutungo tayo sa espesiyalista upang magpatingin. Kahit anong mangyari ay hindi magbabago ang pagmamahal ko sa iyo, pangako ‘yan!” saad ni Claudio.

Kinabukasan nang magtungo sila sa ospital. Ito na yata ang araw na hinding-hindi nila malilimutan sapagkat doon ay nalamang may malubhang karamdaman si Aileen at hindi na ito magtatagal pa.

“Kayanin mo, mahal. Tandaan mo na sa huling sandali ng buhay ko ay wala akong ibang minahal kung hindi ikaw. Nalulungkot ako dahil hindi na kita makakasama pa. Ngunit masaya ako na sa maiksing buhay ko ay ikaw ang una at huli kong inibig,” wika ni Aileen bago malagutan ng hininga.

Labis na kalungkutan ang nadarama ni Claudio sapagkat hindi niya matanggap na hanggang doon na lamang ang pag-ibig nila ng asawa. Sa loob ng tatlong taon ay nalugmok siya sa kalungkutan at ni hindi mo man lamang makikitang ngumiti.

Dahil kailangan ni Claudio na gampanan ang kaniyang tungkulin sa kumpanya ay pinilit siya ng mga magulang na muling mag-asawa upang maisalba ang kanilang mga ari-arian.

Nagpakasal siya sa isang anak din ng isa sa mga pinayamayamang pamilya sa bansa, si Kathleen. Dumaan ang panahon at pilit niyang ibinabaling ang loob sa napangasawa. Ngunit mula pa noon ay alam na ni Kathleen na iba ang tinitibok ng puso ni Claudio.

Lumipas muli ang mga taon at nagkaroon sila ng tatlong anak. Naging maayos ang kanilang pagsasama. Ginagampanan ni Claudio ang kaniyang responsibilidad bilang isang asawa at ama. Ngunit may mga pagkakataon pa rin na dinadalaw niya ang puntod ng datong asawang si Aileen at patuloy pa rin ang kaniyang pangungulila.

Ginawa naman ni Kathleen ang lahat ngunit tila hindi niya mapalitan ang yumaong ginang sa puso ng kaniyang asawa.

Nagkasakit si Claudio. Dahil alam niyang hindi na rin magtatagal ang kaniyang buhay ay may hiniling siya sa kaniyang pamilya.

“Nais kong mailibing katabi ni Aileen. Ito ang huli kong kahilingan,” saad ni Claudio sa pamilya.

“Hindi kami makakapayag pa! Humiling ka na ng iba ngunit ‘wag lang iyan. Paano naman ang nararamdaman ni mama?” tutol ng isang anak.

“Kung may makakatabi man kayo sa oras ng kamat*yan ay walang iba kung hindi si mama iyon. Pa, iba na lang ang hiingin mo!” sambit pa ng isang anak.

“Matagal kong hinintay na muli kaming magkasama ng tunay kong minamahal. Patawarin niyo ako, sana ay magpabigyan niyo ang aking kahilingan,” saad ni Claudio.

Ngunit matindi ang pagtutol dito ng mga anak.

“Hindi na niya malalaman kung saan siya hihimlay. Hindi ako makakapayag na sa tabi ng babaeng iyon siya itatabi. Ma, ikaw ang kaniyang asawa at malaking kalapastanganan ito sa’yo!” sambit ng panganay na anak sa kaniyang ina.

“H’wag kang pumayag, ma!” mariing giit ng isa pang anak.

Ngunit laking gulat ng lahat sa ginawa ni Kathleen nang nagpasya siyang itabi ang mga labi ni Claudio sa dati niyang asawa.

“Sa aming pagsasama ay wala akong pagkukulang na naramdaman mula sa inyong ama. Alam kong ginawa niya ang lahat upang ibalik ang pag-ibig niya sa akin. Ngunit kahit kailan ay hindi ko matutumbasan ang tunay na pagmamahalan ng dalawa. Tanggap ko na ito sa simula pa lang,” pahayag ng ginang.

“Kaya sa kaniyang huling sandali ay nais kong may gawin naman para sa kaniya. Alam kong magiging masaya na sila ngayon dahil sa tagal ng panahon na hinintay nilang muli silang magkasama. Ito lamang ang kaya kong gawin sa ngalan ng pag-ibig para sa papa ninyo,” dagdag pa ni Kathleen.

Lubusang hinangaan ng mga anak ang pagmamahal ng ina sa kanilang ama. Hindi nila akalain na kaya nitong magsakripisyo ng ganoon. Sa wakas makalipas ng mahabang panahon, kahit sa huling hantungan ay muling nagkasama sina Aileen at Claudio.

Advertisement