Inday TrendingInday Trending
Matagal Hinanap ng Dalaga ang Gitarang Ipinamana ng Ama; Hindi Lang Pala Gitara ang Kaniyang Matatagpuan

Matagal Hinanap ng Dalaga ang Gitarang Ipinamana ng Ama; Hindi Lang Pala Gitara ang Kaniyang Matatagpuan

Sa musika na umikot ang mundo ng dalagang si Shaira simula nang mawala ang kaniyang mga magulang. Nais niyang sundan ang yapak ng kaniyang ama na dating isang musikero. Gamit niya ang gitarang ibinigay ng ama ay nakahanap ng trabaho ang dalaga bilang isang mang-aawit sa isang sikat na bar.

Kahit mag-isa lamang siyang namumuhay ay masaya siya at itinuon na lamang ang isip sa paglikha ng mga awitin.

“Ang ganda-ganda mo pero wala kang nobyo,” saad ni Bea, kasamahan niya sa bar.

“‘Yung mga bagay na ganiyan ay hindi ko na hinahanap, mars. Alam kong kusang darating ‘yan sa akin sa tamang panahon,” tugon ng dalaga.

“Parang ‘yung lalaking iyon?” sabay turo ni Bea gamit ang nguso niya. “Napapadalas ang punta niyang si Sir Rex dito. Hindi mo ba napapansin ang mga ngiti at tingin niya sa’yo?”

“Loka-loka! Kaibigan kasi ng boss natin ‘yang si Sir Rex kaya laging nandito. H’wag mong bigyan ng kulay ‘yon,” saad ni Shaira.

“Ikaw ang bahala. Pero baka ang hinihintay mong pagkakataon ay lumagpas dahil hindi ka makaramdam,” buyo ng kaibigan.

“Loka! Ewan ko sa’yo! O siya, iwan na kita diyan, kailangan ko nang umakyat sa entablado,” saad ni Shaira.

Matapos ang pagtatanghal ng dalaga ay nagulat siyang biglang lumapit sa kaniya ang binatang si Rex.

“Napakagaling mo!” bungad nito. “Kaya hindi ako nagsasawa na pumunta dito para mapanood ka,” aniya.

Nahiya naman si Shaira sa kaniyang narinig.

Hindi na nagpatumptik-tumpik pa si Rex at agad na ipinagtapat ang kaniyang pagtingin sa dalaga. Gabi-gabi ay pinupuntahan niya si Shaira sa bar. Inihahatid niya ito sa kaniyang tahanan. Hanggang sa nahulog na rin ang loob ng dalaga sa kaniya at tuluyan na siyang sinagot.

Naging masaya naman ang kanilang relasyon. Sa katunayan nga ay makalipas ang tatlong buwan ay nagdesisyon na agad silang magsama.

Ngunit habang tumatagal ay nakita ni Shaira ang tunay nitong anyo. Mahilig itong uminom at lulong din sa sugal.

“Anong ibig sabihin nito, Rex?” tanong ni Shaira habang ipinapakita sa kaniya ang bawal na gamot na nakita niya sa aparador nito.

“Bakit ka gumagamit nito?” dagdag pa niya.

“Akin na ‘yan! Bakit ka kasi nakikialam sa mga gamit ko?” galit na sigaw ng binata.

“Ano pa ba ang tinatago mo sa akin, Rex? Kung mahal mo ako ay ititigil mo ang paggamit niyan!” wika ni Shaira.

“Sinabi nang ‘wag mo akong pakialaman, hindi ka makaintindi!” galit nitong tugon sabay sampal sa nobya. Labis itong ikinagulat ni Shaira.

“Patawad! Hindi ko sinasadya, mahal. Patawarin mo ako!” giit ni Rex sa dalaga.

Dahil sa pagmamahal ni Shaira kay Rex ay madali niya itong napatawad sa pangakong hindi na ito uulit at hindi na siya gagamit pa ng ipinagbabawal na gamot.

Ngunit hindi dito natigil ang pananakit ni Rex sa dalaga. Dahil dito ay tuluyan na siyang nagdesisyon na iwan ang kinakasama. Ngunit nang aalis na siya ay hindi na niya matagpuan ang gitara na ibinigay sa kaniya ng kaniyang ama.

“Nasaan ang gitara ko, Rex? Saan mo dinala ang gitara ng tatay ko?” nagagalit niyang tanong sa dating nobyo.

Hindi man lamang nakaimik si Rex. Nalaman na lamang ni Shaira na ibinenta pala ito ng binata dahil sa pagkatalo sa sugal. Hindi niya mapatawad si Rex dahil ito na lamang ang tanging alaalang naiwan sa kaniya ng ama.

