Inday TrendingInday Trending
Alam ng Dalaga na Niloloko lamang Siya ng Kaniyang Nobyo Subalit Hindi Niya Ito Maiwan-iwan; Kailan Kaya Siya Matatauhan?

Alam ng Dalaga na Niloloko lamang Siya ng Kaniyang Nobyo Subalit Hindi Niya Ito Maiwan-iwan; Kailan Kaya Siya Matatauhan?

“Umamin ka nga sa akin Daniel… ilan ba kami sa buhay mo? Hindi mo na ba ako mahal? Bakit mo ba ako ginaganito?”

Lumuluha na naman si Pia dahil natuklasan na naman niya ang pambababae ng kaniyang boyfriend na si Daniel. Limang taon na ang kanilang relasyon. Si Daniel ang unang boyfriend ni Pia kaya hindi niya ito maiwan-iwan kahit na paminsan ay harap-harapan na siyang niloloko.

Masuyong nilapitan siya ni Daniel. Niyakap. Nilambing.

“Hindi ko naman iyan mahal, Pia. Hindi ko naman kasalanan kung bakit guwapo ang boyfriend mo, sila itong lapit nang lapit sa akin. Sabi ko nga sa kanila may girlfriend na ako, pero mapilit sila eh. Ikaw ang mahal ko,” paglalambing ni Daniel.

Isang konserbatibong babae si Pia kaya hindi niya maatim ang ginagawa ni Daniel na pakikipagharutan sa iba pang babae. Subalit hindi rin naman niya kayang iwan si Daniel. Ito ang unang lalaking nakakuha sa kaniyang pagkababae. Gusto niya sana, ito na ang lalaking makakasama niya habambuhay. Subalit hindi yata iyon ang direksyong nais tahakin ng nobyo. Hindi pa ito handa sa responsibilidad. Masyado pa itong mapaglaro.

“May nangyari ba sa inyo ng babaeng iyan na katext mo?” kinakabahang tanong ni Pia.

“Babe… wala. Walang nangyari sa amin. Palakaibigan lang talaga ako sa mga babaeng gusto akong makilala. Hindi ba napag-usapan na natin ito? Hindi naman ibig sabihin na may mga bago akong nakikilalang babae, eh lolokohin na kita. Ikaw lang ang babaeng mahal ko,” panunuyo ni Daniel.

Sa totoo lang, ito ang dahilan kung bakit hindi maiwan-iwan ni Pia si Daniel. Kahit alam niyang nagsisinungaling ito. Masyado kasi itong malambing at malakas ang panghihikayat; na mapapatianod ka na lamang.

Hindi na niya mabilang sa daliri kung ilang beses na niyang nahuling may katext o kachat na ibang babae ang nobyo, subalit hindi naman ito nagagalit sa kaniya kapag kinokompronta na niya. Maayos nitong sasabihin na ito ay kliyente lamang o kaya naman ay isang kaibigan.

Sa lahat ng ito, ang napagbubuntunan niya ng lahat ng kaniyang mga hinanakit ay ang matalik na kaibigang si Estel.

“Here we go again Pia. Ano ka ba? Wake up! Niloloko ka na ni Daniel, pumapayag-payag ka na ginaganoon ka? Maganda ka naman… well, kailangan mo lang mag-level up sa sarili mo kasi para kang manang manamit,” tapat na sabi ni Estel sa kaibigan.

Totoo naman iyon. Balot na balot kasi siyang manamit. Hindi siya sanay sa mga damit na tipong moderno.

“Eh mahal na mahal ko si Daniel. Pakiramdam ko, magbabago naman yung tao kapag kasal na kami. Sa ngayon kasi nagagawa pa niya iyan dahil hindi pa naman kami mag-asawa,” pagtatanggol na lamang ni Pia sa nobyo.

Napahalakhak si Estel.

“Oh my gosh, Pia. You are so naive! Anong klaseng pag-iisip iyan? Ang sabihin mo, hindi pa nga kayo kasal, pero ganiyan na siya. Paano na lang kung kasal na kayo at ganiyan pa rin ang ugali niya? Paano kung may mga anak na kayo? Kaya hanggang wala pa kayong basbas mula sa simbahan, mag-isip-isip ka na!”

Hindi na lamang kumibo si Pia. Sa totoo lamang, malaki pa rin ang kaniyang paniniwalang magbabago pa rin si Daniel, at nakahanda naman siyang baguhin ito.

Isang araw, naanyayahan si Daniel sa isang disco party. Isinama niya si Pia. Kahit hindi mahilig sa ingay, nagpaunlak pa rin siya. Nalasing si Daniel, at doon niya nakita ang harap-harapang panloloko sa kaniya ng nobyo. Kitang-kita ng kaniyang dalawang mga mata na nakikipagsayawan at nakikipagyakapan ito sa mga kaibigang babae, na kay haharot at walang pakialam kahit alam naman nilang naroon lamang siya. Kay seseksi at revealing ng mga suot nito.

Isang desisyon ang ginawa ni Pia. Biglang pumasok sa isipan niya ang mga sinabi ni Estel.

Nagtungo siya sa banyo at nagpalit ng suot na damit. Dinala niya ang napakaseksing damit na iniregalo sa kaniya ni Estel. Ito na ang panahon upang gamitin ito. Naglagay rin siya ng kaunting make-up at pulang-pulang lipstick.

Pagkaraan, nagtungo siya sa dance floor at maharot na sumayaw sa mabilis at mapanuksong tugtugin. Marami sa mga bisitang lalaki ang nabighani sa kaniya. Lumapit sila sa “bagong bihis” na si Pia; pinalibutan, at nakipagsayaw.

Napansin ito ni Daniel. Itinulak niya ang mga kasayawang babaeng humaharot sa kaniya. Nagtungo siya sa kinalalagyan ni Pia, at pinagbantaan ang mga lalaking nakapalibot dito.

“Stay away from my girlfriend! Back off!” galit na sabi ni Daniel. Muntik pa niyang sapakin ang isang lalaking nagtangka sanang hilahin si Pia. Isa-isang umalis ang mga lalaking nakaikot kay Pia.

“Are you out of your mind? Flirting with everybody while narito lang ang boyfriend mo—-“

Isang matunog, malakas na sampal ang gumimbal sa kaliwang pisngi ni Daniel.

“W-What are you doing…”

“Enough! Enough!” galit na sabi ni Pia.

“Ang tagal kong tiniis ang mga ginagawa mo sa aking panloloko. Sabihin mo iyan sa sarili mo! You are flirting with those sl*tty b*tches na narito lang ako! How dare you! Wala kang respeto sa akin. Nirespeto mo ba ako, ha? Never! Dahil kung talagang nirerespeto mo ako, kung talagang mahal mo ako, hindi ka na titingin sa iba! Tapos na tayo, Daniel,” bulalas ni Pia. Dinuro niya ang mukha ni Daniel.

“Diyan ka na sa mga babaeng iyan!” pagkaraan, nagmamadaling umalis si Pia. Mabuti na lamang at may dumaang taxi kaya nakauwi na kaagad siya.

Hindi na binalikan ni Pia si Daniel, sa kabila ng pagmamakaawa nito. Sa kaibuturan ng puso ni Pia, masayang-masaya siya sa isa sa mga pinakamatapang na desisyong ginawa niya: ang mas mahalin at respetuhin pa ang kaniyang sarili.

Advertisement