Nagtataka ang Lahat Sa Hindi Paniniwala ng Isang Ginoo sa Pasko; Isang Malungkot na Nakaraan Pala ang Dahilan Nito
Abalang-abala si Brent, isang volunteer sa isang home for the aged, sa pag-aasikaso ng mga palamuting gagamitin para sa pagtatayo ng christmas tree. Lahat ay nakatingin at namamangha sa makukulay na disenyo ng tema na napili nila ngayong taon.
“Damang-dama ko na ang pasko, iho, sa gaganda ng mga palamuti na iyan,” sambit ni Aling Tansing, isang matandang matagal nang namamalagi sa shelter.
“Maraming salamat po. Matagal nga po naming pinag-isipan ang temang ito. Siyempre gusto namin ay maging masaya ang lahat sa pagsapit ng pasko,” tugon ng binata.
“Pinag-aaksayahan niyo pa ng panahon ang mga palamuting iyan! Kalat lamang ang lahat ng iyan. Ang mga ilaw na ‘yan? Masakit sa mata! Maingay ang mga tunog. Nakikita ko pa lamang ang mga ilalagay niyang palamuti ay kumakati na ang ilong ko dahil maghahakot iyan ng alikabok,” biglang pagsingit naman ni Mang Fred.
“Ikaw naman, Fred, tutol ka na naman sa pagtatayo ng christmas tree. Magpapasko na ay parang biyernes santo pa rin ang mukha mo,” pagbibiro ni Aling Tansing.
“Ang sinasabi ko lang naman, Tansing, ay sayang ang lahat ng pagaggayak na iyan. Tapos ay magkakaroon ng mga kasiyahan. Mas kailangan natin ng pahinga dito. Ako, ayoko ng maingay!” saad ng ginoo.
“Ikaw lang ‘yon, Fred. Pero marami sa atin din naman ang masisiyahan d’yan,” wika ng matandang ginang.
“Sige lang, Brent, ituloy mo lang ang ginagawa mo at h’wag mong pakinggan itong si Fred,” giit pa niya.
Nakasimangot naman si Mang Fred na tinalikuran ang dalawa at bumalik sa kaniyang silid.
Hindi madalas makisalamuha si Mang Fred sa mga kasama niya sa shelter. Madalas ay mag-isa lamang ito at mainit ang ulo kung nagagambala ang pamamahinga nito. Hindi rin siya madalas na nakikisama sa mga programa. Anim na taon na rin siyang narito sa home for the aged ngunit hanggang ngayon ay wala pa rin siyang nakakapalagayan ng loob bilang maging kaibigan.
“Bakit po palaging ganoon si Mang Fred, ano? Noong nakaraang taon din po ay tutol siya sa paglalagay ng mga disenyong pamasko dito sa shelter. Natatandaan ko po hindi rin siya nakisali sa mga programa. Bakit kaya?” pagtataka ni Brent.
“Hindi ko rin alam, iho. Kasi madalas mang pilitin kong makipagkwentuhan sa kaniya ay madalas niya akong sungitan. Kaya hindi ko na rin pinilit. Pero baka dahil sa tumatanda na rin. Totoo kasi ang sinasabi niyang minsan ayaw na ng matatanda ang magulo at maingay,” paliwanag ni Aling Tansing.
Kahit na patuloy sa pagdidisenyo si Brent ng christmas tree ay hindi pa rin mawala sa kaniyang isipan ang labis na pagtutol ni Mang Fred sa tuwing magpapasko.
Kaya kinabukasan ay agad niyang pinuntahan ang matanda upang makipagkuwentuhan dito.
“Hello po, Mang Fred. Masarap po ang almusal niyo ngayong umaga?” bungad ng binata.
“Ano ang kailangan mo, Brent? Tatanggalin mo na ba ang mga palamuti na inilagay mo?” sambit agad ng matandang ginoo.
“H-hindi po, Mang Fred,” napapangising tugon ni Brent.
“Mang Fred, h’wag po sana ninyong mamasamain ang pagtatanong kong ito, ngunit bakit po parang may galit kayo sa pasko? Bakit tuwing nagtatayo ako ng christmas tree, taun-taon ay ayaw niyo,” nilakasan na ng binata ang loob sa kaniyang pagtatanong.
“Anong pakialam mo? Wala! Ayoko lang ng maingay! Ayoko ng ginagambala ako. Katulad ng ginagawa mo ngayon habang nag-aalmusal ako. Kaya kung wala ka nang itatanong pa ay p’wede bang umalis ka na rito sa silid ko at gusto ko namang namnamin ang kinakain ko,” tugon agad ni Mang Fred.
Humingi ng paumanhin si Brent at agad umalis sa silid ng matanda.
Dahil dito ay hindi pa rin nawala sa isip ni Brent si Mang Fred. Naisip niya na kung maliligayahan ang matanda sa salu-salo na kanilang ihahanda ay maaaring mawala ang hinanakit nito sa pasko. Kaya nag-isip siya ng mga laro at iba pang programa.
Nang dumating na ang araw ng salu-salo ay masaya ang lahat na dumalo maliban lamang kay Mang Fred. Kailangan pa itong pilitin para lamang tumungo siya sa hardin kung saan ginaganap ang programa.
Dahil gusto ni Brent na maligayahan ang matandang ginoo ay palagi niya itong sinasali sa mga palaro. Pilit ang pagtanggi ng ginoo ngunit walang sawa sa pamimilit ang binata.
