
Nais nang Tapusin ng Isang Ginang ang Kaniyang Buhay nang Mawala ang Kaniyang Asawa; Isang Tawag ang Nakapagpabago ng Kaniyang Isip
“Wow, ang ganda naman ng mga bulaklak na ‘yan, Sandra! Anong okasyon?” bungad ni Kaye sa kaniyang matalik na kaibigan na si Sandra nang maabutan niya ito sa opisina nito na inaamoy ang mga bulaklak na padala ng asawa.
“Wala naman. Alam lang ni Henry na paborito ko kasi ang mga bulaklak na ito,” tugon ni Sandra.
“Napakaswerte mo talaga sa asawa mo, Sandra. Gwapo na, matipuno at higit sa lahat ay mayaman,” wika muli ng kaibigan.
“Ikaw talaga, Kaye. Alam mo namang hindi iyon ang nagustuhan ko kay Henry,” wika ng ginang.
“Alam ko naman ‘yon, mars. Alam ko namang ang pagiging malambing at pagkahulog na hulog sa iyo ang nagustuhan mo sa asawa mo. Hay, mapapa “sana all” ka na lang talaga d’yan sa asawa mo,” saad pa ng kaibigan
“Sobra nga akong nagpapasalamat at siya ang binigay sa akin ng Diyos. Mantakin mo kahit sa loob ng sampung taon na pagsasama namin na hindi ko siya mabigyan ng anak ay hindi niya ako nagawang lokohin o tumingin man lamang sa ibang babae,” lahad ni Sandra.
“Kaya nga napakaswerte mo, Sandra. Sana lahat ng lalaki ay kagaya ni Henry,” saad ni Kaye.
Halos lahat ng kaibigan ni Sandra ay naiinggit sa kaniya dahil sa pagsasama nilang mag-asawa. Sa tagal kasi ng pagsasama ng dalawa ay parang araw-araw pa rin nililigawan ni Henry si Sandra. Hindi ito nahihiyang ipakita sa iba ang kaniyang nararamdamang pagmamahal sa kaniyang misis. At lahat ng naisin ni Sandra ay agad sinusunod ng mister.
Kahit na sa sampung taong pagsasama nila ay hindi sila mabiyayaan ng anak dahil sa ay hindi ito naging hadlang kay Henry upang patuloy na mahalin ang asawa. Hindi niya ito nakita bilang pagkukulang ni Sandra. Bagkus ay itinuon na lamang niya ang kaniyang sarili sa pagpapasaya sa kaniyang misis.
“Kahit wala tayong anak, ikaw na lang ang baby ko habang buhay,” sambit ni Henry kay Sandra.
“Pero alam ko, iba pa rin kung magkakaanak tayo,” tugon ng misis.
“Pasensiya ka na sa akin, Henry, kung hindi ko maibigay ang kaisa-isang nais mo,” dagdag pa ng asawa.
“Masaya ako sa’yo, sa piling mo. Masaya ang magkaroon ng anak pero kung hindi ito ibibigay sa atin ay ayos lang. Ang mahalaga ay narito ka sa buhay ko,” saad ng ginoo.
Kahit na madalas itong sabihin ni Henry sa kaniyang asawa ay naroon pa rin ang paghahangad ni Sandra na isang araw sana ay mabigyan niya ng kahit isang supling ang asawa. Kaya hindi sila tumigil ni Henry na sumubok na magkaroon ng anak.
Ngunit hindi nila inaasahan na ang tila walang katapusang kaligayahang kanilang nararanasan ay magwawakas nang ang asawang si Henry ay masangkot sa isang aksidente.
Papunta sana si Henry sa hotel kung saan sila maghahapunan ng asawa ay biglang may isang rumaragasang trak ang tumaob sa kotseng sinasakyan nito. Sa tindi ng pagtama sa sasakyan ay hindi na nakarating ng buhay si Henry sa ospital.
Hindi alam ni Sandra kung paano niya matatanggap ang biglaang pagkawala ng asawa.
“Hindi ko man lang nasabi sa kaniya ngayong araw na mahal ko siya,” pagtangis ni Sandra sa kaibigan.
