Inday TrendingInday Trending
Tampulan ng Tukso ang Isang Babae dahil sa Pagiging “Single Parent” Nito; Natauhan ang Lahat sa Kaniyang Sinabi sa Kanila

Tampulan ng Tukso ang Isang Babae dahil sa Pagiging “Single Parent” Nito; Natauhan ang Lahat sa Kaniyang Sinabi sa Kanila

Halos hindi makabasag pinggan ang kagandahan at pagiging mayumi ng dalagang si Krisha. Marami ang humahanga sa kaniya dahil sa angking kabaitan at katalinuhan ngunit kahit maraming nanliligaw ay hindi niya ito pinapansin dahil nakatuon ang kaniyang sarili sa pag-aaral.

Nasa kolehiyo na kasi at malapit na siyang magtapos bilang isang guro. Matutupad na sana niya ang naudlot na pangarap ng ina ngunit umibig ang dalaga sa binatang si Jerome at isang semestre na lang ay hindi inaasahan na mabubuntis ito.

Ikinagulat ito ng mga magulang ng dalaga. Lalo pa at alam nilang wala pa itong kasintahan.

“Paano mong nagawa sa amin ng tatay mo ito, Krisha? May usapan tayo, hindi ba? Ang sabi mo ay magtatapos ka muna ng pag-aaral at magiging isang ganap na guro bago ka magnobyo,” pahayag ng dismayadong ina.

“Hindi ka naman namin binabawalan na makipagnobyo, anak. Kaso sana ay naging mas responsable ka. Hindi naman ito para sa amin kung hindi para na rin sa kinabukasan mo,” saad naman ng ama nito.

“Patawarin niyo ako, ‘nay at ‘tay at binigo ko po kayo,” ito na lamang ang tanging nasabi ng lumuluhang si Krisha.

“Wala na tayong magagawa at nariyan na iyan. Ano ang sabi ng kasintahan mo? Ano ang balak niya? Alam na ba ito ng kaniyang pamilya?” tanong pa ng ina ng dalaga.

“H-hindi pa raw po niya nakakausap ang pamilya niya, pero ang sabi naman niya sa akin ay pananagutan daw niya ang dinadala ko. ‘Nay, ‘tay, patawad po talaga!” saad niya.

“Sabihin mo sa kasintahan mo na pumarito siya sa bahay kasama ang kaniyang mga magulang dahil gusto namin silang makausap,” saad ng ama ni Krisha.

Kinabukasan ay agad sinabi ni Krisha ang pinapasabi ng kaniyang ama sa nobyong si Jerome.

“H-hindi ko pa nasasabi sa mga magulang ko, Krisha. Kumukuha pa ako ng tiyempo. Hindi biro ang bagay na ito. Bigyan mo pa ako ng panahon,” saad ng binata.

“Kailan mo balak sabihin sa kanila, Jerome? Ayoko nang dagdagan pa ang sama ng loob sa akin ng mga magulang ko. Kaya pakiusap ko sa’yo ay sabihin mo na sa inyo nang makapunta na kayo sa bahay namin,” sambit pa ng dalaga.

Ngunit tila walang balak si Jerome na sabihin ito sa kaniyang mga magulang. Sa katotohanan ay tila wala din itong balak na panagutan pa si Krisha dahil madalas makita pa rin ng dalaga na bumabarkada ang nobyo at madalas na hindi rin nito sinasagot ang kaniyang mga tawag.

Nangyari na nga ang kinatatakutan ni Krisha nang minsan ay nakipagkita si Jerome at kausapin siya.

“Nakapag-isip-isip na ako, Krisha. Patawarin mo ako ngunit hindi pa pala ako handa na maging isang ama,” pahayag ng binata.

Pilit mang kumbinsihin ni Krisha ang kasintahan ay wala na siyang nagawa. Nang sabihin niya ito sa kaniyang mga magulang na hindi na siya pananagutan ng binata ay hindi sila nag-atubiling suportahan ang anak.

