Inday TrendingInday Trending
Nais Lang Naman Niyang Pakainin ang Isang Pulubi; Ngunit Bakit Pinapalabas Sila sa Naturang Kainan?

Nais Lang Naman Niyang Pakainin ang Isang Pulubi; Ngunit Bakit Pinapalabas Sila sa Naturang Kainan?

Naglalakad si Hero nang mamataan niya ang isang pulubi sa tabi ng daan, nanginginig at halatang gutom na gutom na ito. Agad niyang nilapitan ang lalaki upang kausapin.

“Ano pong nangyayari sa inyo, Manong?” Nag-aalalang tanong ni Hero.

“Nagugutom na po kasi ako,” nanginginig nitong sagot.

Nagpalinga-linga si Hero upang maghanap ng malapit na makakainan. Ngunit isang restaurant lamang ang kaniyang namataan at dito na nga niya naisipang dalhin ang nakakaawang lalaki.

Madungis ang may edad ng lalaki ngunit hindi naman ito nangangamoy. Sa kaniyang tantiya ay nadumihan ang suot nito dahil sa paghiga sa kalsada.

Um-order si Hero ng pagkain para sa lalaki na nakilala niyang si Mang Tonyo. Nang makapili ay naghintay sila ng kalahating oras ayon sa waiter na nag-serve sa kanila.

Nang dumating ang mga in-order ni Hero para kay Mang Tonyo ay agad niya itong sinabihan na kumain na upang mawala ang nararamdamang gutom.

Nakakaisang subo pa lang yata si Mang Tonyo nang lumapit sa gawi nila ang Manager ng restaurant.

“Sir, pasensiya na po kayo sa istorbo pero hindi po kasi pwede sa restaurant namin ang kagaya ni sir,” anito sabay tingin kay Mang Tonyo, mula sa ulo hanggang sa paa.

“Pero bakit naman po boss? Wala naman kaming ginagawang masama. Pinapakain ko lang naman itong kasama ko,” alma ni Hero.

“Sorry po sir pero nandidiri kasi sa kaniya ang ibang customers,” mahinahon pa ring wika ng Manager.

“Hindi ba’t unfair naman iyon sa side namin sir?” ani Hero. “Magbabayad rin naman kami ng kakainin namin. Pero bakit pinapalabas niyo kami?

Gusto ko lang naman na makakain ng kumportable ang kasama ko. Por que ba madungis ang isang tao, hindi na pwedeng kumain sa mamahaling restaurant na kagaya nito?!” Nakasigaw nang wika ni Hero sa inis na nararamdaman sa mga taong mapanghusga.

“Tama na, hijo. Lalabas na lang ako. Sanay naman akong kumain sa lansangan,” awat ni Mang Tonyo sa kaniya.

“Hindi Mang Tonyo, nakakainis lang. Sana kanina pa lang pinalabas niyo na kami, para hindi na kami naka-order ng pagkain sa matapobreng kainan na ito.

Hinantay niyo pang maka-order kami bago niyo kami paalisin e. Sa susunod boss, lagyan niyo ng karatola ang labas ng pinto niyo na; Matapobre kami, hindi kami tumatanggap ng mga pulubi rito, gano’n para alam na namin kaagad na hindi pala kami dapat pumasok rito!” naiinis na kausap ni Hero sa manager ng restaurant.

“Kayo naman. Nakadamit lang kayo ng maayos-ayos kung makapang-mata kayo sa mga kagaya ni Mang Tonyo, wagas! Ang pa-plastik niyo!

Huhulaan ko, kung makapag-post kayo sa social media, akala mo talaga que babait. Pero sa totoong buhay ganyan ugali niyo. Mga impokrito!” Inis na baling ni Hero sa mga kostumer ng restaurant na kinakainan.

“Tama na hijo.” Muling pigil ni Mang Tonyo sa kaniya.

Dahil sa inis ay ipinabalot na lamang ni Hero ang in-order na pagkain at nagdesisyong lumipat sa ibang kainan.

“Pasensya ka na hijo kung dahil sa’kin kaya nagagalit ka ngayon,” nahihiyang wika ni Mang Tonyo.

“Mang Tonyo, wala kang kasalanan. Iyan ang tatandaan mo. Sila ang may kasalanan dahil sa mga ugali nilang impokrito!”

Humihikbing tumango-tango si Mang Tonyo. “Mula no’ng nagpalaboy-laboy na ako’y madalas na akong hinuhusgahan ng mga taong nakakasalubong ko. Wala naman akong ginawang masama sa kapwa ko.

Gusto ko lang namang makakain lalo’t nagugutom ako. Pero gano’n talaga hijo, kapag madungis at mukha kang pulubi. Animo’y krimin*l na ang tingin ng iba sa’yo,” humahagulhol na wika ni Mang Tonyo.

Nahahabag na niyakap ni Hero si Mang Tonyo. “Kailanman ay hindi isang krim*n ang manghingi ng tulong Mang Tonyo, at lalong-lalo nang hindi krim*n ang tumulong,” ani Hero.

“Salamat hijo,” humihikbing wika ni Mang Tonyo.

Matapos niyang pakainin si Mang Tonyo ay tinanong niya ito kung anong trabaho pa ang kaya nitong gawin. Nalaman niyang dati pala itong family driver, bago pa man nagpalaboy-laboy sa lansangan.

Nalaman din niyang kaya ito nagpalaboy-laboy sa kadahilanang iniwan ito ng dating kinakasa-kasama ang dalawang anak. Tinulungan ni Hero si Mang Tonyo na makahanap ng trabaho upang hindi na ito magpalaboy-laboy sa lanasangan.

  • “Salamat Hero, kung hindi dahil sa’yo ay baka hanggang ngayon naroon pa rin ako sa lansangan nagpalaboy-laboy,” puno ng emosyong wika ni Mang Tonyo sa binata.

    “Walang anuman Mang Tonyo, isipin niyo na lang na ako ang taong ipinadala sa’yo ng Panginoon upang tulungan ka,” nakangiting wika ni Hero.

    Naging maayos na ang takbo ng buhay ni Mang Tonyo dahil kay Hero.

    Advertisement