Sa paglisan niya sa binata ay hangad niya na makita niyang muli ang naibentang gitara ngunit kahit saan siya magtanong ay hindi niya ito matagpuan.

Makalipas ang dalawang taon ay may nakapagturong kaibigan sa kaniya.

“Shaira, hindi ka maniniwala. Nakita ko na kung nasaan ang gitara mo!” saad ni Bea.

“Gamit ito ng sikat na mang-aawit na si Charles! Nakita ko kagabi sa concert niya. Hindi ako maaaring magkamali, iyon talaga ang gitara ng tatay mo!” dagdag pa ng dalaga.

Agad na gumawa ng paraan si Shaira upang makausap niya ang nasabing musikero. Alam niyang maliit ang tyansa na makuha niya itong muli ngunit nagbakasakali siya.

Pumunta siya sa mga concert ng binata. Pilit siyang nakikipagsiksikan nang sa gayon ay makausap niya ang binata tungkol sa gitarang hawak nito ngunit siya ay nabigo dahil sa tindi ng higpit ng seguridad para sa binata.

Sa labas ng bar kung saan naganap ang konsyerto ay napaupo na lamang si Shaira at napaiyak.

“Hindi ba maganda ‘yung concert kaya ka umiiyak d’yan sa tabi? Nagsisisi ka ba na bumili ka ng ticket?” tanong ng isang tinig sa kaniya.

Nang napatingala si Shaira ay nakita na lamang niya si Charles sa kaniyang harapan.

“N-naku, hindi iyon ang dahilan kaya ako umiiyak. Pasensiya ka na kung naisip mo ‘yan. Magaling ka at ang banda mo,” saad ng dalaga.

“Ano ang iniiyak mo kung ganon?” tanong muli ni Charles.

“Pasensiya ka na pero kakapalan ko na ang mukha ko. ‘Yung gitara na gamit mo kasi, hindi ko alam kung paanong napunta sa iyo ‘yan pero kailangan ko ‘yang mabawi,” wika ni Shaira.

“Sandali, hindi mo p’wedeng basta na lang kunin ang gitara ko. Mahal ang bili ko dito at simula nang napasa akin ang gitara na ito ay sinuwerte na ako sa buhay,” sambit ng binata.

“Iyan ang kaisa-isang pamana ng tatay ko sa akin. ‘Yan na lang ang nag-iisang alaala ko sa kaniya. Kaya parang awa mo na, ibalik mo na sa akin ang gitara na iyan,” pakiusap niya.

Nag-aalinlangan si Charles kung nagsasabi ng totoo si Shaira. Agad naman siyang nagpakita ng mga larawan na magpapatunay na sa kaniya nga ang gitarang ito.

Kaya wala nang nagawa pa si Charles kung hindi ibalik ito sa dalaga. Laking tuwa naman ni Shaira lalo nang makita niyang mas maayos pa ang gitara kaysa dati.

“Pangako, ibabalik ko sa iyo ang nagastos mo rito sa gitarang ito. Bigyan mo lang ako ng panahon,” pahayag ni Shaira.

Hinangaan ni Charles ang dalaga kaya lihim itong pumupunta sa mga pagtatanghal nito. Dahil dito ay nakilala niya ng higit pa si Shaira at ang galing nito sa musika. Lalo pa siyang humanga dito nang malaman niyang bumabangon ito mula sa isang masalimuot na relasyon.

Hindi na naitanggi pa ni Charles na unti-unti nang nahuhulog ang loob niya sa dalaga.

“Natatakot na akong ipagkatiwalang muli ang puso ko, Charles,” saad ng dalaga.

“Naingatan ko nga ang gitara ng tatay mo sa loob ng ilang taon. Kaya kong patunayan na iingatan ko rin ang puso mo,” pangako ng binata.

Ginawa lahat ni Charles para magtiwala sa kaniya si Shaira. Ginawa niya ang lahat nang sa gayon ay pumayag itong papasukin siya sa kaniyang buhay. Dahil sa tiyaga ng binata ay tuluyan na ring nahulog ang loob ni Shaira dito.

Naging totoo si Charles sa kaniyang pangako at iningatan niya ang puso ng dalaga. Hindi nagtagal ay nagpakasal sila at pinuno nila ang kanilang buhay ng musika at pag-ibig.

Hindi inakala ni Shaira na ang gitara pa ng kaniyang ama ang magdadala sa kaniya patungo sa tunay na pag-ibig. Dito niya napatunayan na magpahanggang ngayon ay patuloy pa rin siyang ginagabayan ng ama mula sa langit.

Advertisement