Samantala, naging tampulan ng tukso si Krisha sa kanilang lugar. Sa paglaki ng kaniyang tiyan ay umugong na ang balitang buntis siya at hindi siya pakakasalan ng lalaking nakabuntis sa kaniya.

“Akala mo kung sinong mahinhin. May tinatago rin palang kalandian,” saad ng isang ginang sa katsismisan niyang kapitbahay.

Nasasaktan man ay hindi na lamang pinakinggan ni Krisha ang mga sinasabi nito. Nagpatuloy siya sa pag-aaral at tinapos niya ito kahit na malaki na ang kaniyang tiyan. Hindi siya nagpatinag sa mga sinasabi ng ibang tao.

“Pabayaan mo na sila, Krisha. Ang mahalaga ay mairaos mo ang anak mo. Ang mahalaga ay maging maayos kayong mag-ina,” wika ng ina ng dalaga.

Naipanganak ni Krisha ang kaniyang anak ng matiwasay. Wala man siyang asawa ay nariyan naman ang kaniyang mga magulang upang siya ay gabayan.

Makalipas ang ilang taon, hindi man naging isang guro ay nakahanap naman ng isang matinong trabaho si Krisha. Naiwan sa pangangalaga ng kaniyang mga magulang ang kaniyang anak. Sa paglipas ng panahon ay hindi pa rin siya tinantanan ng tsismis.

“Hindi na nakapag-guro kasi nga naman walang asawa. Anong moral ang maituturo niya sa mga bata?” sambit ng kapitbahay.

“Oo nga. Naturingan mong nakapagtapos bilang isang guro pero siya pala ‘tong gumawa ng kaimoralan. Ayos lang sa kaniya na walang asawa at walang ama ang anak niya. Malandi kasi kaya ganiyan ang nangyari sa buhay niya,” saad pa ng isang ginang.

Sa pagkakataong ito ay hindi na nakatiis pa si Krisha sa mga sinasabi ng kaniya ng mga kapitbahay.

“Ano po ba ang problema ninyo sa akin?” sita niya sa mga ginang.

“Wala naman, Krisha. Nakakainis lang na kung umasta ka ngayon ay akala mo’y walang bahid dungis ang nakaraan mo!” tugon ng isa.

“Wala naman kayong kinalaman sa buhay ko. At higit sa lahat ay hindi naman ako nanghihingi sa inyo para ipangbuhay ko sa anak ko kaya hindi ko maintindihan kung bakit patuloy kayo sa pakikialam sa buhay naming mag-ina,” sambit pa ni Krisha.

“Oo, nagkamali ako noon pero hindi maituturing na pagkakamali ang anak ko. Ano ngayon kung single parent ako? Kailan pa naging kasalanan na piliin kong manatili sa piling ng anak ko? Bakit ako ang kinukutya ninyo at hindi ang taong piniling iwan ang kanilang mga anak,” dagdag pa niya.

Natahimik ang mga babae dahil sa sinabi ni Krisha. May punto kasi ang dalaga. Hindi niya kailangan ikahiya ang pagiging single parent dahil ginagawa niya ang kaniyang responsibilidad para sa anak. At walang kahit sino ang may karapatan na isumbat ang iyong nakaraan lalo pa at ginagawa mo ang lahat upang maging maayos ang iyong buhay.

Simula noon ay hindi na pinapalagpas pa ni Krisha ang lahat ng kaniyang naririnig lalo na kung tungkol sa kaniyang anak. Agad siyang tumalikod sa mga tsismosang kapitbahay at masayang sumalubong sa anak na naghihintay sa kaniyang pag-uwi.

“Nangangako ako, anak, na kahit nanay lang ang mayroon ka ay hinding-hindi mo mararamdaman na mayroong kulang sa iyo. Narito ako at ang lolo at lola mo palagi upang ipadama ang pagmamahal at pagkalinga na kailangan mo,” sambit niya sa anak.

Advertisement