Sinigaw-sigawan ng Matapobreng Dalagita ang Kanilang Matandang Drayber; May Koneksyon Pala Ito sa Kaniyang Buhay
“What’s that smell? My gosh?! Ang baho!”
Galit na galit si Aubrey sa kanilang family driver na si Mang Berto. Bata pa lamang siya ay nakikita na niya ang matanda sa kanilang pamilya. Malaki ang tiwala ng kaniyang Mama at Papa sa naturang driver, na minsan ay kinaiinisan niya.
“Ay Ma’am Aubrey, pasensiya na po kayo, hindi ko po naalis sa kotse itong danggit na binili ko, pasensiya na po,” paghingi ng paumanhin ni Mang Berto. Agad nitong kinuha ang nakaplastik na danggit.
“Grabe ka naman! Para kang baguhan, sinabi ko naman sa iyo na ayoko sa mabaho. Saka bakit ka nag-iiwan ng pansarili mong gamit dito sa kotse? Hindi naman sa iyo ito. Driver ka lang.”
Ang mga pahayag na iyan ang naabutan ni Donya Paz. Pulang-pula ang mukha ni Mang Berto, halatang hiyang-hiya ito.
“What’s happening here? Aubrey? Watch your words naman. Berto, sige na, pumasok ka muna sa loob,” utos ni Donya Paz sa matandang family driver.
“Eh kasi naman nag-iwan siya ng that kadiring fish dito sa car, so smelly tuloy! I told him not to leave his personal things dito sa car since he doesn’t own it! Driver lang siya. Is that wrong, mom?”
“Hey sweetie… maaalis naman ang bad smell pero huwag mo naman pagsalitaan nang ganiyan si Mang Berto. You have to respect him. Baka mamaya may makarinig sa iyong kapitbahay natin,” suweto ni Donya Paz.
“What? Siya na naman kinampihan ninyo? Ano na naman sasabihin ninyo sa akin? Na matagal na siya sa atin? Iyon na nga eh. Matagal na siya sa atin tapos lagi pang palpak. Besides, maybe we should hire a younger driver, Ma. Ipag-retire ninyo na si Mang Berto since he is tanda na already,” maarteng sabi ni Aubrey.
“You don’t understand, Aubrey… Mang Berto has been our family driver since nabubuhay pa ang mga lolo at lola mo. Yes we can hire younger ones pero iba pa rin ang service na ibinigay ni Mang Berto, kasi nakuha na niya ang trust namin. Maging mabait ka naman sa mga kasambahay natin sa bahay. Hindi lang sila helper, anak. Sila ay family members na rin natin,” paalala ni Donya Paz sa kaniyang 16 na taong gulang na anak.
Iyan ang naging problema nila ni Don Arturo sa pagpapalaki sa kanilang nag-iisang anak na si Aubrey. Palibhasa’y only child, naibigay ni Don Arturo ang lahat ng luho nito, hanggang sa maging spoiled brat ito. Halos lahat ng kasambahay ay inaaway. Gusto lahat ay masusunod.
Isa nga sa mga madalas na inaaway nito ay si Mang Berto na kanilang family driver. Hindi rin maintindihan ni Donya Paz kung bakit mainit ang dugo ng anak dito.
Isang araw, nagka-dengue si Aubrey at kinakailangang salinan ito ng dugo. Nakapagtatakang hindi nag-match ang dugo nina Donya Paz at Don Arturo kay Aubrey. Kailangan nang masalinan nang dugo si Aubrey; kung hindi, maaari niya itong ikawala. Nagkataon din na walang stock na type AB sa blood bank kaya nahirapan sila.
“M-May isa akong kilalang maaaring makatulong sa atin,” sabi ni Donya Paz kay Don Arturo.
“Sino? Kailangan na natin siyang mapuntahan,” sabi ni Don Arturo.
“S-si Berto… si Berto… kailangan nating ipasuri kung magka-blood type sila,” sabi ni Donya Paz.
Takang-taka naman si Don Arturo.
“Bakit sa lahat ng tao, si Berto? Ang ating driver?”
“Saka na ako magpapaliwanag. We are running out of time. Kailangan na nating malaman kung magkapareho ba sila ng blood type, as soon as possible!” natatarantang sabi ni Donya Paz.
Hindi naman nag-atubili si Mang Berto na magpakuha ng blood sample: at pareho nga sila ng blood type. Dahil wala naman bisyo at walang sakit, mabilis na nakuhanan ng dugo si Mang Berto upang maisalin na kay Aubrey. Makalipas lamang ang isang araw at bumuti na ang lagay nito.
“I think kailangan mong ipaliwanag ngayon sa amin bakit si Berto ang naisipan mong kuhanan ng dugo para kay Aubrey. May itinatago ka ba sa amin?” tanong ni Don Arturo.
“Saka ko na sasabihin sa iyo kapag gising na si Aubrey. Mahalagang malaman na ninyo ang totoo,” kabadong sabi ni Donya Paz.
At nang magising na nga at magkamalay si Aubrey at tuluyan nang nakarecover, ipinagtapat na ni Donya Paz ang lihim nila ni Mang Berto.
“Nasa States ka noon Arturto, at buntis ako noon. Nagkataon ding buntis ang asawa ni Mang Berto na si Aling Insigna. I was career-driven that time. I still go to work kahit pinagbawalan mo na ako noon dahil nga sa komplikado ang pagbubuntis ko,” umiiyak na panimula ni Donya Paz.
“Nagka-affair ba kayo ni Mang Berto, Mom?” umiiyak na tanong ni Aubrey. Mukhang alam na niya kung saan patungo ang pagtatapat ng kaniyang ina.
“No, sweetie. Hindi ganoon. I had a miscarriage. Nakunan ako. Sa takot ko sa Daddy mo na magalit siya, pinalabas ko na okay lang ako. Hindi pa uso ang social media that time. Arturo, I made you believe na may anak pa rin ako sa sinapupunan ko pero ang totoo matagal na siyang wala. Nagkataon naman, binawian ng buhay ang asawa ni Mang Berto sa panganganak. Kaya, binili ko ang anak niya. At ikaw iyon, Aubrey… ikaw iyon…” humahagulhol na pagtatapat ni Donya Paz.
“Ang tunay mong ama ay si Berto na ating family driver… I’m so sorry sa ginawa ko, niloko ko kayo, niloko ko kayo, especially you, Arturo. I’m very very sorry…”
Hindi makapaniwala sina Don Arturo at Aubrey sa kanilang mga narinig na rebelasyon mula mismo kay Donya Paz. Hindi sila makapaniwalang magagawa nito ang manloko, gayong ito mismo ang nagtuturo sa kanilang dapat laging nasa tama lamang ang kanilang mga ginagawa.
Humingi ng tawad si Aubrey sa kaniyang mga nagawa sa tunay na amang si Mang Berto. Unti-unting lumambot ang puso niya para sa tunay na ama.
Pinatawad naman ni Don Arturo ang asawa dahil itinuring na rin naman niyang parang tunay na anak si Aubrey, at kahit na anong gawin nila, hindi na maibabalik pa ang nakaraan.