“Sumali ka na, Fred. Inihanda lahat ito ni Brent para sa atin, lalo na sa’yo,” pagkumbinsi ni Aling Tansing sa matandang ginoo.
“‘Wag mo akong pakialaman, Tansing. Kung gusto mong sumali ay ikaw na lang. Tantanan mo ako!” pagsusungit ni Mang Fred na akmang babalik na ng kaniyang silid.
“Huy, ‘wag mo naman kaming iwan dito,” pagpigil ni Aling Tansing.
Lumapit agad si Brent nang makita na papaalis na si Mang Fred.
“Mang Fred, h’wag po kayong umalis dahil marami pa pong palaro at programa. Maupo muna po kayo. Kung gusto niyo po ay isasali ko kayo sa–” hindi pa natatapos si Brent ay sumigaw na ang matandang ginoo.
“Sinabi nang ayoko nga! H’wag niyo nga akong pinipilit. Lahat kayo, masayang-masaya kayo sa pasko at sa bwisit na christmas tree na ito!” hindi na napigilan pa ni Mang Fred ang galit. Sa tindi ng kaniyang pagkainis ay natumba niya ang nasabing christmas tree at napahinto ang lahat sa pagsasaya.
“Ano ba ang maganda sa pasko, e, narito tayo at nakakulong sa lugar na ito! Kung gusto niyong magsaya ay kayo na lang, h’wag niyo na akong pilitin!” sigaw pa ng matanda sabay alis.
Agad siyang sinundan ni Brent at Aling Tansing.
“Ano ang ginagawa niyo dito?” galit na wika ng matanda.
“Fred, kung may problema ka o kahit anong dala-dala diyan sa damdamin mo ay mapagkakatiwalaan mo kami,” saad ni Aling Tansing.
“Opo, Mang Fred. Narito po kami upang tulungan kayo sa abot ng aming makakaya,” wika naman ni Brent.
“A-ano pa ang magagawa niyo? Hindi niyo na maibabalik ang lahat,” naiiyak na sambit nito.
“Taun-taon ay itinatayo ng mag-ina ko ang chritmas tree. Lagi nila akong inaantay para nang sa gayon ay sama-sama kaming magpailaw nito. Ngunit sa taun-taon na ikinakabit nila ito ay wala ako sa tabi nila dahil sa pagkaabala sa tabaho,” nagsimula nang maglahad si Mang Fred.
“Ngunit isang araw bago magpasko ay namili ang mag-ina ko ng mga idedesenyo sa chritmas tree. Sinundo ko sila sa mall. Tandang-tanda ko pa ang saya sa mukha ng mag-ina ko at kung gaano sila kasabik na itayo ang christmas tree dahil sa wakas ay makakasama nila ako. Ngunit wala akong ginawa kung hindi tumanggap pa rin ng tawag galing sa boss ko kahit tapos na ang oras ng trabaho.
Madulas ang daan, sa lakas ng ulan. Bigla na lamang ay isang trak na biglang sumulpot sa harapan namin. Hindi na ako nakaiwas. Matindi ang nangyari sa sasakyan. Akala ko nga ay hindi na ako magigising sa tindi ng pinsala sa amin. Nang magising ako sa ospital ay agad kong tinanong ang mag-ina ko. Ngunit sa kasamaang palad ay wala na sila,” pahayag ni Mang Fred na sa pagkakatong ito ay lubusan nang lumuluha.
“Hindi ko alam kung paano na ako noon. Walang kasing sakit na ang parehong pinakamamahal ko sa buhay ay mawawalan ng buhay dahil sa akin. Nalugmok ako sa lungkot at sa dusa. Ilang pasko ang dumaan sa buhay ko na gusto ko na lang sanang mawala. Hanggang sa pagtanda ko ay inilagay na lamang ako ng mga pamangkin ko dito dahil ayaw nilang alagaan ang isang matandang katulad ko,” dagdag pa niya.
Ngayon ay naintindihan na ni Aling Tansing at Brent ang pinagdaraanan ng ni Mang Fred. ito pala ang dahilan kung bakit ayaw nito ng pasko.
“H’wag po kayong mag-alala, Mang Fred. Kung nasaan man ang mag-ina ninyo ay masaya na sila. Darating din ang panahon na muli kayong magkakasama-sama. Ngunit habang narito kayo, maging masaya kayo sa pasko tulad ng gusto nila para sa inyo. Dito, mang Fred, kami muna ang magiging pamilya ninyo kung hahayaan niyo kami makapasok sa buhay ninyo,” wika ng binata.
Tumingin si Mang Fred sa binata at napangiti.
“Pasensiya na kung nasira ko ang christmas tree. Hayaan mo, tutulong ako upang maitayo ito muli,” nakangiti ngunit lumuluhang sambit ng matandang ginoo.
Napagtanto ni Mang Fred na tama nga ang binata. Simula noon ay hinayaan na niyang makapasok ang mga ito sa kaniyang buhay. Nakihalubilo na rin siya sa mga kasamahan. Doon ay tila nabuhayan siya ng loob para sa mas magandang bukas dahil maraming nagmamahal sa kaniya.
Sa wakas, ito na ang unang pasko na naging masaya simula nang lumisan ang kaniyang mag-ina.