Inday TrendingInday Trending
Iniwan ang Mag-Ina ng Padre de Pamilya dahil sa Kalagayan ng Anak; Hindi Niya Akalaing Huli na ang Lahat sa Kaniyang Pagbabalik

Iniwan ang Mag-Ina ng Padre de Pamilya dahil sa Kalagayan ng Anak; Hindi Niya Akalaing Huli na ang Lahat sa Kaniyang Pagbabalik

“Para awa mo na, Greg, h’wag mo kaming iwan ng anak mo. H’wag mong ipagkait sa kaniya ang magkaroon ng ama. H’wag ka nang umalis, Greg!” umiiyak na sambit ni Lena habang nagmamakaawa sa kaniyang asawa.

“Nakapagdesisyon na ako, Lena. Hindi ko na talaga kaya pang manatili sa bahay na ito. Hindi ko na kaya ang manatili sa pamilyang ito. Kahit ano pang gawin mo ay wala nang makakapagbago sa desisyon ko,” tugon ng asawa.

Masaya naman ang pagsasama noon ng mag-asawang Greg at Lena. Makalipas nga ng isang buwan pagkatapos ang kanilang kasal ay agad nagbunga ang kanilang pagmamahalan.

Walang mapaglagyan ang kaligayahan ng dalawa lalo na nang malaman ni Greg na lalaki ang kanilang magiging anak. Ngunit ang lahat ng ito ay napalitan ng pagkadismaya nang lumabas ang bata na hindi normal ang itsura. Kulang ang mga daliri nito. Wala rin itong butas sa kaniyang puw*et kaya kailangang operahan sa tagiliran upang doon siya makadumi. Ang higit sa lahat ay wala na itong pag-asa pang makakilos ng maayos sapagkat may cerebral palsy ito.

Naubos ang lahat ng ipon ng mag-asawa para isalba ang buhay ng kanilang anak. Sinisisi ni Greg ang kaniyang asawa sapagkat nagsilang ito ng batang may kapansanan. Sa tingin niya ay may nagawa ang asawa o nakain o hindi kaya ay nainom kaya nagkaganito ang kaniyang anak.

“Ginawa ko ang lahat, Greg, para maipagbuntis ko nang maayos ang anak natin. Hindi ko kasalanan kung bakit ganito ang ibinigay sa atin. Wala namang may gusto nito,” saad ni Lena.

“Kung nahihirapan ka ay mas nahihirapan ang anak natin dahil sa kaniyang kalagayan. Lalo pang mahihirapan siya kung lalaki siya nang walang ama. Kaya parang awa mo na, Greg, h’wag mo kaming iwan ng anak mo,” pagsusumamo ng ginang.

Ngunit hindi na talaga niya napigilan pa ang mister sa paglisan nito. Tuluyan na itong sumama sa kalaguyo niyang kasamahan niya sa trabaho.

Gumuho ang mundo ni Lena lalo pa at hindi niya alam kung paano bubuhayin ang kaniyang anak. Wala siyang trabaho at ang inaasahan lamang niya ay ang sahod ng asawa.

“Hindi ako p’wedeng maging mahina. Lalo na para sa anak ko. Kailangan niya ako,” sambit niya sa kaniyang sarili.

Mahirap man ay pilit bumangon ni Lena. Sa maliit na perang kaniyang nahiram mula sa mga kamag-anak ay namuhunan siya upang makapagtinda ng kakanin. Nilalako niya ito tuwing umaga habang pansamantalang ipinapakiusap niya sa isang kapitbahay na pakitingnan sandali ang kaniyang anak.

Ngunit sa pagkakataon na walang magbabantay para sa kaniyang anak ay wala siyang magawa kung hindi isama ito.

Malaki ang paghihirap na naranasan ni Lena para lamang mabigay niya ang pangangailangan ng anak.

Samantala, nagbubuhay binata si Greg sa piling kaniyang kalaguyo.

“Para akong nabunutan ng tinik nang makawala ako sa dalawang malas sa buhay ko,” saad ni Greg sa kinakasama.

“Matagal ko nang sinasabi sa’yo na matagal mo na silang iwan. E ‘di sana matagal ka nang nakalaya,” tugon ng babae.

Sa una ay masaya ang pagsasama ni Greg at ng kaniyang babae ngunit habang tumatagal ay nakikita niya ang tunay na ugali nito. Marumi ito sa bahay. Hindi rin siya inaasikaso nito at walang hinangad ang babae kung hindi sundin ni Greg ang kaniyang mga gusto. Ayaw rin nitong magkaroon ng anak sapagkat masisira raw ang kaniyang ganda at katawan.

Unti-unting bumabalik sa kaniyang isip ang kaniyang mag-ina. Naaalala niya ang pag-aasikaso ni Lena sa kaniya at sa anak nila. Kahit na may karamdaman ang anak ay masaya ito sa tuwing nakikita niya ang ama. Pilit mang iniaalis ni Greg sa kaniyang isip ang mag-ina ay hindi niya magawa. Hanggang isang araw ay nakapagdesisyon na siya.

“E ‘di bumalik ka sa mag-ina mo! Pagsisisihan mo ang bagay na ‘yan, Greg. magkapalugmok kayo na magkakasama!” sigaw ng kalaguyo.

“Hindi ko alam kung bakit ipinagpalit ko ang mag-ina ko sa isang babaeng kagaya mo, nagsisisi ako na nagpabilog ako ng ulo sa’yo!” saad ni Greg.

Dali-dali niyang binitbit ang kaniyang mga gamit at umuwi sa kaniyang mag-ina. Doon ay nadatnan niya si Lena na abalang nag-aayos ng hardin.

Laking gulat din naman ng ginang nang makita ang dating mister.

“Nagbalik na ako, Lena. Patawarin mo ako sa lahat ng kasalanan ko sa inyo ng anak natin. Sana ay bigyan mo pa ako ng pagkakataon para makabawi,” saad ni Greg.

Napaiyak na si Lena.

“Nasaan ka, Greg, nang kailangan ka ng anak natin? Paano ka makakabawi ngayon sa kaniya gayong limang buwan na siyang kinuha sa akin ng Panginoon?!” umiiyak na sambit ng ginang.

Nabigla si Greg sa kaniyang narinig. Hindi niya akalain na sa kaniyang pagbabalik ay hindi na pala niya maaabutan ang kaniyang anak. Laking pagsisisi niya nang sa mga huling sandali man lamang ay hindi niya naiparamdam dito ang pagmamahal niya bilang isang ama.

“Patawarin mo ako, Lena, at sana ay mapatawad ako ng anak natin. Lubusan kong pinagsisisihan ang lahat. Alam kong walang kapatawaran ang ginawa ko sa inyo, pero sana ay kahit ikaw ay matanggap mo ako. Nais kong maitama ang lahat ng kamalian ko. At sa pagkakataong ito ay tutuparin ko ang aking pangako at kahit kailan ay ‘di na kita lilisanin pa,” pagsusumamo ni Greg.

“Matagal na kitang napatawad, Greg. Alam ko kung gaano ka kamahal ng anak natin kaya para sa kaniya ay pinatawad na kita. Pero hindi ganoon kadali ang tanggapin kang muli sa aking buhay. Nasaktan akong masyado sa ginawa mo. Ngunit mas masakit na hinayaan mong mabuhay at mawala ang anak natin na wala ka sa piling niya,” tugon ni Lena.

Niyakap na lamang ni Greg ang asawa. Alam niyang hindi magiging madali ngunit handa siyang patunayan ang kaniyang sarili upang sa gayon ay mahalin muli siya ni Lena.

Advertisement