“Sanay na ang buhay ko na lagi siyang kasama. Siya na nga lang mayroon ako. Ngayong wala na siya ano pa ang silbi ng buhay ko,” saad pa ng ginang.
“Tatagan mo ang loob mo, Sandra. Hindi gusto ni Henry na malugmok ka sa kalungkutan. Alam kong wala ng sasakit pa sa karanasan mong ito pero kailangan mong lumaban,” wika ni Kaye.
“Bakit pa ako lalaban kung wala na ang dahilan ko para maging malakas ako? Sana ay isinama na lang niya ako, Kaye. Hindi ko kayang wala ang asawa ko sa buhay ko,” patuloy sa pag-iyak ang ginang.
Nang makita ni Sandra ang labi ng asawa ay lalo siyang napaluha. Hinawakan niya ang mga kamay nito. Ang dating mainit niyang palad ay wala nang kasing lamig.
“Paano na ako, mahal? Ang sabi mo ay walang iwanan. Bakit narito ka nga pero hinding-hindi ko na maririnig kung gaano ka kasaya sa relasyon natin? Mahal na mahal kita, Henry!” umiiyak na sambit ni Sandra.
Kita kay Sandra na tuluyan na siyang ginugupo ng kaniyang kalungkutan. Hindi na ito makausap at madalas ay nakatulala. Nang mailibing ang asawa ay hindi na rin ito lumabas ng kaniyang silid. Nag-aalala na si Kaye kaya pilit niyang sinamahan ang kaibigan upang magpatingin sa ospital.
Ngunit hindi pa rin ito kumain. Madalas pa ring mag-isa sa silid at patuloy sa pag-iyak.
“Hindi ko na kaya ang sakit na ito, Henry. Isama mo na ako!” sambit ni Sandra na walang tigil sa paghagulgol habang yakap ang damit ng asawa.
Dahil dito ay napagdesisyunan niyang kit*lin ang sariling buhay.
Tinititigan niya ang nangangatog na kamay na puno ng gamot na pampatulog nang biglang tumunog ang telepono.
“Patawarin mo ako sa gagawin ko, Henry, pero nais na kitang makasama,” sambit niya.
Hindi tumigil ang pagtunog ng telepono. Dahil dito ay bigla siyang natauhan sa gagawin.
Napahinga siya nang malalim at napaluha. Dahil hindi pa rin humihinto ang pagtunog ng telepono ay sinagot na niya ito.
Walang iba kung hindi ang kaniyang kaibigang si Kaye.
“Mabuti ay sinagot mo ang telepono. Akala ko kung ano na ang nangyari sa’yo,” bungad nito.
“Sandra, may maganda akong ibabalita sa’yo. Buntis ka. Buntis ka, Sandra!” masayang wika ni Kaye sa kaibigan.
Hindi malaman ni Sandra ang kaniyang gagawin. Hindi siya makapaniwala sa ibinalita ni Kaye sa kaniya. Mas nangatog siya sa pagkakataong ito lalo na at naisip niyang kikit*lin na sana niya ang kaniyang buhay sa mga sandaling iyon.
“Iniwanan ako ni Henry ng isang buhay na alaala. Sayang lamang at wala siya sa tabi ko para matupad ko sana ang pangarap niya,” saad ni Sandra.
“Mas kailangan mong tibayan ang loob mo, Sandra. Hindi na lang para sa iyong sarili kung hindi para na rin sa batang dinadala mo,” sambit ng kaibigan.
Nabuhayan ng loob si Sandra upang harapin ang buhay kahit wala na ang asawang si Henry. Nabigyan siya ng rason upang muling harapin ang bukas ng buong sigla at pag-asa.
Mula noon ay hindi na tinangka pa ni Sandra na gawan ng masama ang kaniyang sarili bagkus ay inalagaan na niya ito para na rin sa kaniyang anak. Mabuti na lamang at hindi tumigil ang kaibigang si Kaye sa pagtawag kay Sandra noong araw na iyon.
Ngayon, kahit na wala na sa kanilang piling si Henry ay masaya nang namumuhay si Sandra kapiling ang kaniyang anak.